Panahon pa ng mga Kastila nang unang gumulong sa operasyon ang Pambansang Daangbakal ng Pilipinas o kung tawagin ay Philippine National Railway (PNR), lulan ang mga pinagsisilbihang pasahero mula Metro Manila patungong Laguna hanggang sa ilang bahagi sa rehiyon ng Bicol.
Ilang giyera at mga henerasyon na ang nasaksihan ng makasaysayang daangbakal ng bansa. Subalit bunsod ng nagbabadyang tigil-operasyon para sa tinatayang konstruksiyon ng pagpalit sa PNR tungo sa modernisasyon, maaapektuhan ang mahigit 30,000 pasahero nito sa National Capital Region (NCR).
147-km North-South Commuter Railway (NSCR) Project ang tawag sa proyektong ito ng pamahalaan. Ito ay isang elevated at electrified urban rail transit system na tatakbo at mag-uugnay sa New Clark City sa Capas, Tarlac, Metro Manila hanggang Calamba, Laguna. Sa madaling salita, ang dating luma at kinakalawang na daangbakal ay mapapalitan ng mas modernong bersyon ng PNR.
Ngunit sa biyaheng mas makabago, paano na lamang kaya ang mga matatagpuan sa gilid ng makalawang na riles?
Ang trolley
Trolley ang nagsisilbing pamalit transportasyon ng mga pasaherong nais makatipid sa pamasahe, nagkalat ito sa mga lugar sa Luzon kung saan matatagpuan ang daangbakal, isa na dito ang Pandacan sa Maynila.
Sa Pandacan, umiikot ang presyo ng trolley kada isang tao mula 20 pesos. At kung ang pasahero ay nagmamadali, maaari siyang mag-‘special’ (solo ang byahe) at bayaran nang 50 pesos ang isang sakay.
Hindi ito gaya ng mga nakasanayang transportasyon. Ang wangis nito ay gawa sa kahoy at pinagdikit-dikit na kawayan. Mayroon itong mahabang upuan, sandalan, at suporta sa ilalim. At upang umandar, itinutulak ang trolley sa kahabaan ng riles — ng mga trolley drivers.
Lumalabas ang mga trolley drivers ng Pandacan pasado alas-kuwatro ng umaga at patuloy na maghihintay ng mga pasaherong nais makarating sa kabilang istasyon.
Tumanda na sa pagtutulak ng trolley
Alas tres ng hapon, isang oras bago tumunog ang maingay na busina hudyat ng paparating ng tren, nakaupo na si Rey Conde sa lumang riles ng Pandacan para abangan ang pagdating ng tren dahil kasabay nito ay ang pag-alis ng bantay sa kanilang istasyon. Senyales na puwede nang kumaripas ang kaniyang trolley at kaniyang mga kasamahan.
Dalawang dekada nang nagtutulak at padyak ng trolley si Rey, edad 58 na gulang. Si Rey ay tubong Tacloban, at mag-isang naninirahan sa Maynila. Tatlumpung gulang lamang siya nang lumuwas ng Maynila para makipagsapalaran. Hindi gaya ng ilan na trolley ang kinagisnang trabaho, siya ay una munang naging karpintero dito bago maging trolley driver. Nagbago lamang ito nang siya’y maengganyo rin na magpagawa ng trolley, at sa kagustuhan niyang kumayod nang walang sinusunod na amo.
“Mahirap ang may amo, hindi ka puwedeng magpahinga. Di katulad niyan [trolley], may payong ka lang na bago ay puwede ka na diyan matulog sa trolley,” saad ni Rey.
Sariling sikap na binayaran ni Rey ang trolley niya nang hulugan sa halagang isang daang piso kada-araw, dahil ang kabuuang presyo nito ay umaabot ng P5,000.
Mahirap ang trabahong pinasok ni Rey, at para sa edad niya, hindi niya ipinagkaila na nahihirapan na siyang magtulak nito dahil may kabigatan ang trolley at lalo na kung apat o higit pang pasahero ang lulan nito. Mas mahirap ito para sa kaniya kung babagtasin niya ang riles sa madaling araw, kung kailan wala siyang masyadong maaninag sa dilim habang binabaybay ang tulay ng Sta.Mesa-Pandacan, at habang naghihintay ang mapanganib na ilog sa ilalim nito.
“Mahirap mag-trolley, mabigat lalo na kapag may sakay ka pang apat. Titiisiin ang apat para may otsensta ka na. Ganon talaga, mabigat lang,” kuwento ni Rey.
Isang daan at limampung piso (P150) lamang ang pinakamataas niyang kita, depende pa ito kung mayroong pasahero na sasakay ng kaniyang trolley.
“Hindi sapat yung 150 na kita, tinitipid ko ‘yun. Minsan naman ‘pag sinusuwerte ka at may pasahero ka na mabait, bibigyan ka ng 100 ‘sa’yo na, di ko na kukunin ang sukli. May pasaherong mabait” salaysay ni Rey.
