Umingay ang welga ng mga manggagagawa ng Peerless Products Manufacturing Corporation o PEPMACO nang tinangkang sapilitang buwagin ang piketlayn habang tulog ang mga manggagawa. Bumuhos ang suporta ng publiko sa social media para sa mga manggagawa.

Matatagpuan ang pabrika ng PEPMACO sa Calamba, Laguna. Ang nililikhang produkto ay mga kilalang produkto sa pamilihan, kagaya ng Champion detergent, Hana shampoo, Cala detergent at iba pa. Ang nasabing kumpanya ay pagmamay-ari ni Simeon Tiu, isang Filipino-Taiwanese na negosyante sa Pilipinas.

Bago kinasa ng mga manggagawa ang welga, nagsumite muna ng notice of strike ang mga manggagawa. Pagkatapos isinagawa ang strike vote, isa itong proseso kung saan ay nagbobotohan ang mga manggagawa kung itutuloy nila ang welga. Sa kaso ng manggagawa ng PEPMACO, mayorya ang may nais na ikasa ang welga.

Kinasa ng higit kumulang na 179 na manggagawa sa PEPMACO ang welga noong Hulyo 24, 2019 at matapos lamang ang ilang araw ay binuwag ang kanilang piket noong Hunyo 28, 2019.

Salaysay ni Angelo Cañete, presidente ng Pepmaco Workers’ Union, noong madaling araw ng Hunyo 28, 2019 ay binuwag ang kanilang piket.

“Dinispers kami ng ala-una ng madaling araw walang negosasyon na naganap, kasi bago ang dispersal nagkaroon kami ng hearing noong araw na iyon. Hindi namin inaasahan mangyayari iyon sa madaling araw, ang aming mga kasama ay nagpapahinga, dumating ang napakaraming guwardya na pilit kaming pinapaalis na wala naman silang sinasabi na may patunay sila na papaalisin kami sa oras na iyon. Sa sobrang dami nila wala na magawa [ang] mga kasama namin sa gilid nakiusap na lang kami na lumabas kami ng maayos pero noong nasa Gate 2 na kami, may madugong dispersal mula sa mga guard, 12 ang sugatan sa amin yung isa nga po sa amin may tama ang ilong.” Sabi ni Angelo Cañete

Matapos ma-dispers ang mga manggagawa, itinayo nilang muli ang kanilang piket sa kabilang gate ng PEPMACO malayo na sa orihinal na kanilang pinagtayuan ng piket.

Dagdag pa ni Cañete, “Tumuloy kami na tinayo ang piketlayn para patuloy kami mananawagan sa management na sana harapin niya kami na manggagawa.”

Bakit nagkasa ng welga ang mga manggagawa ng PEPMACO?

Pangunahing dahilan ng mga manggagawa kung bakit sila nagsagawa ng welga ay dahil sa tagal na nila sa pabrika ay hindi pa rin sila regular. Ang mga sumama sa kanilang itinayong unyon ay kontrakwal lahat sa mahabang panahon. Sumama sila sa unyon upang mas mapalakas ang kanilang panawagan na gawin silang regular. Higit na nakakaapekto sa kanila ang probisyon na labor only contracting (LOC)sa labor Code, gayundin ang pinirmahang Executive Order 51 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 1, 2018. Ang sinasabi ng mga batas, utos na ito ay regular ang mga manggagawa, ngunit sa agency lamang at hindi direkta sa kompanya. Ang naging praktikal na epekto nito sa mga manggagawa ay hindi pa nila natatanggap ang minimum wage, ang mga benepisyo ng mga  tinuturing na regular na manggagawa, at wala pa ring katiyakan sa trabaho.

“Yung hinaharap namin na problema sa loob, hindi nila tinatanggap na may LOC sa loob, lahat kami doon gawain namin ay gawain din ng regular,” bahagi pa ni Cañete.

Pangalawang dahilan ng mga manggagawa sa welga, nagkaroon ng tanggalan sa pabrika simula noong Enero hanggang Hunyo ng taong ito na labis na ikinagulat ng mga manggagawa sa PEPMACO.

