Si Heneral Luna, Si Tay Emok at ang Opisyal na Pahayag

ni Francis Villabroza

0
24666
[ultimate_spacer height=”400″]

Si Heneral Luna, Si Tay Emok at ang Opisyal na Pahayag

[ultimate_spacer height=”400″]

[ultimate_spacer height=”50″]

Madaling sumisikat ang pelikula kung puro tamis ng pag-ibig ng mga sikat na mga artista o love team ang nilalaman nito o kahit pa nga hindi mahusay ang pagkakagawa basta marami ang hugot lines nito. Sa kabilang banda, madalas ituring sa industriya ng pelikula na isang sugal ang paggawa ng pelikulang pulitikal. Bihira daw kasi tanggapin ng masang manonood ang ganito. Bihira ngunit posible.

Noong Setyembre 5, 2015 ay ipinalabas sa mga sinehan ang pelikulang Heneral Luna na idinirehe ni Jerrold Tarog. Ang pelikula’y talambuhay ni Heneral Antonio Luna (sa pagganap ni John Arcilla) nang pamunuan niya ang hukbo ng Rebolusyong Pilipino laban sa pananakop ng Amerika, hanggang sa kamatayan niya sa kamay ng mga pwersang panseguridad ni Presidente Emilio Aguinaldo (Mon Confiado). Nakatutuwang isipin na mula sa mga unang araw na kakaunti ang tumatangkilik ay isa na ito sa mga pinipilahan at sold out na palabas at umabot na rin sa 100 M ang kinita ng pelikula.

Pangunahing umikot ang kwento sa pakikipagtunggali ni Heneral Luna sa mga kapwa rebolusyonaryo sa gabinete ni Aguinaldo habang tinataya ang buhay sa pagharap sa mas malakas na pwesang Amerikano. Hati ang pamunuan ng rebolusyon. Sa isang panig ay sila Heneral Luna at ang matatapat nitong kawal na tinitignan ang pananakop ng Amerika na isang panganib sa bayan at katatatag na independiyenteng gobyernong Pilipino at kailangang labanan. Sa kabilang panig naman ay sila Heneral Mascardo (Lorenz Martinez), Felipe Buencamino (Nonie Buencamino), at Pedro Paterno (Leo Martinez) na nais magbukas sa pakikipag-usap sa mga Amerikano hanggang sa isulong ng mga ito ang aneksasyon o ang pagtanggap sa pananakop sa kubling magiging karugtong ang bansa ng bansa o gobyernong Amerika. Mapagpasya sana ang papel ni Aguinaldo bilang pangulo na kinikilala ng lahat at ginagalang maging ni Luna at hindi naman nagkulang sa pagpapayo si Apolinario Mabini (Epy Quizon). Subalit tila hindi makatindig at makapagdirehe si Aguinaldo, isang pamilyar na eksena labas sa pelikula at nangyari sa mas maagang panahon sa kasaysayan gaya ng bangayang Magdalo at Magdiwang, pag-agaw ng Kabite sa sentrong pamunuan ng Katipunan at mabilis na pagsesentensya ng kamatayan kay Andres Bonifacio. Nagpalala pa ng sitwasyon ang kakulangan ng armas at kasanayan sa taktik at disiplina ng hukbo ng rebolusyon at ang pagal nang hukbo sa dalawang magkasunod na digma laban sa Kastila, matapos ay sa mga Amerikano.

 

[ultimate_spacer height=”50″]

Mula sa HENERAL LUNA Facebook page

[ultimate_spacer height=”200″]

Ang Mapait na Gamot ng Katotohanan na Naging Maanghang at Masarap na Pelikula

[ultimate_spacer height=”200″]

[ultimate_spacer height=”50″]

 

hugotKapansin-pansin ang husay ng iskrip ng pelikula. Mula ng ipalabas ito ay nag trending na ang #HugotHeneral. Ilan sa mga kumalat na hugot mula sa heneral bilang memes sa social media ay, “bayan o sarili, negosyo o kalayaan, mamili ka?” Laganap din ang hugot ni Heneral Luna nang ilantad nito sa pulong ng gabinete ang kahungkagan ng aneksasyong sinusulong ng Amerika. Aniya, “para kayong mga birhen na umaasa sa pag-ibig ng isang puta.” Isang hugot na akma para sa mga opisyal ng gubyernong nagtutulak sa mga tratadong militar sa pagitan ng malalakas at mapandigmang bansa at nagbubugaw sa tao at likas yaman ng bansa sa dayuhan. May kirot din sa puso ang pamamanata ni Luna, gaya ng “Kung panaginip lang ang pag-unlad ng bayan, mananaginip tayo hanggang sa kamatayan.” Ang #HugotHeneral ay isang halimbawa ng paggamit sa uso o trending sa makabuluhang adhika.