Dagdag pa niya, wala na siyang ibang hanapbuhay dahil na rin sa katandaan. Nahihirapan na siyang makahanap ng trabaho, kaya kahit iniinda ang bigat ng pagtulak sa trolley ay nagsusumikap pa rin siya upang mabuhay ang kaniyang sarili.
“‘Di na, wala nang tatanggap sa katulad ko, wala na. Saka kung may tumanggap man mag-aasikaso ka muna ng NBI. ‘Pag wala kang NBI hindi ka makakapagtrabaho,” saad ni Rey.
Kaya’t sa hirap ng kanilang trabaho at liit ng kita, hindi rin nakakapagtaka kung bakit napilitang mag hanap ng ibang pagkakakitaan ang mga kapwa trolley drivers niya noon.
Sa tagal nang pinapasada ni Conde ang sariling trolley, hindi niya naitanggi na maraming pagbabago na siyang nakita sa trabaho nilang ito sa Pandacan, una na ang paunti-unting bilang ng mga trolley drivers sa kanilang lugar dahil sa hirap ng buhay. Kuwento niya, noon ay umaabot pa sila ng lampas 10 ngunit ngayon ay nasa apat na lamang ang kanilang bilang.
“May asosasyon kami noon, marami kami pero ngayon wala na. Apat na lang kami bumibiyahe. Nagtatrabaho na yung iba sa hirap ng buhay. ‘Di makabuhay ng pamilya ‘yan [trolley]. Ang layo ng tatakbuhan mo tapos bibigyan ka lang ng bente pesos, mag titiyaga ka na lang talaga…” daing niya.
Padre de pamilya
Ganito rin ang hinaing ni Samuel Herrero na sa edad na 58 ay pinipili pa rin ang maghintay ng pasahero sa kanyang trolley sa riles ng PNR-Pandacan upang buhayin ang kaniyang pamilya. Katuwang ang kaniyang asawang namamasukan bilang labandera ay itinataguyod nila ang buhay ng kanilang siyam na anak.
Nagsisimula ang biyahe ni Samuel ng alas-kuwatro ng umaga upang ihatid ang mga pasaherong papasok sa trabaho at eskuwela hanggang alas-otso. Babalik na lang ulit si Samuel sa riles ng alas-kwatro ng tanghali upang maghintay muli ng pasahero hanggang alas-otso ng gabi. Sa karaniwang sistemang ito, nakaka-dalawa o tatlong biyahe siya sa isang araw. Nakadepende pa rin ito sa dami ng pasahero at dami ng trolley drivers sa riles.
“Depende [kung ilang biyahe] kasi kapag umabot kami ng lima [rito na nag-to-trolley], minsan, dalawa o tatlong byahe lang [sa isang araw]. Depende pa rin sa pasahero kasi bente ang isa. Kung special ka, 50. Depende pa rin sa laman ng pasahero,” saad ni Samuel.
Kuwento pa niya, ang kinikita niya sa dalawa o tatlong biyahe sa trolley ay minsan P200, sapat lang sa pagkain ng pamilya sa isang araw. Dagdag pa niya, hindi pare-pareho ang kita sa araw-araw dahil walang pasok ang mga estudyante na karaniwan niyang pasahero tuwing Sabado at Linggo. Kaya’t bagaman matagal na siya sa pagto-trolley, mayroon pa rin siyang ekstrang pinagkakakitaan katulad ng pagpipintor sa construction.
“Mahaba-haba na rin [akong nagto-trolley] kasi araw-araw kung wala akong pasok [sa pagpipintor] dito rin ako kumukuha ng pangkain namin at panggastos. Matagal na ako sa trolley kaya lang hindi napipirmi dahil sa mga ekstrang trabaho na kailangan,” paliwanag niya.
Gayunpaman, pinipili pa rin ni Samuel ang bumalik sa riles dahil sa hirap ng buhay. At naging malaking parte ang trolley upang matugunan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
Kwento niya, “Dahil taglay po ng kahirapan ng buhay [kaya pinili pa rin na mag trolley]. Kailangan natin, pinansyal pa rin [ang dahilan]. Malaking bagay ito kasi halos minsan, sa araw-araw, dito kami nakakakuha ng pera para sa pamasahe kung may ekstrang trabaho. Hindi ganon kadali, pero kinakaya namin.”
Papawalang kabuhayan
Sa riles din palaging bumabalik si Leo Torzar, edad 50, at tatlong dekada nang trolley driver. Nagsimula siyang tumulak at padyak ng kawayan sa riles ng Pandacan taong 1992. Disinuwebe anyos lamang siya nang itinuring niya ang trolley bilang kanyang ekstrang pagkakakitaan. Sa katunayan, may riles na naghihintay kay Leo sa tuwing nawawalan siya ng trabaho o may panibagong kontratang natatapos sa kaniyang pinapasukan.
