Hindi mawawala ang senakulo o ang pagsasadula ng mga paghihirap ni Kristo sa tuwing sasapit ang Semana Santa. Subalit para sa mga progresibong groupo, maihahalintulad ang paghihirap ni Hesus sa paghihirap ng sambayanan, lalo na para sa mga maralitang nakatira sa kalunsuran.

Sa kanilang dulaang kalye, isinabuhay ng Sining Bugkos ang Kalbaryo ng Mamamayan. Laman ng pagtatanghal ang nananaig na problema ng naghihirap na mamamayan sa Kamaynilaan: mababang sahod, kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng bilihin, at panunupil ng karapatan dulot ng militarisasyon sa lungsod.
Inilahad sa bawat tagpo ang karaniwang karanasan ng mga maliliit na komunidad. Makikita na sa tuwing ibinabalandra ang pag-unlad at ‘modernisasyon’, maralita ang una at lubos na naaapektuhan dito. Mainit sa mata ng mga kapitalista at kahit ng gobyerno ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Hindi lang sa kanayunan nangyayari ang agawan sa lupa, maging sa kalunsuran, usapin ang katiyakan sa paninirahan.
Sa kapasyahan ng mga komunidad na labanan ang hindi nawawalang pangamba ng demolisyon, isinalarawan ng dula ang paggamit sa mga pulis at militar upang palayasin at takutin ang mga maralita sa lugar. Ipinakita lamang nito ang isa pang mabigat na pasanin ng mga mahihirap: bukod sa posibilidad na mawalan sila ng bahay ay may banta rin sa kanilang buhay.
Isinadula ng Sining Bugkos ang realidad ng mga lumalaban para sa kanilang karapatan sa paninirahan. Kita sa mga tagpo ng dulaang kalye ang ligalig at talamak na militarisasyon sa mga lugar ng maralita. Madalas nagkakampo ang mga pulis at militar malapit mismo sa mga lugar na may banta ng demolisyon–hindi para protektahan ang mga maralita kundi para protektahan ang mga tao sa likod ng demolisyon. Kapag ang mga maralita ay nagiging kritikal na at natututong lumaban, dito na pumapasok ang hukbo ng estado para sila’y supilin. Aatakihin at sasampahan ng mga gawa-gawang kaso ang mga lider nito, haharassin, at sa pinakamatindi, ay dadamputin o ‘di kaya’y papatayin na lamang sila.
Hindi na nawala ang paratang ng mga pulis at militar na bahagi ng mga rebeldeng grupo ang mga lider maralita. Naging laganap ang pagbabalandra ng “fake surrenderees” na mas madalas ay mga inosenteng sibilyan lamang na ginigipit para umaming sila ay kasapi umano ng “New People’s Army”.
Ito pa rin ang umiiral sa syudad at liblib na komunidad, sa kabila ng pagpapanukala ng Korte Suprema na ang “red-tagging” ay masama at may kakayahan na maglagay ng buhay sa panganib.
Sa ganito, hindi maiwasang mapaisip kung ang katagang “to serve and protect” ng pulis at sundalo ay para nga ba sa sambayanan o sa iilan lamang. Kung ganito ang nangyayari sa mga maralitang komunidad, sinong Pilipino ba ang pinoprotektahan ng estado? At kung ang estado at otoridad na ang mismong nagiging sangkap para matapakan ang karapatan ng mga mahihirap, sino pa ba ang magpoprotekta sa mga maralita?
Isang mahalagang aral na dapat makuha mula sa dulaang kalye na ito ay hindi kayang solusyunan ng pandarahas ang batayang pangangailangan ng mga mahihirap.
Hindi nagmintis ang Sining Bugkos sa pagpapakita ng tunay na kalbaryo ng mga maralita. Pinatotohanan lang nito na lalo lang mag-iinit ang paglaban ng mga maralita habang patuloy ang panggigipit ng estado sa kanila. Hangga’t walang makataong-solusyon, dapat lang na patuloy silang tumindig para sa kanilang karapatan.