Sinalubong ng kilos-protesta ng mga progresibong organisasyon sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa US Embassy sa Maynila ang paggunita ng ika-82 na anibersaryo ng Araw ng Kagitingan. 

Higit walong dekadang nakalipas mula nang sumuko si Major General Edward King sa humigit-kumulang 76,000 tropang Pilipino, Amerikano at Tsino sa mga Hapon. Limang araw na pinilit magmartsa mula Bataan hanggang Tarlac ang mga tropa, ito ang tinaguriang “Bataan Death March” kung saan libo-libo ang namatay bunsod ng pagmamalupit ng mga Hapon kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Pangunahing ipinanawagan sa protesta ang pagbabasura sa mga hindi pantay na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US tulad ng Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement, at paglulunsad ng mga joint military exercises, partikular sa nalalapit na taunang Balikatan Exercises.

Salaknib at Balikatan, kinondena

Salaknib at Balikatan (SABAK) Exercises ang tawag sa joint-military drills na pangngunahan ng Philippine Army at US Army Pacific ngayong taon. Unang ikinasa ang Salaknib noong Marso 24 hanggang Abril 11. Ang ikalawang bahagi nito ay gaganapin sa Mayo 15 hanggang Hulyo 21. Nilahukan ito ng aabot sa 5,000 sundalo kung saan 3,000 ang mula sa Pilipinas at 2,000 naman sa US.

Sa kabilang banda, ang Balikatan Exercises ay tinatayang sa huling linggo ng Abril ilulunsad at magtatapos hanggang Mayo. Noong 2024, tinatayang 10,000 tropang Amerikano at 6,000 tropa mula Pilipinas, Australia, at Japan ang lumahok sa nasabing joint exercises. 

Ayon kay Anton Altarejos ng League of Filipino Students – UP Manila, gaganapin ang Balikatan Exercises sa gitna ng girian ng dalawang dambuhalang bansa pangunahin ang US at China.

Aniya, nagpapatuloy ang US sa pang-uudyok sa China at panunulsol sa Pilipinas sa tabing ng mga ayudang-militar at suporta sa maritime dispute sa West Philippine Sea. 

“Yung ating gobyerno, pinupondohan nila yung military exercises ng ibang bansa, at hindi yung pag-develop ng ating sariling bansa. And in the end, lugmok talaga tayo sa kahirapan, habang yung imperialista, payaman nang payaman dahil sa kanilang mga negosyo sa paggawa ng armas,” ani Altarejos.

Dagdag pa niyang mayroong ecological at economic implications ang nangyayaring hidwaan sa pagitan ng US at China habang naiipit ang Pilipinas. 

“Saan ba ginaganap ang mga exercises na yan? Saan siya nagpapasabog ng mga bomba? Siyempre, sa ating mga kabundukan, sa mga kanayunan. Kaya ang damay dyan, siyempre, ang ating mga ecological resources, pati ang ating mga minorities na nakatira sa mga lugar na yon,” saad ni Altarejos.

Bukod sa mga kabundukan at kapatagan, naging bahagi rin ng Balikatan exercises ang pagkakaroon ng live-fire exercises sa karagatan kung saan apektado ang komunidad at kabuhayan ng maliliit na mangingisda.

“Ang aming protesta ngayong “Araw ng Kagitingan” ay magsisilbi bilang paalala na dapat tayong matuto sa kasaysayan at tutulan ang panghihimasok ng mga dayuhang kapangyarihan, lalo na ang mga brutal na pananakop sa ating bansa,” pahayag ng Bagong Alyansang Makabayan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here