Kahanga-hanga rin ang husay ng cinematography ng pelikula. Mahusay ang eksenang nagbalik-tanaw si Heneral Luna kasama ang ina na si Dona Laureana (Bing Pimentel) noong sila nila Juan Luna ay bata pa. Ipinakita nito ang nakalipas na naghubog sa pagiging mabuting anak ng bayan ng heneral at ng mga kapatid niya sa isang tila isang sweep ng kamera. Sa tagpo naman kung saan pinagsasabihan ni Heneral Luna ang isang kawal na yumuko at baka mahagip ng bala, at ang kasabay na pagsabog ng ulo nito, ay maikukumpara ang husay ng kuha at paggamit ng prostethics ng fight-scenes sa pelikulang Saving Private Ryan. Ang eksena naman ng pagpatay kay Luna ay nagbigay-buhay sa mga kwento-kwento kung paano niyang magiting na hinarap ang kanyang asasinasyon, nag-aalab hanggang huli at ‘di matinag-tinag tulad kung paano siya noong buhay pa, at magtatapos sa isang biswal na pagbabalik sa obra maestrang Spolarium ng kanyang kapatid na si Juan Luna.

Bagamat isang seryosong pelikula, mahusay nitong nagamit ang pagpapatawa para mas bigyang buhay ang naratibo. Katulad nalang ng eksenang inaaresto ni Heneral Luna si Heneral Mascardo, katawa-tawa ang literal na pagtupad ni Luna sa talinhagang tugon ni Mascardo sa liham ni Luna na “Kung gusto mo ako ipakulong, magdala ka ng kabaong.” Katawa-tawa rin ang usapan ng Amerikanong namamahala sa tren at ni Luna nang sabihan ng huli ang mga tauhan nito, “Naubusan na ako ng Ingles, arestuhin ninyo na!” Naipakita nito na ang Heneral na inakusahang hayok sa dugo ay komedyante rin.

Hindi mawawala ang pag-ibig sa pelikula at naipakita ito sa karakter ni Isabel (Mylene Dizon). Ayon sa isang panayam sa direktor, isang kathang-isip na karakter si Isabel na ibinatay sa mga babaeng nakadaupang-palad at puso ng Heneral. Kaiba sa nakasanayan nang pag-iibigan, isang pag-ibig na nagpapailalim, nagpaparaya, nakauunawa alang-alang sa mas malaking adhika ng kalayaan at bayan ang pag-iibigan ni Isabel at Antonio, bagamat labag sa kultura at tradisyon ng panahong iyon.

Sa buong durasyon ng pelikula, makakalimutan mo ang mga gumaganap na artista at makikita lang ang karakter na ginagampanan.

[ultimate_spacer height=”50″]

[ultimate_spacer height=”200″]

Ang Nagbigay Liwanag at Nagpaalab ng Puso

[ultimate_spacer height=”200″]

[ultimate_spacer height=”50″]

 

Ang pangunahing kalakasan ng Heneral Luna ay ang tibay ng naratibo at ang anghang ng mga dayalogo. Dadalhin ka ng naratibo nito sa katotohanang nais ibahagi nang walang pagdadalawang-isip, at hahalukayin ang emosyon, ang diwang makabayan ng manonood sa mga palitan ng mga salita. Masasabing malalim ang pananaliksik sa kasaysayan at pagkakilala ng direktor sa kanyang mga karakter.

Gumamit ang pelikula ng isang kathang-isip na mamamahayag na si Joven Hernando (Aaron Villaflor), upang madulas na mailarawan ang mga pangyayari, at ang katangian ng mga karakter.

