Pebrero 24, 2023 nang lumipat ang pamilya ni Rolando Bacaltos sa Tondominium sa Brgy. 101 sa Tondo, Manila.

Si Bacaltos ay dating manggagawa sa Harbour Centre Port Terminal Inc. Isa rin siya sa higit 378 manggagawang kabilang sa Unyon ng Manggagawa sa Harbor Centre (UMHC) na iligal na tinanggal sa trabaho noon pang Enero 2020.

Naninirahan ang kaniyang pamilya noon sa Bldg 12 sa Vitas Katuparan.

Ang Vitas Katuparan Housing Project ay isang tenement compound project ng National Housing Authority sa panahon ng dating administrasong Aquino noong 1990.

Mayroong apat na palapag sa gusali ng Vitas Katuparan kung saan may 27 unit ang bawat palapag nito. Umabot na rin sa rooftop ang ilang mga kabahayan bunsod ng pagdami ng mga maralitang residente.

Sa kabilang banda, higit 280 families sa Bldg 12 at 13 mula sa Vitas Katuparan ang nagkaroon ng unit sa Tondominium.

“Nilaban talaga namin at ng Gabriela dito sa Tondo para lang magka-unit kami. May 17 pamilya naman ang tinanggap ang alok sa Naic, Cavite,” ani Bacaltos.

Sa isinagawang konsultasyon noong nakaraang taon kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa pabahay, ipagpapatuloy nila ang demolisyon sa mga gusali sa Vitas Katuparan at iba pang kabahayan sa Temporary Housing. Halos 20,000 residente ang maaapektuhan ng isasagawang demolisyon.

Mayroong 15 palapag sa dalawang gusali ng Tondominium. Isa ito sa pitong housing projects na ipinatayo ng dating alkade ng Maynila na si Isko Moreno mula sa pondong P10 bilyong loan mula sa Development Bank of the Philippines (DBP).

Prayoridad sa pabahay

Ayon sa Manila City Ordinance 8730, prayoridad sa lahat ng pabahay sa siyudad ang mga low-income households. Ngunit ayon kay Bacaltos, silang mga nakatira sa Vitas Katuparan ang huling mga naging benepisyaryo at nakakuha ng unit sa Tondominium.

“Bago kami rito tumira, nauna yung mga pinaraffle bago sumunod naman yung ilang mga taga-city hall,” pagbabahagi ni Bacaltos.

Nagbabayad ng P2,000 hanggang P3,000 kada buwan ang mga naninirahan ngayon sa Tondominium. Ngunit para kay Bacaltos, mahirap pa rin itong tugunan dahil wala naman siyang trabaho.

“Yung anak ko ngayon ang nagtatrabaho, pero hindi pa rin naman sasapat sa pang-araw-araw naming gastusin,” aniya.

Ayon sa Gabriela Tondo, karaniwan sa mga naninirahan sa kahabaan ng Radial Road 10 na sumasaklaw sa komunidad ng Vitas Katuparan, Aroma, Happyland kasama ang Gawad Kalinga compound ay umaasa lamang sa pagbabawang, pangangalakal, at pagtitinda para kumita.

Right of way sa sabungan kapalit ng paggiba sa Bldg 12 at 13 sa Vitas Katuparan

Ayon sa Manila Urban Settlements Office (MUSO), hindi permanente ang pagtira ng mga naninirahan sa mga itinayong pabahay tulad sa Tondominium. May kalakaran kasi sa mga pabahay na ito na kung magkano ang kabuoang ibinayad sa upa ng mga residente ay kanilang mare-refund kung magpasya na silang umalis.

“Hindi namin maitsurahan kung ano ang gusto nilang gawin talaga sa aming mga maralita. Giniba nila yong mga bahay namin sa Vitas para lang magkaroon ng right of way diyan sa sabungan,” dagdag ni Bacaltos.

Noong 2018, naging usapin ang isinagawang demolisyon sa Vitas Slaughterhouse sa Tondo bunsod ng pagtatayo ng sabungan o cockpit arena bilang kapalit nito. Ang dating Vitas Slaughterhouse ay matatagpuan sa likurang bahagi ng mga gusali ng Vitas Katuparan.

Pinangangasiwaan ang slaughterhouse ng Dealco Farms Inc. na pagmamay-ari ng pamilya ng dating hepe ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at dating konsehal na si Dennis Alcoreza.

