“Hindi ko maintindihan ang utak ng gobyerno, biruin mo, ang mga driver, nakapagpatapos ng pag-aaral sa mga anak nila, tapos ganyan ang gagawin nila.” ani Tatay Eddie sa kabila ng maliit na kinikita nito sa pamamasada.

Si Eddie Oriana, 79 taong gulang, isang jeepney driver mula sa isang terminal ng jeep sa Alabang, Muntinlupa. Limang taon na siyang namamasada na nagsilbi rin bilang kanyang libangan matapos magretiro sa pangingibang bansa noong 2016. 

“26 years ako sa abroad…itong jeep na ito katas ng Saudi ito eh. Binili ko itong jeep na ito para sa mga anak ko.” aniya.

Sa limang taong pamamasada, nagsilbi itong daan upang tustusan ang pangangailangan nila sa pang araw-araw. 

Dagdag pa ni Tatay Eddie, batid na niya ang kapalaran bilang drayber sa nakaambang pag-phaseout ng kaniyang prangkisa kung magpapatuloy ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP)

Kabilang din si Tatay Eddie sa higit 29 na mga driver mula sa kanilang terminal na tuluyan nang nagpakonsolida bunsod ng pangamba ng kawalan ng hanap-buhay dahil sa itinakdang deadline ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) noong Disyembre 31, 2023.

“Kaming lahat dito ay consolidated na e, may pinanghahawakan ng papel pero, ito pa ring jeep na ito.” ayon sa kaniya.

Hindi na niya iniisip pang magpalit ng modernong jeep dahil bukod sa libangan na lang niya ang pamamasada, hindi kakayanin ng maliit na kita ni Tatay Eddie ang inaalok ng gobyernong Marcos Jr. ang airconditioned jeepneys na nagkakahalagang 1.4 hanggang 1.6 milyon o aya naman 2.8 kung babayaran nang hulugan. 

“Sa ordinaryong sasakyan, limang taon pa lang bulok na. Lalo na  yung mga modern jeep ay walang stainless, kaya itong jeep ko, kaya nagtatagal ay may stainless”, dagdag pa ni Tatay Eddie.

Isa lang si tatay Eddie sa libo-libong drayber sa bansa na patuloy na umaasang kilalanin at bigyang karapatan para makapaghatid ng mga pasahero sa itinutulak na modernisasyon sa pampublikong transportasyon kapalit ng mga traditional jeepneys na noon pa ma’y naghahari na sa mga lansangan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here