Mahusay at buo ang karakterisasyon ng pelikula lalo na kay Heneral Luna. Madaling mauunawaan ng tagapanood ang dahilan o pinaghuhugutan ng init ng ulo ni Luna. Dahil sa sariling kapakanan ang inuuna at pagpapatumpik-tumpik na katangian ng mga opisyal sa sitwasyon ng digma, kahit sino ay mapapasigaw ng “Punyeta!” gaya ng Heneral. Gaya ng hindi pagsaklolo ni Kapitan Janolino (Ketchup Eusebio) sa labanan at ang hindi pagtugon ni Heneral Mascardo upang masimulan na ang paghukay ng mga trensera na instrumental sa ligtas na paglipat ng tropa mula Maynila tunggong Hilagang Luzon. Nakakagalit ang mga eksenang ito lalo pa’t ang pinagkakaabalahan ng dalawang opisyal ay hindi mahalaga, si Janolino ay tulog kasiping ang kalaguyo habang si Mascardo ay ilang araw na nakikipamiyesta lamang.

Hindi matatawaran ang husay ng pagsasalaysay ni Jerrold Tarog lalo na sa huling bahagi kung saan pinatay si Heneral Luna ni Janolino at mga tropa nitong Kawit, na maaalalang sinabi ni Janolino sa maagang bahagi ng pelikula na sumusunod lamang siya kay Aguinaldo. Sa huling bahagi ng pelikula, maririnig natin ang mga pagtatanggol sa sarili at paghuhugas-kamay nila Felipe Buencamino at Emilio Aguinaldo habang ipinapakitang pinagbabaril at pinagtataga si Luna at mga kasamahan nitong sila Col. Roman (Joem Bascon) at Col. Bernal (Art Acuna) ng mga malapit na kawal ni Aguinaldo. Masuwerteng nakaligtas sa kamatayan si Capt. Rusca (Archie Alemania). Pinakita rin kung paanong lahat ng matataas na opisyal ng hukbo na malapit kay Luna, kundiman tulad ni Luna na nagsusulong ng paglaban sa Amerikano, ay hinuli o pinatay. Masining na pinagbangga ng pelikula ang kaganapan, testigo, sirkumstansya, at ebidensya ng asasinasyon laban sa opisyal na pahayag ng mga itinuturong may kinalaman sa krimen.

[ultimate_spacer height=”50″]

[ultimate_spacer height=”200″]

'Di pa tapos ang laban ninyo

[ultimate_spacer height=”200″]

[ultimate_spacer height=”50″]

 

Tila isang sangandaan ng lipunan ang panahon ng Digmang Pilipino at Amerikano. Sa isang banda ay ang mga handang mamatay para sa kalayaan ng bayan. Sa kabilang banda ay ang mga mabubuway ang pag-iisip, nagpapahalaga sa sariling kaligtasan na sa isang napakalaking kabalintunaan sa kasaysayan ay napanatili nilang nakaaangat ang salinlahi nila at nakaupo sa mataas na puwesto ng gobyerno hanggang sa araw na ito.

10411211_10207634439597703_3106526081626932868_n
mula sa Heneral Luna Facebook page

Ipinakita ng pelikula na sa buong gabinete si Heneral Luna lang ang may malinaw na pag-iisip at alam ang ginagawa kaugnay ng dapat tahakin ng mga Pilipino sa panahong iyon, kundiman iyon din ang mismong sinasaad na ng Konstitusyon ng binuo nilang malayang bayan. Madali rin maunawaan na ang pagkatalo ng rebolusyong Pilipino ay tagumpay sa ekonomiya, pulitika at kaisipan ng mga palasuko, at traydor na nag-anak ng ngayon ay tinatawag nating mga traditional politician o trapo.

