“Malaking kalokohan at hindi ko sinasang-ayunan ang pahayag ng mga naglitawang ‘nagbalik-loob,’ pahayag ni Letty Castillo ng Defend CAMANAVA bunsod ng inilabas na ulat ng Valenzuela City Police (VCP) tungkol sa kusang pagsuko ng miyembro umano ng Anakbayan noong Abril 17.

Ayon sa ulat ng VCP, ang “pagbabalik-loob” ng dalawa ay bunsod ng special intelligence operation na isinagawa kapwa ng VCP at Joint Task Force (JTF)-NCR.

Ang “balik-loob program” ay isang programang itinulak sa pangunguna ng JTF-NCR at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na kapwa binuo sa implementasyon ng Executive Order No. 70 na nilagdaan noong 2018 ng administrasyong Duterte. 

“Hindi nangangako ang nasabing organisasyon sa libreng pabahay at tulong pinansyal dahil ang punto ng pagiging kasapi nito ay maintindihan at iwaksi ang mga ugat ng kahirapan at bumaklas sa pyudal na kinasanayan,” ani Castillo.

“Wala rin sa programa at konstitusyon ng Anakbayan ang mag-offer ng kung ano-anong mga bagay gaya ng libreng pabahay dahil una sa lahat, nonprofit ang org na ito. Saan kukuha ng pinansya para doon? Ito ay malinaw na black propaganda lamang laban sa mga lihitimo at progresibong organisasyon kagaya ng Anakbayan,” dagdag pa niya. 

Ang Anakbayan ay isang komprehensibong organisasyon ng mga kabataan na itinatag noong Nobyembre 30, 1998. Isa ang Anakbayan sa nangungunang pormasyon kasagsagan ng second EDSA uprising noong 2001 at sa kampanya laban sa Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program sa mga paaralan at iba pa.

Ayon din sa Artikulo XIII, Seksyon 15 at 16 ng Saligang Batas ng Pilipinas, kinikilala ng estado ang awtonomiya at papel ng mga organisasyon tulad ng Anakbayan sa lipunan at ang karapatan nila sa partisipasyon sa mga panlipunan, pampulitikal at pang-ekonomiyang mga desisyon ng pamahalaan.

“Ang nasabing post ng mga kapulisan ay hindi na bago; hindi na bago ang pangmamanipula nila sa sambayanan. Mahilig silang magpabango ng imahe,” ani Castillo.

Dumarami ang ulat ng pwersahan o pekeng pagpapasuko laban sa mga progresibong indibidwal o grupo mula noong ipinatupad ang EO 70 na sinundan pa ng Anti-Terror Act na nilagdaan din ng parehong administrasyong Duterte noong 2020.

Isang halimbawa sa mga ito ang nangyari sa mga environmental activist tulad nina Jonila Castro at Jhed Tamano na dinakip at pwersahang pinasuko sa kampo-militar pero kalaunan ay nakalaya rin nang ilantad nila ang kanilang kalagayan sa media briefing na inilunsad mismo ng NTF-ELCAC. 

Alinsunod sa pahayag ng Amnesty International noong 2021 na “Anti-Terror Act remains dangerous and fundamentally flawed” kung saan itinuturing na masyadong malabo ang pakahulugan ng batas kung sino ang mga terorista at kung ano ang malinaw na depinisyon ng terorismo. Dagdag pa rito, maituturing ding unconstitutional ang nasabing batas dahil sa paglabag nito sa tamang proseso ng paglilitis at paghahatol.

“Hindi nagpapakalat ng ‘makarebeldeng pag-iisip’ ang Anakbayan. Ito ay nagsisiwalat lamang ng katotohanan o siyentipikong suri sa mga nangyayari. May mga namumulat–maaaring naranasan nila mismo o talagang nakikita nilang may mali sa sistemang ginagalawan (nila)–na nag-uudyok sa kanilang kumilos at makiisa sa mga progresibong organisasyon o grupo laban sa mapang-aping lipunan. Sino ba naman ang gugustuhing magpasaklaw sa estadong mapang-abuso, mandarambong, mapanamantala ng mamamayan nito?” pagbabahagi pa ng Defend CAMANAVA.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here