Bitbit ng mga estudyante sa Malikhaing Pagsulat ng Bulacan State University ang kanilang mga panawagan sa araw ng kanilang pagtatapos. Ang kanilang kolektibong tindig ay pagtutol sa naging desisyon ng Commission on Higher Education at Supreme Court na tanggalin bilang mandatory subjects ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

Noong Mayo ay iginiit ng Korte Suprema ang naging hatol nila noong October 9, 2018 na ibaba sa 36 units na lang ang minimum units required sa general education curriculum. Ito ay nakapaloob sa CHED memorandum 20, Series of 2013 o “General Education Curriculum: Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies.”

 

Paninindigan para sa wika at bayan

Minsang sinabi ng manunulat at pintor na si Jun Cruz Reyes na nasa panitikan at kasaysayan ang dangal ng bawat bayan.

Ganoon din ang paniniwala ni Michelle Pineda,

“Malaki ang naging papel ng Filipino at Panitikan hindi lang sa panulat ko, kung hindi maging sa akin bilang isang indibidwal. Hindi lang nito tinuro ang halaga ng wika, kultura, at kasaysayan ng ating bansa, mas pinalalim at pinalawak nito ang pagkakaunawa ko sa sarili bilang kabahagi ng lipunan, at bayan na pilit hinubuharan ng pagkakakilanlan. Isa na ro’n ang CHED Memo 20, lantarang pumapatay sa Filipino, Panitikan, at bansa. Malaki ang implikasyon ng CMO20 sa bansa higit lalo sa kabataan, dahil humuhubog ang Filipino at Panitikan ng mga estudyanteng makabayan, malay, at kritikal mag-isip.”

Para naman kina Manuel Diel III at Siena Gonzales, hindi lang natatapos sa apat na sulok ng silid-aralan ang naiiwang ambag ng Filipino at Panitikan para sa mga kabataan,

“Lubos kong nakilala ang aking bayan, ang tunay nitong kasaysayan, at mga istorya sa likod ng mga larawang naipintang mga kuwentong nabasa. Filipino ang ating identidad at panitikan ang magtuturo para hindi tayo makalimot,” wika ni Manuel.

“Maraming naiambag ang Filipino sa pagkilala ko sa ating wika, kultura, at kasaysayan. Malaki ang naitulong ng Panitikan sa pagpapaunlad ng aking kamalayan at mas naging kritikal ang pagtanaw ko sa lipunan. Ngayon, nagagamit ko ang mga naipon kong kaalaman upang ibahagi ito sa kabataan. Dahil din sa Filipino at Panitikan, mas lumalim ang pagmamahal ko sa bayan. Dapat nga dagdagan pa ‘yong mga subject na kumikilala sa ating pagka-Pilipino tulad ng mga rehiyonal na wika,” giit ni Siena.

Inako naman ni Elle Galvez bilang iskolar at manunulat na itaguyod ang Filipino at Panitikan,

“Mahihirapan ang mga Pilipino, lalo na ang kabataan kung mawawalan tayo ng laya na patuloy na hasain ang sarili nating wika at panitikan. Walang masamang pag-aralan ang mga banyagang salita, ang hindi katanggap-tanggap ay habang natututo tayo sa wika ng iba, ay patuloy naman nating nalilimutan ang sariling atin. Walang silbing kilalanin ang iba, kung ang sarili natin ay hindi natin kilala. Bilang iskolar at manunulat ng bayan, desisyon kong itaguyod ang panitikan at Filipino sa bawat oras na kinakalimutan ito.”

Sa kasamaang palad, dahil sa desisyon ng CHED, dumami ang mga kolehiyo at unibersidad na piniling tanggalin na ang Panitikan at Filipino bilang mandatory subject sa kolehiyo.

Narito ang listahan ayon sa Tanggol Wika: Ateneo de Davao University, Ateneo de Naga University, Central Mindanao University (Bukidnon) Centro Escolar University, Colegio de San Juan de Letran, Davao del Norte State College, Holy Name University-Tagbilaran, National Teacher’s College, St. Therese MTC-Colleges (Iloilo), Tarlac State University, University of Visayas-Cebu, at Adamson University.

Sa kabila nito, ang subject na Filipino ay itinuturo sa mga bansang tulad ng Malaysia, Brunei, China, Japan, Taiwan, Canada, France, United Kingdom, Australia, at United States.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here