#BAWIIN: Pagkontra sa disimpormasyon at fake news

Sa pagpapatuloy sa kampanyang #BAWIIN (Bayan at Wika, Ipaglaban Natin) at paglinang ng interes at pagmamahal ng mga kabataan sa Wika at Panitikan, inilunsad ng Sining Bugkos ang kanilang palihan sa pagsulat sa College of Arts and Letters Audio-Visual Room sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas noong Hulyo 15, 2019.

Iniugnay ng panauhing tagapagturo na si Propesor Johnley Cubacub ang literatura, memes at social media para ilapit. Sa sikmura ng  mga kabataan ang kanyang lektyur sa kultura at lipunan.

“Natutuwa ako na nag-o-organize mga estudyante, mga org ng seminar o workshop gaya nito. Kasi karamihan ng mga seminar tungkol sa business, ‘how to become rich.’ Eto topic ng seminar nila, hindi para kumita. Kundi para imulat yung mga estudyante,” ani Cubacub.

Partikular ding ikinatuwa ni Cubacub ang paglahok ng mga estudyante ng senior high school na nasa hibla ng Humanities and Social Sciences (HUMSS) ayon sa programang K to 12.

“At nakakatuwa rin yung mga audience nila, mga estudyante. HUMSS, eto yung strand na magpapamulat, na advanced sa [mga] paksa.”

May pagdiin si Cubacub sa paggamit ng mapagpamulat na literatura laban sa laganap na disimpormasyon at fake news at  ang papel ng mga artista at akademya para sa kabataan.

Mahirap nga naman na kalaban sa pagmulat sa kabataan kung sa nakaupong gobyerno pangunahin nagmumula ang disimpormasyon at fake news.

“Tingin ko positibo ito kasi karamihan ng mga HUMSSS, maglilingkod talaga sila para sa bayan. Sana marami pa nito kasi ito yung kailangan ngayon sa ating bayan, imulat ang kabataan, lalo na niloloko na tayo ng estado. Hindi natin alam kung ano papaniwalaan natin. Kaya isa ito sa pambalanse para maikita natin kung ano ang fake news at hindi.”

 

 

Para naman sa isa pang panauhing tagapagturo na si Propesor Maria Cristina Barrera, ang mga palihan ng Sining Bugkos ay mahalaga mapalawig ang halaga ng kultura at bayan, lalo ngayon sa panahon ng mapanghating atensyon ng social media.

“Sa ganap na seminar kasama ang mga organisasyon ng Sining Bugkos, mapapatunayan na marami pang kabataan na pwede nating pukawin ang damdamin. At kapag napukaw natin ang damdamin nila, makakatulong sila sa mga kapwa lider narin para payubungin hindi lamang ang wika, kundi ang makabayang diwa. Kaya naniniwala ako na marami pang kabataan ang pwede nating mahikayat lalo na kung yung mismong nagtuturo ay buhay din sa kanya ang makabayang diwa,” ani Propesor Barrera.

Nagpapatuloy ang paglulunsad ng mga palihan, talakayan, pagtatanghal ng Sining Bugkos sa loob ng kampanyang BAWIIN. Kasama na rin dito ang kampanya para sa mulat na paggamit ng pambansang wika sa pananalita at panulat, ang #WikaHuwebes. Para sa  mga nais maglunsad ng nasabing aktibidad sa itaas ay makipag-ugnayan sa Sining Bugkos sa Facebook. Sa mga nais magsumite ng. kanilang kontribusyon na sanaysay, tula, artikulo sa wikang Filipino,  ipadala lamang sa news.manilatoday@gmail.com.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here