“Tatlong dekada na [akong trolley driver] pero di naman tuloy-tuloy kasi noong una nagtrabaho din ako tapos natigil, tapos babalik ulit [sa pag to-trolley], tapos mag-aapply ulit ng trabaho…paganon-ganon lang,” saad ni Leo
Gawa ng ilang taong pagbiyahe, nakapagpundar na siya ng sariling trolley. Nabili niya ito noong malakas pa siyang kumita sa pagto-trolley, hindi katulad ngayon na malaki na ang pinag-iba ng sitwasyon ng trolley sa PNR-Pandacan Station.
Kuwento niya, ang ruta ng trolley dati ay umaabot hanggang sa Altura street sa Sta. Mesa. Ngunit ito ay nalimitahan nang matapos ang muling operasyon ng istasyon noong 2009. Kung babalakin nilang lumagpas sa istasyon ng PNR Sta. Mesa ay kukumpiskahin ang kanilang tulak na trolley.
“Ang ruta talaga namin dati, nakakarating kami ng Palengke sa may Altura, tapos noong mga 2010 ginawa ‘tong PNR [Pandacan] na ‘to, mula noon di na kami nakaabot dun, hanggang sa Teresa na lang kami. Bawal na kami lumagpas ng istasyon. Kasi kapag lumagpas kami sa istasyon ng PNR, kukuhanin yung trolley mo,” paliwanag niya.
Bukod sa umikling ruta, ang pagbabago sa biyahe ng trolley ay dulot din ng nagdaang pandemya ayon kay Leo, dahil ang mga Pilipinong trabahador noong panahon na iyon ay nanatili lamang sa work-from-home-set up. Bilang resulta, nabawasan ang kanilang mga kasamahan sa pagto-trolley dahil lumiit na rin ang bilang ng kanilang mga pasahero. At ang noong maya’t-mayang paggulong ng sasakyang kawayan na de-tulak ay inaabot na ngayon ng ilang minuto para sa inaasahang pasahero.
“Dati umaabot kami ng singkuwenta dito. Eh ngayon nasa walo na lang kami. Yung iba wala na, naghanap na sila ng bagong pagkakitaan kasi wala na talaga, napatay na talaga [ang pag to-trolley],” salaysay ni Leo.
Ngayon, “tiyamba na lang” kung tawagin ni Leo ang P150 na maaaring kitain. Kaya’t para sa kaniya mahirap ang kanilang trabaho dahil bukod sa liit ng kinikita ay hindi madaling maghintay ng pasahero. Kung mayroon naman ng sasakay, pagtutulak naman ng kawayang sasakyan sa riles ng Pandacan patungong Teresa ang bagong hirap na kanilang haharapin.
“Dati nung kalakasan pa, bumiyahe lang ako ng mga alas-kuwatro ng madaling araw hanggang alas-nuwebe ng umaga, tiyak may P400 na ako noon. Tapos babalik na lang ako ng alas-kwatro ng hapon,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, sa riles pa rin bumabalik ang mga paa ni Leo dahil may mga suki pa na naghihintay sa kanya tuwing umaga.
“Bumiyahe ako kaninang madaling araw, siguro mga tatlong biyahe lang ako kasi may suki kasi ako dito. Umpisa ko alas kwatro ng madaling araw, may isang pasahero. Tapos yung pangalawa ay alas singko. Tig-iisa sila [pasahero]. 40 [pesos] ang espesyal kapag siya lang mag-isa,” saad nito.
Kaya paano na lamang kung tuluyan nang mawala ang riles na siyang pinapasan ang bawat padyak ng kawayang sasakyan?
Ang taning sa riles
Noong Oktubre 2023, naibalita na ipapahinto ng Philippine National Railways (PNR) ang mga biyahe nito sa National Capital Region (NCR) pagdating ng Enero 2024, habang unti-unting bubuksan muli ang mga ruta nito sa katimugang bahagi ng Luzon, partikular sa Calamba, Laguna hanggang sa Legazpi City.
Tinatayang tatagal ng limang taon ang pagtigil ng operasyon ng PNR sa mga istasyon mula sa Malabon hanggang Calamba, bunsod ng 147 kilometer North-South Commuter Railway Project ng pamahalaan. Ang NSCR ay itatayo sa kaparehong linya na ginagamit ng PNR sa Metro Manila.
Sa Santa Rosa, tuluyan nang binarikadahan at sinara ang istasyon noong July 21, 2023 na nakaapekto sa 150 indibidwal na trolley drivers. Hindi malayong ganito rin ang kahahantungan ng mga trolley drivers sa iba pang estasyon ng PNR, katulad na lamang sa Pandacan.
