Mga komunidad sa Abad Santos at Mayhaligue sa Tondo, nangangambang mawalan ng tirahan dahil sa demolisyon

0
195

Pangamba ang pangunahing naramdaman ng mga residente ng Mayhaligue, Tondo matapos dumating ang kulumpon ng demolition tim at armadong pulis sa Barangay 262 at 264 noong umaga ng Mayo 26. Ayon sa Kapitbahayan ng Mayhaligue Neighborhood Association Inc. (KMNAI), mahigit 400 pamilya o higit 1000 indibidwal ang maaaring maapektuhan ng nasabing demolisyon.

Kalaunan, nauwi sa tensyon ang negosasyon dahil sa pagdepensa ng mga residente sa kanilang barikada. Matapos ang ilang oras na standoff, idineklarang suspendido muna ang demolisyon sa nasabing komunidad. 

Mayo 27 nang igawad ng Manila Regional Trial Court Branch 34 ang hiling ng mga residente na 20 araw na Temporary Restraining Order (TRO) sa nakaambang demolisyon. 

Samantala, nauna namang naganap ang partial demolition sa mga komunidad ng Abad Santos – Laguna Extension—na may 1.5 kilometrong layo lamang sa Mayhaligue—noong Mayo 22. Aabot sa 14 na kabahayan sa kahabaan ng kalsada ang giniba sa biglaang pagdating ng demolition tim at armadong kapulisan. Ayon sa mga residente, nakaumang ang pagbabalik ng demolition team sa komunidad upang tapusin ang kanilang nasimulan. 

Sa kabila ng panandaliang suspensyon ng mga demolisyon, parehong kinakaharap ng magkanugnog na komunidad sa Tondo ang posibilidad na magiba ang kanilang mga kabahayan na nagsilbi nilang tahanan nang higit pitong dekada.

Dekadang paninirikan

Ikatlong henerasyon na si Roselyn Fortaleza, 46, sa mga residenteng naninirahan sa kahabaan ng Laguna Extension. Aniya, dito na siya ipinanganak, lumaki, at nagkapamilya. 

Roselyn Fortaleza, 46

“‘Yung lola ko, mga anak niya, hanggang kami. Tatlong bahay kami rito,” saad ni Roselyn. “Nagbabayad ng renta dati ang lola ko kay Masangkay, parang limang piso, sampung piso pa nga ata noon,” dagdag niya.

Ayon kay Roselyn, kung pagsasama-samahin ang tagal ng paninirahan ng kanilang pamilya sa Laguna Extension, lalabas na pitong dekada na silang namamalagi sa nasabing lugar. Pagbabahagi niya, dito na rin binawian ng buhay ang kanyang lola, na isa sa naunang tumira sa komunidad, pitong dekada na ang nakakalipas.

Dagdag pa niya, malaking bahagi ng bungad ng kalsada ngayon ay dating kangkungan na pagmamay-ari ng pamilyang Masangkay. Noon pa ma’y hinimok ni Masangkay ang mga residente na magtirik ng paninirahan sa kanyang lupa kapalit ng rentang nagkakahalagang lima hanggang sampung piso. Ito ay para malikom ang sapat na pondo para maisaayos ang mga dokumento at makapagbayad ng amelyar sa lokal na gubyerno.

“May naitabi pa nga akong resibo nung mga binayaran ko dati,” saad naman ni Artemio Camacho, 81. Gaya ni Roselyn, kasama ang tatay niya sa unang mga naging residente sa lugar. “Matagal na kami rito. Malapit na nga ang birthday ko. Sa June 14 na. Mag-82 taon na ako rito,” pagbabahagi niya. 

Artemio Camacho, 81

Ayon kay Artemio, maagap pa ang pagbabayad ng mga residente ng Laguna Extension sa mga Masangkay hanggang 1995. Subalit, pagdating ng 1998, tumigil na ang pagpunta ng mga ito dahil sa pagkasawi ng matandang Masangkay. Mula noon ay wala nang bumalik sa kanilang komunidad para maningil ng renta.

Sa pagsasalaysay naman ni Roselyn, 2005 nang may nagtangkang ariin ang naiwanang lupa ng mga Masangkay, isang negosyanteng nagngangalang “Co”. Ngunit hindi natuloy ang pagpapaalis sa mga tao dahil walang maipakitang papel ang claimant na nagpapatunay na kanya ang nasabing lupa.

Laking gulat na lang ng mga residente nang naitulak ang demolisyon sa kasalukuyang taon, dalawang dekada na ang nakalipas. Dalawang negosyante ang nagpapahayag na sila ang may-ari ng lupa: ang mga Cai at mga Yu.

“2022 [daw] binili ng mga Cai ang lupa. Nagpadala ng sumon [ang korte] sa tatlong tao lang. 2024 na nang matanggap yung summon. Inasikaso naman nila ‘yun, pero sinasabi ng Judge na huli na raw kami. Ang bilis ng pangyayari. Bilis ng paglakad ng kaso,” pahayag ni Roselyn. 

