Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang pinaka-apektado ng iba’t ibang uri ng disaster.

Mula sa lindol, bagyo, hanggang sa sunog at pandemya, danas ng bansa ang pagiging disaster-prone. Nasa Pacific Ring of Fire tayo at saklaw ng Pacific typhoon belt kung kaya’t binansagan tayong “world’s most disaster-prone nation.” Ngunit bukod sa likas na kalamidad, nakararanas din tayo ng mga antropohenik o human-induced disasters bunga ng atrasado at mapang-aping sistemang panlipunan. Kabilang sa mga ito ang mga oryentasyon ng pagmamahalan, ekonomiya, kultura, at pulitika.

Kung tutuusin, isa ang ating bansa sa mga unang nagpatupad ng batas para sa disaster risk reduction—ang Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010. Isa ito sa mga kinikilalang progresibong polisiya dahil kinikilala nito ang kahalagahan ng kasarian sa disaster governance.

Bagamat sa ganitong pagkilala, nananatiling tsika ang karanasan ng mga bakla sa disaster, hindi ito tsikang wala lang kundi tsikang puno ng danas ng pagkakaiba at diskriminasyon. Mula sa pagpaplano, mitigasyon, pagtugon, at pagbangon ay nanatili paring naiiwan ang mga bakla, madalas pa ay nakakaranas ng diskriminasyon, itinuturing na mahina, at ang malala pa ay sinisisi na dahilan ng disaster.

Tsikang kabaklaan ni Dyoza sa gitna ng sunog

Si Dyoza, isang transgender woman mula probinsya, ay call center agent na ilang taon nang naninirahan sa Aroma, Brgy. 105, Tondo, Maynila. Ang Aroma ay temporary housing na napapalibutan ng basura at pier—puntahan ng mga galing probinsya para makipagsapalaran. Isa rin itong disaster-prone area, lalo na sa sunog.

Noong Abril 18, 2020, sa gitna ng pandemya, nasunog ang lugar. Higit 500 pamilya ang naapektuhan. Nasa trabaho si Dyoza noon, naka-live-in dahil sa lockdown protocols. “Unang beses na nasunugan ako nang wala ako sa bahay,” aniya. “Messenger lang ang nagsabi sa akin. Wala akong naisalba. Lahat ng pinaghirapan ko, ubos.”

Sinasabi ni Dyoza na sunog talaga ang disaster na pinaghahandaan ng mga residente doon dahil tatlong beses na siyang nakakaranas ng sunog simula nung tumira siya Aroma.

Pero higit sa sunog, mas nasunog siya sa diskriminasyon. At sa bawat pagkakataon, paulit-ulit ang kwento: hindi siya pinayagang tumulong sa pag-apula ng sunog. “… ang feeling kasi ng mga tao pag bakla ka mahina ka, ‘yong parang  doon ka lang sa isang tabi tapos mga lalaki lang ang mag-iinitiate.”

Maging sa evacuation center, bahagyang may pagbabago sa pagtanggap. Nagpapatuloy pa rin ang stigma lalo na sa mga kasama niya sa kubeta. Ang stigma kasi pag bakla ka maninilip  ka, ‘di ka pwedeng sumabay sa lalaki pati sa babae kasi iniisip nila maninilip ka.” Nabanggit din ni Dyoza na dahil dito ay pipinili na lamang ng ibang bakla na hindi gumagamit ng comfort rooms sa evacuation centers para maiwasan ang negatibong karanasan,

Dagdag pa, mayroon ding diskriminasyon sa usapin ng mga tulong o ayuda.

“Maliban sa  mga pagkain, mayroon pang kailangan rin ng mga LGBT individual. Madaming transwomen dito tulad ko na kailangan rin ng hormonal pills. Siyempre kailangan rin ng condom o maybe  gamot sa HIV,” aniya.

May isa pa siyang kwento: isang magkasamang babae ang hindi binigyan ng tulong. “Hindi talaga sila binigyan ng tulong kahit na tupok talaga bahay nila. May COVID tapos nasunugan pa, syempre gutom na, nagpanggap na mag-ate para  mabigyan ng ayuda.”

Ngunit sa kabila ng nararanasang diskriminasyon, hindi nagtapos ang tsika sa luha. Umaksyon si Dyoza. Nanguna siya sa donation drive. Nagtayo ng roving community pantry. Araw-araw, palipat-lipat ng pwesto. Nakuha niya ang mga ipinapamigay na pangangailangan sa kanyang  pakikipag-ugnayan sa mga kakilala. Naging dahilan ito kung bakit siya nakilala sa kanilang  pamayanan.

Sa gitna ng init, gutom, at usok, lumitaw si Dyoza hindi bilang biktima, kundi organizer.