Hindi tahasang nabanggit sa pelikula ang patuloy na pag-iral sa kasalukuyan ng mga sakit ng kahapon ngunit sa husay at paraan ng pagsasalaysay at iskrip ay madaling nakita sa nakaraan ang kasalukuyan. Sa katunayan ay hinihimok tayo nitong magnilay at magtanong. Bakit patuloy ang pag-iral ng mga sakit na ito sa lipunan? Ang eksena sa huli na panayam ng dalawang opisyal Amerikano na maaaring kay Aguinaldo ay para na rin sa mga manonood nang sabihin nilang tayo ang mismong pumatay sa kaisa-isang tunay na heneral ng ating bayan—ito ay malinaw na hamon sa ating mga Pilipino. At kung mayroon man, sinisikil ba natin ang isang mapanlabang Heneral Luna sa ating kaibuturan, bagamat lampas sa higit na ang mga dahilan para pasambulatin ang galit at punyeta gaya nang kay Luna sa pamamahala ng gobyerno at kalakaran ng lipunan sa kasalukuyan at kumilos para baguhin ito?

 

Gaya ni Heneral Luna, Andres Bonifacio, at ni Macario Sakay, sina Lorena Barrios, Edgar Jopson, Emmanuel Lacaba ay kapwa mga pinagkanulo at pinatay dahil sa paninindigan para sa tunay na kasarinlan at demokrasya laban sa Diktaduryang Marcos. Sila Jonas Burgos, Karen Empeno, at Sherlyn Cadapan, mga indibidwal na nanindigang magsilbi sa masang magsasaka para itaas ang kanilang kamulatan at kasanayan sa agrikultura ay nawawala pa hanggang sa ngayon.

mula sa Karapatan - Caraga
mula sa Karapatan – Caraga

 

Kamakailan lang ay pinatay ng mga paramilitar si Emerito Samarca o Tay Emok, ang Executive Director ng ALCADEV. Ang ALCADEV ay isang alternatibong eskwelahan sa pagsasaka ng mga Lumad na matatagpuan sa Andap Valley sa Surigao del Sur. Halos ‘di maabot ng kahit anong serbisyo ng gobyerno o ng mga opisyal ng gobyerno ang mga Lumad, kung kaya’t nagtayo na sila ng sarili nilang paaralan. Noong araw na pinatay si Tay Emok, pinatay din ng mga paramilitar ang mga tinukoy nilang lider ng komunidad, ang mga Lumad na sina Dionel Campos at Datu Bello Sinzo sa harap ng iba pang Lumad, kabilang ang mga bata.

“Sa ganitong mga pangyayari, sasagi sa isip na gaya ng sinapit ni Heneral Luna, ang primera klaseng edukador ng ikatlong daigdig ay pinatahimik lang ng bala mula sa mga pwersang ang punong himpilan ay kilala sa pangalang Kampo Heneral Emilio Aguinaldo”

Sa ganitong mga pangyayari, sasagi sa isip na gaya ng sinapit ni Heneral Luna, ang primera klaseng edukador ng ikatlong daigdig ay pinatahimik lang ng bala mula sa mga pwersang ang punong himpilan ay kilala sa pangalang Kampo Heneral Emilio Aguinaldo. Maaari nga sigurong ang mga tunay na nangarap ng pag-unlad ng bayan ang pinapatahimik ng mga kasabwat ng mga nagpapasasa sa yaman ng bayan at ng mga mananakop. At muli, gaya ng ginawang paghuhugas kamay ng mga pumatay kay Heneral Luna, igigiit ang kapangyarihan ng mga opisyal na pahayag ng estado laban sa mga testimonya ng saksi, sirkumstansya at ebidensyang hawak ng mga biktima.

Brutal ang pagpatay kay Luna maging kay Bonifacio, at mas brutal at napakapait kung tutuusin ang kamatayan ng kalayaan ng bayan mula nang pinaslang ang mga tunay na rebolusyunaryo sa bayan. Sapagkat hanggang ngayon, higit isandaang taon ang nakalipas, ay dagit tayo ng dayong agila. Pag-asa namang maituturing ang naiwan sa tulad ni Joven, kung kaya’t maraming sumisibol na bagong Luna at Bonifacio, gaya ni Lorena, Edjop, Eman, Jonas, Karen, She, Tay Emok, Onel, Datu Sinzo at libu-libo pang nagpapatuloy. Kung kaya’t lagi lagi ay makabuluhan at napapanahon ang nasyunalismo at lagi’t lagi ay makabuluhan at napapanahon ang pelikulang gaya ng Heneral Luna.

boni

[ultimate_spacer height=”200″]