Gaano nga ba kahalaga ang mga bagay na ipunundar ng isang tao? Masusukat ba ito? Mabibigyang-halaga ba ang dugo’t pawis na inialay upang makapagpundar ng panghanapbuhay?

Para kay Mang Benigno, 65, dating OFW sa Saudi Arabia, ang halos ilang taon niyang pangingibang-bayan upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya ay may kaakibat na panganib. Sa mga samu’t saring gerang sumisiklab sa Middle East, hindi siya nagpatinag sa kanyang pagnanais na maibigay ang pangangailangan ng kanyang pamilya kahit ang kapalit nito’y ang hindi niya mayayakap at makakalinga ang kanyang mga anak.

Habang nagtatrabaho siya sa ibang bayan, ang kanyang asawa ay naging madiskarte upang makapagpundar at makadagdag pantustos sa kanilang pangangailangan. Bumili siya ng jeep na umabot na sa halos limang jeep. Nang magbakasyon si Mang Benigno sinabi niya sa kanyang asawa na magre-resign na siya sa trabaho sapagkat napagtapos niya na ang kanyang mga anak sa pag-aaral kaya tingin niya sasapat na ang kita sa boundary sa kanilang mga jeep sa kanilang pangangailangan. Sa kasalukuyan, mayroong walong jeep si Mang Benigno.

“Masakit sa loob ko ‘yung nangyari. Kasi pinagpaguran ko sa Middle East yun, ilang gera na ang inabot sa Middle East tapos bigla-bigla na lang mawawala ng basta-basta,” sambit ni Mang Benigno.

Ang walong jeep na kanyang naipundar sa mahabang panahon at pinag-aalayan ng dugo’t pawis ay mangangalahati dahil sa proyekto ng gubyernong jeepney phaseout. Sa gayon, nakiisa si Mang Benigno sa kilos-protesta na kinasa sa pangunguna ng PISTON sa Monumento, Caloocan upang tutulan ang jeepney phaseout.

“Unang-una, nakita ko ang kamalian ng gubyerno, kasi ‘pag na phaseout na ‘yan (jeep), marami ang maapektuhan. Ilang jeep ang mawawala sa akin? Kalahati. Sa walo apat ang mape-phaseout . Yung P80,000 na ibibigay nila [gubyerno] kapalit ng jeep ko, sapat ba ‘yun? Ganoon lang ba ang halaga ng mga jeep na pinaghirapan ko sa mahabang panahon? Hindi dapat gano’n,”  ani Mang Benigno.

Hindi sapat ang ibibigay na kapalit ng gubyerno sa mga operator para sa kanilang jeep. Kung susumahin wala pa sa kahalati ang presyong ibibigay ng gubyerno sa tunay na halaga ng mga jeep sa kasalukyan.

“Tapos bibigyan kami ng jeep tapos isu-surrender namin ‘yung mga jeep namin, bibigyan kami ng hulugang jeep. Sa magkanong halaga? 1.2 milyong piso. Huhulugan namin iyon ng P25,000 sa isang buwan,” wika ni Mang Benigno.

Kung susuriing mabuti hindi aabot sa P25,000 ang kinikita na isang operator sa isang buwan. Malayong-malayo ito sa realidad.

Sabi ni Mang Benigno, “Ang kinikita sa isang araw ay sapat lang sa maintenance ng jeep at pangkain para sa araw na iyon. Ang pinakamasakit sa akin ‘yung mga drayber ko. Paano na sila? Sila ang unang maapektuhan. Ang kinikita nila sa isang araw ay sobrang sapat lang pangkain sa isang araw. Saan na sila dadalhin? Magugutom sila.”

Dagdag pa niya, “Kaya itong proyekto ng gubyerno na ito ay hindi pinag-isipan. Hindi nila sinuring mabuti. Hindi nila ito pinag-isipan dahil wala silang karanasan bilang isang operator o maging drayber. Sila kaya ang mag-drive?” Dahil isang operator si Mang Benigno hindi siya direktang maapektuhan ng pag-phase-out ng mga jeep subalit ang kanyang lubos na dinaramdam ay ang pagkawala ng kanyang ipunundar sa mahabang panahon sa ibang bayan.

Hindi kabilang si Mang Benigno sa kahit anumang organisasyon subalit kusang-loob siyang nakilahok sa transport strike. Tumagos sa kanyang sensibilidad ang pangangailangan ng sama-samang pagkilos.

“Kaya ako pumunta rito para ilabas ko at ipahayag ko ang aking saloobin patungkol sa nangyayaring ito. Hindi ako myembro ng kahit anong asosasyon. Pero alam ko ang magiging epekto nito sa maraming drayber, operator at sa mga pasehero,” sabi ni Mang Benigno.

“Sabi nga ng mga anak ko, ‘Huwag kayong pumunta doon, Tay.’ Kaso hindi ko kayang manahimik na lang at palipasin ang mga pangyayari. Masakit iyon sa akin na bigla na lang mawawala basta-basta ang pinag-alayan ko ng buhay,” ani Mang Benigno.

Para sa kanya hindi lang ito usapin ng isang sektor subalit usapin ito ng mamamayang kalakhang sumasakay sa jeep.

“Ang nais ko lang ipabatid sa gubyerno ay dapat pinag-isipan nilang mabuti ito. Wala namang mayaman na bumili ng jeep para maging operator. Kumbaga may-kaya lang pero hindi mayaman,” wika ni Mang Benigno.

“Dapat kinausap nila ang mga operator at mga drayber at tanungin kung magkano ba ang kinikita niyo sa isang araw? Magkano ang boundary niyo? Hindi nila kinunsulta ang mga maapektuhan,” dagdag niya.

Sa huli, ani ni Mang Benigno, habang may hikbi at luhang tumutulo sa kanyang mga mata, “Ang masasabi ko sa ating mga kababayan ay ‘wag na tayong mabulag-bulagan o magbingi-bingihan. Isipin nating yung pang-araw-araw, hindi naman natin hangad na yumaman pero ang hangad naman natin ay mamuhay nang disente. Eh sa ginagawa ng gubyerno dapat pinag-iisipan ng tao kung tama pa ba ito. Makiisa sa mga ganitong organisasyon at pagkilos kasi hindi ka naman pwedeng magsalita mag-isa, hindi ka pakikinggan. Kaya kailangang sumama ka sa karamihan para mapakinggan ang nais mo at nang marami pang nakiiisa sa paniniwala mo.”

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here