Great equalizer nga ba ang disaster?

Disaster daw ang great equalizer—pare-pareho raw ang epekto nito sa mayaman at mahirap, babae at lalaki, bakla man o tomboy. Pero hindi ito totoo, at alam ito ng mga baklang gaya ni Dyoza.

“May pagkakaiba,” aniya. “Kasi kapag babae, tanggap ng tao na may iba silang lakas. Pero ‘pag LGBT ka, iniisip nilang mahina ka by choice. Kasi bakla ka.”

Nakikita niya na hindi dapat pagkumparahin ang karanasan at pangangailangan ng mga tao dahil mahalagang tignan ito upang maging angkop ang pagtugon sa disaster sa lahat. Dagdag pa ni Dyoza, hindi dapat ipantay ang lahat ng karanasan. Kailangan itong kilalanin, para sa mas angkop at makatarungang pagtugon.

Kung titignan ng mas malalim ang karanasang napag-iiwanan ni Dyoza sa panahon ng disaster ay mapapansin na ito ay nagmula rin sa mga kaapihang naranasan niya sa kanyang pang-araw araw na buhay.

Hindi lang sa panahon ng sunog o bagyo napag-iiwanan ang mga bakla—araw-araw. Kaya sa panahon ng disaster, mas lumalalim ang kanilang pagka-iwan.

Sa patriyarkal at macho-pyudal na lipunang ito, hindi kinikilala ang mga bakla. Taboo. Imbisibol. Hindi pasok sa cisheteronormatibong pamantayan. Hindi sila iniisip bilang legitimate recipients ng serbisyo, tulong, o representasyon.

Nilalantad ng ganitong mga sikumstansya ang isang makauring sistemang may mababang pagtingin sa mga bakla na siya ring nagpapatuloy na tunggalian sa sekswalidad at kasarian sa Pilipinas. Partikular dito ang epekto ng disaster na nakabatay sa uri.

“Hindi naman parehas ang effect sa mga bakla lalo na kapag nasa higher class. Kasi  kapag nasa condo ka o subdivision, may trabaho ka, mabilis kang makakabangon at  papakiggang ka pa. Kami, nahirapan kami dito sa Aroma, hindi pa pinapakinggan.”  kwento ni Dyoza.

Ang kawalan ng oportunidad, kabuhayan, at seguridad—lahat ito ay nagpapalalim sa kanilang bulnerabilidad. Ilang bakla ba ang may access sa relief? Insurance? Regular na trabaho?

Sa ganitong kalagayan, lalong nagkakapatong-patong ang pagkakaapi sa usapin ng kasarian, uri, espasyo, at lipunan. Hindi aksidente ang pagka-iwan; resulta ito ng sistemikong kawalan.

Tungo sa inklusibong pangangasiwa ng disaster

Ang tsika ni Dyoza ay hindi lang personal—pulitikal ito. Hindi equalizer ang disaster. At hindi pantay-pantay ang epekto nito. Ang kabaklaan ay may sarili nitong karanasan at dapat kasama sa plano, sa kwento, sa pagtugon sa accountability.

Ang pagpupursigi ni Dyoza ay isang paalala na ang mga bakla ay hindi pasanin kundi bahagi ng solusyon. Mula sa nagpapatong-patong na epekto ng kanilang kaapihan nararanasan ng mga bakla sa pang-araw-araw na buhay, nagpagpapatuloy ang kanilang bulnerabilidad, kahirapan, at pagka-iwan sa panahon at pangangasiwa ng disaster. 

Kailangan natin ng pangangasiwa sa disaster na tunay na inklusibo mula sa datos, relief, planning, hanggang sa implementasyon ng mga polisiya at programang angkop para sa kabuoan. Hindi lang dapat tanungin ang mga bakla sa dulo. Dapat kasama sila mula simula.

Dahil ang tsikang kabaklaan sa disaster ay hindi lang basta tsismis. Isa itong anyo ng patuloy na pakikisangkot, pagmumulat, at pakikibaka.

Si Louis Justin Rebadolla o mas kilala bilang Kahel ay isang bakla at manggagawang pangkaunlaran na kasalukuyang kumukuha ng Master sa Community Development sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman. Aktibo siya sa mga adbokasiya para sa inklusibong lipunan na may pokus sa teoryang kabaklaan (Queer Theory) at ang ugnayan nito sa mga isyung panlipunan gaya ng pangangasiwa ng kalamidad at karapatang sekswal at reproduktibo (SRHR). Ilan sa kanyang mga pananaliksik ay tumatalakay sa karanasan ng mga bakla sa panahon ng disaster at ang pag-oorganisa ng mga samahan para sa HIV.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here