Taong 2008 nang maharap si Alcoreza sa kasong katiwalian bunsod ng operasyon ng slaughterhouse sa hinaharap nitong mga paglabag sa mga kasunduan sa pag-upa, kabilang ang kawalan ng maayos na pasilidad sa sanitasyon at ang pagtatapon ng dumi ng hayop sa Manila Bay. Sa parehong taon ay ilang executive order din ang inilabas ng Manila local government unit (LGU) at tuluyang kinuha ang operasyon ng slaughterhouse.

Isang dekada ang nakalipas, naging usapin ang naging kapalit ng slaughterhouse na sabungan.

“Pinalayas kami riyan sa Vitas para lamang sa sabungan na iyan. Ngayon, dahil nahihirapan naman kami sa pag-upa, papalayasin ulit kami,” dagdag ni Bacaltos.

Panunumbat sa residente

Agosto 2024 nang makatanggap si Bacaltos ng abiso ng kanselasyon sa kanilang unit sa Tondominium. Aabot sa P27,000 ang kabuoang halaga ng hindi pa nababayaran para sa kanilang buwanang pag-upa.

“Hirap talaga kami rito. Ngayon binubuno namin yung utang na iyan. Nagkakanda-utang-utang pa kami,” ani Bacaltos.

Setyembre 2 nang makiusap si Bacaltos sa MUSO kung maaaring palawigin pa ang kanilang pagbabayad hanggang katapusan ng Disyembre ngayong taon.

“Katwiran kasi ng iba, kapag hindi nakapagbayad ililipat daw sa Cavite. Ang nangako kasi nito yung NHA at MUSO, kaya naghihintay nalang sila. Kaso umabot na ng ilang buwan, wala namang nangyari. Ang totoong nangyari lang ay nadagdagan pa kada buwan ang utang dahil hindi pa nakakapagbayad sa upa,” paliwanag ni Bacaltos.

Nakasaad sa Section 57 ng Manila Ordinance 8730 ang mga patakaran sa pagbabayad. Ayon dito, papatawan ng interes na limang porsyento (5%) kada taon na may compounded interest, bukod pa sa mga Penalties and Fees ang hindi nakapagbayad sa buwanang upa. Ang bigo sa pagbabayad ng upa sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan ay maaaring magresulta sa kanselasyon ng unit.

Samantala, mula nang makatanggap ng abiso si Bacaltos ay nakaranas na rin siya ng panunumbat sa administrasyon ng Tondominium.

“Nanghaharass na iyan e, dalawang linggo silang nag-aakyat. Ang sabi, ‘oy bayaran ninyo na yong hindi ninyo binabayaran’. Kesyo magdadala raw ng pulis, ng militar. Kapag hindi raw lumabas, shesheriffin daw kami. September pa iyon,” ani Bacaltos.

“Noon ngang nakiusap ako sa MUSO, paglabas ko nun, ang sabi sa akin, pasalamat daw kami nagbagyo kundi nasa labas kami,” dagdag pa niya.

Matatandaang huling linggo ng Hulyo ang paghagupit ng bagyong Carina sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon pa sa kanya, nagkakaroon din ng maling pamamalakad sa mga pasilidad tulad ng hindi paggana ng elevator at kawalan ng rasyon ng tubig.

“Yung elevator dalawa iyan pero ngayon isa lang gumagana. Kaya pila yun sa maghapon. May pagkakataon wala pang gumagana kaya akyat panaog lang kami,” aniya.

“Yung tubig dati okay, ngayon may rasyon na, papatay patay na. Kung kailan lang nila gustong buksan, tsaka lang magkakaroon ng tubig. Walang abiso,” dagdag pa niya.

Nananawagan si Bacaltos sa mga Manila LGU, MUSO at iba pang ahensya na tiyakin ang maayos na serbisyo sa mga residente ng Tondominium.

“Huwag naman sila ganito makitungo sa amin. Alam namin ang aming mga karapatan. Nauunawaan naman namin yung mga kondisyon diyan sa pabahay pero kayo ang nagtulak sa amin para mawalan din mismo ng tirahan,” ani Bacaltos.

Nagpadala ang Manila Today ng inquiry sa MUSO noong Nobyembre 5 upang sagutin ang ilang mga tanong partikular sa mga socialized housing projects. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin kaming natatanggap na tugon sa aming ipinaabot.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here