Hinihintay ang inaasahan
Matagal nang nabalitaan nina Rey, Samuel at Leo ang planong pagpapasara ng pamahalaan sa mga istasyon ng PNR, upang magbigay-daan sa konstruksyon ng proyektong NSCR. Bagaman may kaukulang abiso, wala pang binibigay na tiyak na petsa sa kanila kung kailan tuluyang isasara at babarikadahan ang Pandacan Station.
“Matagal ng binabalak nila yan [pagpapasara sa PNR]. Sa akin, wala kaming magagawa diyan kasi hindi namin ‘yan pag-aari, nakikigamit lang kami sa kanila. ‘Yun lang, kaya kami nag to-trolley kasi binigyan kami ng pagkakataon, kasi binigyan kami ng oras,” saad ni Leo.
“Papayag kami [sa modernisasyon] kasi gobyerno ‘yun [kahit na mawalan ng trabaho], ‘di magpapatalo ang gobyerno. Babakuran ito. Ang tagal na nito. Basta mag reklamo ka, ‘di papansin kasi gobyerno ang may-ari nito,” dagdag pa ni Rey.
Para kay Leo, kung mayroon lamang siyang ibang maaaring magandang pagkakitaan ay puwede niya nang tigilan ang pagto-trolley. Ngunit hindi niya ito magawa sapagkat nahihirapan din siyang makahanap ng magandang trabaho.
“Pero kung makakahanap ako ng alternatibong pagkakakitaan na maganda, magtitiyaga ba ako dito?” pahayag niya.
Kaya ang tanging hiling na lamang ng mga manggagawang Pilipinong nakasandig sa riles ng PNR ay ang isama sila sa planong pagpapaunlad. Dahil hanggang ngayon, wala pang nababalitaang ayuda o planong relokasyon para sakanilang naging tahanan na ang riles.
“Hiling lang namin sa gobyerno natin na matulungan kami na mabigyan kami ng hanapbuhay kahit papaano. Dahil syempre, tao rin kami. Pilipino rin kami. Mabigyan lang kami ng kaunting atensyon o kaya kahit kaunting kabuhayan lang,” panawagan ni Samuel.
Mga walang trabaho sa bansa
Ayon sa bagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumabas na bumaba sa 3.6% o 1.83 milyon ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas sa buwan ng Nobyembre 2023. Mas mababa kumpara sa 4.2% noong Oktubre 2023.
Samantala, 51.47 milyon naman ang bilang ng mga Pilipinong may edad 15 taong gulang at pataas ang kabilang sa labor force o iyong mga nasa edad magtrabaho (may trabaho man o walang trabaho), ayon sa naitala ng sa Labor Force Participation Rate (LFPR) noong Nobyembre 2023.
Sa kaparehas na buwan ngayong taon, 11.7% o tinatayang nasa 5.79 milyon ang bilang ng mga Pilipinong kulang sa trabaho, o mga naghahangad ng karagdagang oras sa trabahong kasalukuyan nilang pinapasukan, o humihiling ng karagdagang trabaho, o magkaroon ng bagong trabaho na mayroong mas mahabang oras.
Ayon sa PSA, sa unang kalahati ng 2023 ay tinatayang nasa 22.4% o 25.24 milyong Pilipino ang saklaw ng kahirapan sa mahigit milyong populasyon ng Pilipinas.
Ang kasalukuyang daily minimum wage sa NCR na pumapatak sa P610. Malayo pa ito sa P1,188 na kailangan ng may limang miyembro sa pamilya para maitawid ang isang araw, ayon sa pag-aaral ng IBON foundation.
Kaya’t hindi rin maitatanggi na wala o mayroong trabaho man na napapasukan ang mga Pilipino ay hindi nakapagtataka ang milyong bilang ng mga Pilipinong naghihirap, dahil sa kakulangan ng oportunidad sa bansa at maliit na pasahod sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin. At kabilang na rito sina Rey, Samuel at Leo na ilan lamang sa mga Pilipinong walang trabaho at nakasandig ang pang araw-araw sa pagtutulak ng trolley.
Ngayong maisasara na ang isa sa kanilang pinagkakakitaan dulot ng pagyakap sa pagbabago, paano na lamang ang mga gaya nila na pilit pinagkakasya ang kakarampot na kita sa tulong ng trolley?
Hindi maipagkakaila ang pag-usad ng mundo tungo sa modernisasyon. Hindi rin naman makasasama kung aangkas sa pagbabago. Sa pagsasakatuparan sa layuning mapaunlad ang PNR bilang transportasyon para sa nakararami, nawa’y layunin din nitong mapaunlad ang buhay ng bawat mamamayang Pilipino. Dapat ay walang masasagasaan, maiiwan at walang harang na hahadlang para sa mga katulad nina Rey, Samuel at Leo.