Paliwanag ni Cañete, “Ayaw talaga itayo ng management ang union namin, January 03 2019 kasama na ako sa tinanggal sa loob. Dinaan naman namin sa legal lahat pumunta kami sa DOLE lahat ng hinihingi nila sinunod namin. Yung management tuwing may hearing kami hindi pumunta kahit representative nila, kaya kinasa na lang namin ang pagtayo sa welga kasi ang tingin namin sa ganitong paraan, mapapansin na kami ng management. Pero sa kasamaang palad, imbes na pansinin ng management iligal na dinesper ang aming mga miyembro.”

Sarah Jane Ceradon isa sa mga manggagawang tinanggal sa PEPMACO.

Salaysay naman ni Sarah Jane Ceradon, 23 taong gulang at tatlong taong manggagawa sa PEPMACO, “June 22, 2019, tinanggal kami nang walang dahilan na sabi lamang ay [dahil] nagsali kami sa unyon kaya hindi na kami tinawagan ng agency.”

Si Sarah Jane ang isa sa inaasahan ng kanyang pamilya na makakatulong sa kanila sa pang araw-araw. Ngunit nang dahil sa pagkakatanggal niya, naging malaki ang epekto nito sa kanyang pamilya.

“Yung kapatid ko na bunso walang trabaho, yung isang kapatid ko mababa lang din ang sahod, yung mama ko walang trabaho [at] yung papa ko may trabaho pero kontrakwal lang din. Sa sahod ko, ako nagtutustos sa kuryente, pagkain at natitira na lang sa akin panggastos sa pamasahe. Mahirap ‘yung pamilya ko, sa akin umaasa. Pero hanggang ngayon hindi pa rin kami kinakausap ng may-ari, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa na sana pakinggan kami, na sana hindi lang idaan sa dahas yung mga kasagutan nila,” daing niya.

Ayon kay Ceradon, nagtiyaga sila sa trabaho nila sa pagawaan dahil mahirap makahanap ng trabaho.

“Halos lahat ng pwesto [sa loob ng PEPMACO] nagawa ko na. Mahirap po talaga, kapag bago ka feeling mo isang araw pa lang ayaw mo na gusto mo na magresign.”

Pangatlo, ang sobrang oras na pagtratrabaho sa kanila at hindi pagkakaroon ng maayos na kundisyon sa pagawaan. Ayon kay Ceradon, pumapasok sila alas-6 ng umaga, pero alas-5 dapat nasa shuttle na sila at ang kanilang labas ay 6 ng gabi. Labingdalawang oras ang pinapasok nila kada araw at tuwing holiday lamang ang walong oras na pagtatrabaho.

“Minsan bigla ka na lang papagalitan, yung mga kemikal nalalanghap na namin wala sila binibigay na face mask na kahit anong personal protective equipmet. Nanghingi kami ng face mask binigay lang nila sa amin disposable hindi ka pa nila bibigyan ‘pag hindi mo binalik sa kanila yung kapalit. Paano kung wala kaming pangpalit? Hindi na kami makahingi ng face mask. Lalo’t maraming kemikal na ingredients na gamit sa paggawa ng sabon. Ang delikado po talaga sa katawan,” salaysay ni Ceradon.

“Pag nasira yung conveyor mangangamada kami ma hapon, depende sa bisor kung ipahintop niya yung pagpapabagsak sa likod ng sabon para huminto. Pero kung hindi nila sasabihan yung operator sa likod dire-diretso yung pagbagsak ng sabon, eh di dire-diretso rin kami nangangamada dose oras iyon at wala kaming gloves na ginagamit. Tanging kamay lamang ‘yung gamit namin sa mainit na sabon. Kasi ang sabi ng mga bisor hindi kami pwede gumamit ng gloves dahil madedeform daw yung sabon,” salaysay naman ni Angelica Avila, 2 taong nagtrabaho sa PEPMACO.