Ayon sa pananaliksik ng Manila Today, ang mga Cai ay mayroong mga matataas na posisyon sa Grandsler Garments Manufacturing.

Pagpapadala ng ikalawang final notice ng eviction sa mga residente noong Mayo 8. 

Dagdag pa niya, nag-ambagan pa ang mga residente para magkaroon ng abugado subalit hindi natutuloy ang pagdinig. Nagulat na lamang ang buong komunidad nang dumating ang sheriff kasama ang mga pulis upang simulan na ang demolisyon sa kabila ng paghahabol nila sa korte. Nauwi sa tensyon ang negosasyon. Aniya, sinubukang labanan ng mga tao ang operasyon dahil walang naipakitang papel ang sheriff upang mapatunayang lehitimo ang isasagawang paggiba. 

“May apat na lalaki pa ngang dinampot. Sabi sa amin, kung di kami pumayag na umalis dito, hindi raw sila palalabasin. [Pero] lumaban naman ang mga tao. Hindi [kami] nakukuntento sa sagot. Hindi kami nabigyan ng chance malaman [kung kailan at paano nabili ang lupa]. Ang tagal na namin dito,” naiiling na pagbahagi ni Roselyn.

Dagdag pang palaisipan

Sa unang bugso ng demolisyon sa Laguna Extension, 14 na bahay ang giniba ng demolition team, ayon kay Roselyn. Aniya, tinatayang 30 pamilya ang nawalan ng tirahan noong umaga ng Mayo 22.

Kalahati ng bahay niya ang nadagasan ng demolisyon. 

“Nakipaglaban talaga kami na hindi kami maisama. May pako silang nilagay na parang marker kung hanggang saan lang ang gigibain. Pero sabi nila babalikan nila sa clearing, isasama na ang kalahati ng bahay ko,” saad ni Roselyn. 

Dagdag pa niya, tinakpan na ng yero ang mga nagibang bahay bilang palatandaan ng sinaklaw sa naunang demolisyon. 

Pinangangambahan nila ngayon ang pagbabalik ng sheriff at demolition team sa kabila ng pagsusumikap nilang isalba ang kanilang naging tahanan ng higit pitong dekada. 

Giit ng mga residente, mula nang matanggap nila ang balitang may mga negosyante nang di umano ay bumili ng mga lupa sa Laguna Extension, idinulog na nila sa lokal na gubyerno ang kaso ng komunidad sa Laguna Extension. Nais nilang humiling ng expropriation sa lokal na gubyerno ng Maynila nang sa gayon ay maigawad sa kanila ang lupang matagal na nilang tinitirhan.

Ang expropriation ay hakbanging ginagawa ng estado kung saan binibili nito ang pribadong lupa para sa kapakanan ng publiko. 

Anila, may ordinansa nang naipasa noon pang Pebrero na nag-eendorso na i-expropriate ang dalawang kalsada ng Laguna Extension. Subalit, naantala ang pagtalakay at pag-apruba dito nang magsimula na ang panahon ng kampanya ng eleksyon. 

Ngayong nakaamba ang pagpapalit ng alkalde sa Maynila, umaasa ang mga residente na maipatupad pa rin ang ordinansang naipasa ng nakaraang administrasyon. 

Sa kabilang banda, kinondena naman ng progresibong grupong  Bagong Alyansang Makabayan – National Capital Region (BAYAN – NCR) ang mga naganap na demolisyon sa kanilang pahayag.

Saad nila, “Isinagawa ang operasyon nang walang sapat na abiso o maayos na plano para sa relokasyon ng mga apektado. Sa halip, sinalubong ang mga residente ng mga barikadang kapulisan at rumaragasang tubig mula sa fire truck upang sila’y sapilitang paalisin—isang malinaw na paglabag sa saligang batas, karapatang pantao at dangal ng maralitang tagalungsod.”

Nanindigan din ang grupo na susuporta ito sa panawagan ng mga komunidad para sa kanilang karapatan sa paninirahan. 

“Hindi lamang ito laban ng Mayhaligue at Abad Santos—ito ay laban ng bawat maralitang walang permanenteng tirahan sa Pilipinas, na patuloy na pinalalayas sa sarili nilang tahanan. Ang mga demolisyon ay bahagi ng mas malawak na opensiba ng gentrification at komersyalisasyon, kung saan ang mga komunidad ng mahihirap ay sapilitang pinapaalis upang bigyang-daan ang mga proyektong komersyal na para sa iilan.

Hindi kami papayag na burahin ang mga komunidad ng maralita para sa interes ng negosyo. Patuloy ang aming pakikiisa sa laban para sa karapatan, katarungan, at tunay na pagbabago,” anang grupo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here