“Oh kasya pa tatlo…dalawa…isa,” sabi ng drayber ng nasakyan kong pampasaherong jeep. Bata pa lamang ako, palagi na akong sumasakay sa jeep kapag umaalis kami ni Mama papuntang Quiapo para magsimba.
“Pwede pa ba rito?,” tanong ni mama sa tabi ng drayber.
“Ah, oo pwede pa,” tugon ng drayber.
Habang akbay ako ni mama, hindi ko lubos maisip na kung gaano kumakayod nang husto ang mga drayber ng pampasaherong jeep para lamang may maiwui sila sa hapag ng kanilang pamilya. Maihahalintulad ko nga sa kalabaw ang kanilang lakas dahil hangga’t kaya pa nilang magmaneho, magpapatuloy sila sa lakbay ng buhay kasama ang mga komyuter.
Dinig ko pag-uusap ng driver ng sinasakyan naming jeep at ng kanyang kasamahan tungkol sa magaganap na strike sa mga susunod na araw.
Nakilala ko ang drayber bilang si JR Lopez, na isa palang operator sa bayan ng Malabon at kasapi ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide o PISTON. Sa bawat salita na kanyang binibigkas, malinaw ang kanyang panawagan na sinusuportahan ng lahat ng operator at tsuper.
“Tutol talaga kami sa PUV Modernization Program (PUVMP). Tulad nyan, napakalaki ng [presyo ng] binebentang sasakyan sa amin na modern tapos mga gawang dayuhan pa at isa pa yung consolidation. Kumbaga ninanakawan na kami ng prangkisa, na once na ma-consolidate namin yung mga prangkisa namin wala na, wala na kaming [karapatan] sa prangkisa namin, kung baga wala na kami pag-aari, wala na kaming pakialam doon,” saad ni JR.
Ayon sa LTFRB, kinakailangang magpakonsolida ng mga drayber at operator para sila ay makapagpatuloy sa pamamasada. Sa franchise consolidation, kailangan na ring pumaloob sa isang fleet system ng kooperatiba o korporasyon na mayroong hindi bababa sa 15 yunit ng modernong jeepney ang mga indibidwal na operator. Ito ang magiging standard sa ilalim ng PUVMP para pagkalooban ng prangkisa ng LTFRB.
“Kinikitil nila yung hanapbuhay namin kasi once pina-consolidate mo yung unit mo, within 27 months maoobliga kang magpalit ng unit na modern napakalaking pahirap sa amin non… Saan kami kukuha ng 2.8 [million]. Tsaka yung isinusulong nilang gawa dito sa atin ay iconic. Wala naman problema, kaya nga lang may kamahalan din. Once na maging modern q-quota ka ng Php 7,000 napaka hirap sa amin non. Dito nga [jeep] Php 3,000 pahirap pa,” ani Lopez.
Ang inilalakong modern jeep ay nagkakahalagang 1.4 hanggang 1.6 milyon (na aabot din sa 2.8 milyon kung babayaran nang hulugan) ayon sa LTFRB.
“Yung consolidation na sinasabi nila, pananakot yan e. Yung ibang mga driver dito hindi naman sila willing magpa consolidate. Napilitan lang sila,” pagdadagdag ni Lopez.
Bukod sa patuloy na pakikipagdiskusyon ng mga samahan ng operator at drayber, mungkahi ni Lopez na kinakailangang mas tingnan ang malawak na imahe. Nagbahagi pa siya ng ilang mga punto tulad ng:
“…Hindi lang naman kami ang cause ng pollution.”
“…bakit hindi nila [silipin] yung mga pabrika na naglalabas ng hindi magandang usok, yung mga pabrika na nagtatapon ng mga kemikal kung saan-saan, ‘di ba? Yon dapat ang [silipin] nila, hindi kami. Napakaliit na nga [namin],” dagdag ni Lopez.
Hindi ko mahinuha na ang mga kasama kong mga drayber at operator dito sa lansangan ay ninanakawan ng kabuhayan na tanging pinangsusustento nila sa kanilang mga pamilya. Hindi makataong trato ito para sa mga drayber na ang nais lamang ay pumasada, kumita, at may maiuwing pagkain sa hapag.
“…siguro mag-intay na lang ako ng panibagong administrasyon na nakakaintindi na [sa sitwasyon] ng mga jeepeney driver, operator, at mga komyuter,” saad ni Lopez.
“…siguro kami, sapalaran na lang din hangga’t hindi dinidinig. Hangga’t nilalaban (ito kasama namin) sina Balbuena, sina PISTON, tuloy lang ang laban.”
Bakas pa rin sa mukha ni Lopez ang pag-asa na hindi matuloy ang pag-phaseout sa kanilang mga pampasadang jeep kung kaya’t magpapatuloy sila sa pakikipaglaban.
Ngayong malaki na ako at araw-araw na bumibiyahe, mas lalo kong nauunawaan ang buhay na mayroon ang mga tao sa likod ng mga jeepney na aking sinasakyan kung saan man ako pumaparoon. Tama nga, sa laban ng tsuper kasama tayong mga komyuter.