Nakasaad sa Rule 1081.01 ng Occupational Safety and Health Standard (1989) ng DOLE:

“Every Employer as defined in 1002 shall at his own expense furnish his workers, with protective equipment for the eyes, face, hands and feet, protective shields and barriers whenever necessary by reason of the hazardous nature of the process or environment, chemical or radiological or other mechanical irritants or hazards capable of causing injury or impairment in the function of any part of the body through absorption, inhalation or physical contact.”

Sinasaad lamang ng batas na ito na dapat binibigyan ng employer ang kanyang mga manggagawa ng mga proteksyon sa pagtratrabaho, lalo na kung ito ay laging humaharap sa kemikal.

Isa rin sa hinaing ng mga manggagawa ng PEPMACO ang hindi rin patas na pagbibigay ng rest day o araw ng pahinga sa mga manggagawa ng PEPMACO.

“Papasok kami para makagawa ulit ng limpak-limpak na sabon para sa kapitalista para may malaki na maibigay na kota sa kanila, dahil hindi kami pwede mag absent wala kaming rest daysa loob ng pitong araw. Kung mag-absent kami, may kalakip na suspensyon na tatlong araw hanggang pitong araw, kaya kahit na gusto naming magpahinga mapipilitan kaming pumasok kaysa masuspende kami ng ganon katagal,” hinaing ni Angelica.

“Ayan yung mga dahilan kung bakit pati kaming mga babae sumama na rin sa pag-uunyon dahil hindi na makatwiran at makatarungan yung mga kalagayan sa loob ng PEPMACO,” pagdidiin ni Angelica.

Usapin ng sahod

Sa lalawigan ng Laguna, nasa PhP 373 ang minimum na sahod ng isang manggagawa. Partikular sa PEPMACO, ang isa sa kanilang dinadanas ang maliit na sahod na hindi makakatustos sa kanilang mga pamilya.

“Kahit na mag OT [o overtime] kami, kapos pa rin. Kapag nag six months ka madadagdagan sahod mo nasa PhP 396, pero madadagdagan din trabaho mo mas hihirap,” hayag ni Ceradon.

Dagdag ni Angelica, “Magkano lamang ang aming rate PhP 373, PhP yung 373 sa amin na buwan mo tumataas nagiging PhP 396. Sa loob ng mag hapon [yung] PhP 396 budget lang namin iyon, pagbalik kinabukasan magtratrabaho ulit, hindi na sasapat.”

Mga welgista, hindi mga manggagawa sa PEPMACO?

Naglabas ang kumpanya ng PEPMACO ng statement hinggil sa nangyaring welga, sinabi na hindi raw manggagawa sa PEPMACO ang mga nagwelga.

Pahayag ng management mula sa website ng PEPMACO Manufacturing Corporatio.

May sagot naman ang mga nagwelga sa kumpanya ni Simeon Tiu.

“Tapos sinasabi nila hindi kami empleyado ng PEPMACO. Kung hindi kami manggagawa, bakit hindi tumatakbo ang produksyon nila? Kasi nandito kami lahat [sa welga]. Naiinis lang kami kasi syempre ang tagal nang paghihirap namin diyan, tiniis namin, pero sasabihin nila [na] hindi kami manggagawa, mga wala lang daw kami magawa hindi naman nagpapakita yung may-ari na si Simeon Tiu,” giit ni Ceradon.

Dagdag rin ng presidente ng unyon, “Sinasabi ng management na hindi raw kami empleyado ng PEPMACO, kaya noong nagpiket kami dito nag-shutdownang produksyon. Ayon ba sinabi nila na hindi manggagawa pero nag-shutdownang produksyon [nila]. Kaya tinayo namin yung unyon namin para lahat kami magkaisa sa manggagawa sa loob, para ipakita namin sa management na kami ay karapat dapat na maging regular na mga manggagawa sa PEPMACO.”

“Nais lamang namin na magkaroon kami ng regular na trabaho, ligtas na paggawa sa loob. ‘Yung nirerespeto kami bilang tao, hindi sinisigawan at pinapahiya. Edukado sila, sana alam nila na kung gaano kami nagsisikap magtrabaho para mabuhay yung pamilya namin kasi may magulang din kami na binubuhay kaya sana ituring nila kami na tao,” pagwawakas ni Ceradon.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here