*imahe ng poster ng Trese mula sa Netflix

Tunay ngang mahilig at patuloy na nahuhumaling sa mga aksyon, komiks at serye ang masa. Noong nakaraang Biyernes lamang Hulyo 11, 2021 ipinalabas na ang orihinal na likhang Pinoy serye komiks sa Netflix, ang Trese. Inilathala sa Publiko noong 2005 ang komiks na Trese ni Budjette Tan at binigyang-larawan naman ni Kajo Baldibisimo. Maganda ang pagkakagawa, maraming detalye ang kuwento na naglalarawan ng isang mundo kahilera nitong mundong alam natin. Tiyak na kahuhumalingan ito ng mga kabataan.

Pinagbidahan ito ni Alexandra Trese na isang babaeng tiktik o imbestigador ng mga hindi pangkaraniwang insidente na may kinalaman sa mahika. Binigyang boses ng Kapamilya Actress na si Liza Soberano ang bida ng serye. Hinubog si Trese ng mga teorya at ilang mga pagsasapraktika o pagsasabuhay na kanyang natutuhan sa paggamit ng mahika sa gabay ng kanyang ina na isang babaylan, na ipinagpatuloy muli sa gabay ng kanyang ama (na isang lakan) bago ito sumakabilang buhay.

Talaga nga namang naging tampok ito sa mga manunuod dahil sa trailer at unang limang minuto nitong inilabas na tunay nga namang umuugnay sa mga pangkasalukuyang isyung panlipunan. Nariyan ang pagkasira ng MRT sa pagitan ng mga istasyon kung saan mapipilitan ang mga mananakay na maglakad sa riles.

Agaw-atensyon din ang mga billboard at pangangampanya para sa serye, dahil sa mga malabandalismo nitong larawan na may nakasulat umano na “Siyudad namin ito, layas!” na ginawa umano ng mga aswang na inaayawan ang pagdating ng batang Trese.

Aalingawngaw sa pandinig ang nasabing sulat dahil kamakailan lang ay naririnig nating isinisigaw ng panawagang “Atin ang Pinas, China layas” na malakas na ipinanawagan nito lamang nagdaang Araw ng Kalayaan, Hunyo 12, sa protesta sa Chinese Consulate sa Makati. Ang nasabing sa poster tila maaaring mahinuha ng mga manunuod sa patuloy na ipinapanawagan ng ating mga mangingisda sa West Philippine Sea na paalisin na ang mga Tsino na nananatili sa kanlurang bahagi ng ating karagatan dahil ginagawa itong basing militar ng Tsina. Nagiging bunga ng pagkasira ng tahanan ng maraming yamang-dagat, gayundin ay nagdulot ng kawalan ng hanapbuhay ng mga mangingisda sa dakong ito.

Wala rin itong pinag-iba sa patuloy na panghihimasok ng Estados Unidos ng Amerika sa pagkakaroon pa rin ng mga base militar ng US sa Naval Station Subic Bay and Clark Air Base na lalong pinalakas at lalong pinagtitibay sa papamagitan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, maging ng Visiting Forces Agreement na pinagpapatuloy pa rin ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng naunang desisyong kanselahin ito at hinding-hindi na raw siya mapapagbago ng pasiya.

Dagdag pa sa usaping pagpapalayas, ang isyu sa patuloy na pagpapapatay sa mga Palestino sa Gaza. Tila naging isang mga mala-halimaw sa Trese na nais sakupin ang mundo, ngunit hindi mahika ang armas ng mga halimaw sa mundo kundi baril, granada at bomba ang instrumento ng mga armadong pwersang mananakop at manunupil.

Mayor na layunin ni Alexandra Trese ang pagmantine ng balanse sa pagitan ng mundo ng mga tao at ng mundo ng kariktan. Kung ihahalintulad ang mga masasamang elemento sa kariktan sa mga tunay mananakop sa kasalukuyan, dahil layunin din naman nila ang makapaghari lampas sa kanilang kaharian, si Trese ang mahahalintulad na nagbigay-buhay sa mga kabataang maaaring maging tagapagtanggol sa kalayaang minimithi ng bansa. Laban ito mula sa mga halimaw na patuloy na nagiging ganid sa kapangyarihan at nagiging gutom sa dugo ng mamamayan.

Isa pa sa mga naging tatak ng serye ang pagbibigay-diin sa napakalaking papel ng isang kabataang maagang namulat sa kalagayang panlipunan at ang naging papel nila sa maaaring pagbabago sa kanilang mundo. Pagbabago marahil ng isang propesiyang pinaniniwalaan ng mga halimaw na kahit kailanma’y hindi na pwedeng magbago. At ang matigil na ang panggugulo ng mga halimaw gamit ang itim na mahika sa mundo ng mga tao.

Hindi nalalayo kay Trese ang mga kabataan ngayon na nasa edad ng kanilang buhay na patuloy na nagpapakahubog sa pakikibakang baguhin ang propesiya ng lipunan na may diwa at dikta ng gobyerno, ang malakolonyal o lipunang makadayuhan at malapyudal o makamayaman lamang. Hindi nagkakaiba ang laban ni Trese sa mga halimaw na mananakop ng daigdig at ang laban ng mga kabataan sa ito na mismong nilalabanan din natin ngayon sa loob at labas man ng bansa.

Bagaman mapangahas si Trese, maaaring hugutin ang nasa kaibuturan ng kanyang mga aksyon: kundi man kabutihan ay katarungan.

Gaya na lang ito ng adhikain ng mga kabataan sa pagpapalayas sa mga halimaw na nagdudulot ng gulo sa lipunan, gulo mula sa West Philippine Sea, Myanmar, Palestine, sa mga Asyano at may itim na balat o ibang lahi sa mga bansang Kanluranin at dominado ng mga puti.

Gaya ni Trese na simbolo ng pag-asa sa kanyang mundo, nariyan ang pagiging pag-asa ng kabataan sa pagbabago ng propesiyang dikta ng reaksyunaryong gobyerno at pagpapanatili nito sa malapyudal at malakolonyal na sistemang panlipunan. Tungkulin nila ang pakikipagtuos sa mga halimaw na ganid sa mundo, tulad ng mga imperyalistang bansang nasasadlak na sa pagkabulok ng sistemang kapitalista at uhaw at mapagkamkam sa dugo ng mga mas mahihina sa kanila.

Pero gaya rin ni Trese, hindi ito magagawa ng isang indibdwal lamang. Lalupa’t inaatake siya ng mga kalaban dahil siya ang balakid sa pandemonyang nais likhain ng mga masasamang elemento. Kailangan niya ng kanyang pamilya, habang kailangan ng kabataan ang mga organisasyon nila dahil sila man ay inaatake, direkta o hindi, nililinlang at tinuturuang maging makasarili. Kailangan nila ang kanilang mga kolektibo upang makaisa sa mas masasaklaw na layuning maaari nilang tanganan dito sa mundong ibabaw. Lampas ito sa mga pansariling pakinabang.

Ang pagpapasya ng kabataang na maging organisado mula sa paglahok sa mga organisasyon ang makapagbibigay-gabay sa mga ito upang malaman nila kung paano nila lalo pang matatanganan ang pagiging pag-asa ng Inang Bayan. Hindi malabong mapagtagumpayan din ng mga kabataan ang pagbago ng propesiyang itinatak sa kanila ng mga nais na maghari o pamunuan ang bansa.

Sa huli, hindi na lamang mumunti si Trese. At hindi rin mumunti lamang ang pwersa ng mga kabataan.

Magandang araw mga munting Trese.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here