Kilala ang Batibot bilang isang palabas na pambata sa telebisyon ng Philippine Children’s Television Foundation (PCTVF) na unang umere noong 1984.
Mayroong community extension services department ang PCTVF noon na nanguna sa paglulunsad ng mga outreach programs at training services sa lungsod ng Pasig, Bagumbayan, at Marikina.
Dito nakilala Brgy. Industrial Valley Complex sa Marikina na unang nagsilbing lugar para sa shooting ng palabas na Batibot dahil sa mayabong ang taniman dito.
Kalaunan, natukoy ng mga kananayan ang pangangailangan ng komunidad na magbuo ng isang learning center para maturuan ang mga bata. Dito naitayo ang Batibot Early Learning Center.
“Maliit lang actually. Bahay lang talaga ng isang miyembro noong organization. Ang tinayo nilang organization noon ay samahan sa maagang pagkatuto ng bata,” ani Libertad “Teacher Libby” Dipon.
Tatlumpu’t siyam (39) na taon nang guro at kasalukyang Executive Director ng Batibot Early si Teacher Libby.
Aniya, isang palapag at maliit na kwarto pa lamang ang nagsilbing klasrum at dito na nagsimula ang ilang mga guro tulad ni Teacher Libby sa pagtuturo sa halos apat na dekada.
Pagharap sa mga suliranin ng Batibot
Marami ring hinarap na suliranin tulad ng mga kalamidad, pandemya, at iba pa ang Batibot Early Learning Center sa paglipas ng mga dekada.
Catch basin ang bansag sa lungsod ng Marikina sa katangiang nalulubog ang iba’t ibang komunidad dito mula sa matinding pagbuhos ng ulan galing sa matataas na lungsod at probinsya ng San Mateo at Montalban sa Rizal, maging ang ilang lungsod sa Antipolo at Quezon.
Higit na tinamaan ang lungsod nang sumalanta ang bagyong Ondoy taong 2009. Umabot ng higit 20 feet ang taas ng tubig sa Brgy. IVC at isa ang klasrum ng Batibot school sa lubos na napinsala at lumubog sa matinding pagbaha.
“Pinasimulan ulit ang construction sa tulong mismo din ng mga magulang at community. Ambag-ambag. At naitayong muli ‘no pagkatapos mawash-out yung buong-buo talagang facilities nung school,” salaysay ni Teacher Libby.
Nagpatuloy ang Batibot sa kabila rin ng pagsasarado ng maraming learning centers sa bansa kasagsagan ng pandemyang COVID-19 noong 2020.
Mula paaralan tungong komunidad
“Nakita ko sa Batibot kung papaano yung pagtuturo, paghahandle nila sa anak ko. Tinuturuan din nila yung mga bata at saka yung mga magulang kung papaano yung tamang pakikitungo sa mga tao mayro’ng special needs,” pagbabahagi ni Koulen Asunio, Vice President ng Parent Teacher Association (PTA) sa Batibot.
Diagnosed ang kaniyang anak ng Autism Syndrome (ASD) at tanging sa Batibot lamang malugod na tinanggap ang kaniyang anak upang makapag-aral kasabay ng therapy.
Pribadong paaralan ang Batibot na nakarehistro sa Department of Education. Kasalukuyang may tatlumpung (30) estudyante rito mula pre-school hanggang kinder.
Ayon kay Teacher Libby, malaki rin ang tulong at suportang nakukuha ng paaralan sa mga magulang at dating estudyante ng Batibot.
“Yun yung kahalagahan ng organizing. At lagi naming sinasabi sa kanila na ang mga batang ito ay hindi niyo lang anak. Anak ‘yan ng buong community, anak ‘yan ng lipunan, anak ‘yan ng bayan kaya gano’n din yung pagpapahalaga doon sa programa,” ani Teacher Libby.
Tinututukan din sa Batibot ang parent education, community involvement, curriculum development, health and nutrition, at pagkakaroon ng income generating projects (IGP) para sa pagpapaunlad at pagpapalaki sa mga bata kaalinsabay sa pag-oorganisa sa buong komunidad.
“Alam naman natin na yung problema ng isang bata ay problema ng lahat. Ang problema ng isang pamilya, problema ng buong community. Kailangan talaga yung collective na aspect,” dagdag ni Teacher Libby.
Sa ganitong estilo ng pagtuturo, may mga karanasan sa red-tagging ang Batibot.
“Ang curriculum kasi namin ay nakaangkla doon sa katayuan ng mga bata natin na tinuturuan, sa katayuan ng community. Kaya akala nila every time na mayro’ng mga panawagan, sasabihin aktibista ‘yang mga ‘yan, nagtuturo ‘yan nang ‘di tama sa mga bata,” pagbabahagi ni Teacher Libby.
Ayon kay Teacher Libby, nakikita ng mga magulang at bata ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga komunidad tulad na lamang sa panahon ng mga sakuna kung saan nakikisangkot din sila sa mga relief operation initiatives at pagtuturo ng psychosocial skills.
“Nakakatuwa, nakakataba ng puso na yung mga magulang ay sama-sama na nagtutulong-tulong sa isang community sa pagpapalaki ng iba’t ibang klaseng bata,” dagdag pa ni Asunio.
Ayon pa kay Asunio, mahalaga ang inilulunsad na mga mini fieldtrip at family day sa pag-unlad ng kaniyang anak lalo pa’t hindi nakukulong sa klasrum.
“Ang Batibot kasi ay isang progresibong eskuwelahan. Ineexpose nila yung mga bata sa kung anong kakaharapin nila sa kanilang paglaki mula sa pagte-training sa bahay, sa pag-aalaga sa sarili at iba,” pagkukuwento pa ni Asunio
Kahalagahan ng pakikisangkot sa mga isyung panlipunan
Noong Pebrero 18 ay napuno ng makukulay na disenyo’t palamuti ang mga plakards, props, at costume na suot ng mga bata kasama ang kanilang mga magulang at guro sa inilunsad na Family day protest-parade sa Batibot.
Bitbit ang temang “Pamilyang Kumikilos Para sa Kinabukasan ng mga Kabataan”, itinampok ang mga panawagan laban sa sa Charter Change (ChaCha), PUV Modernization Program, at pagpapatigil sa mapanirang pagmimina.
Layunin ng family day na maunawaan ng mga bata ang mga kasalukuyang isyung panlipunan at magkaisa ang mga magulang at buong komunidad para tutulan ang mga ito.
“Napakahalaga kasi sa murang edad pa lang nila malalaman na nila kung ano yung mga dapat na kakaharapin nila sa kanilang pagtanda. Ineexpose din kasi sila sa mga pangyayari sa ating lipunan,” ani Asunio.
Kolektibong isinasagawa ito sa Batibot ng mga guro, magulang maging ng mga bata para sa pakikisangkot sa iba’t ibang usaping panlipunan.
“Alam naman natin itong mga batang ito ay dinadatnan ang isang lipunan na alam natin na punong-puno ng krisis, punong-puno ng pagsikil sa karapatan ng mamamayan,” ayon kay Teacher Libby,
“Kailangan mainvolve kasi sila naman yung susunod na salinlahi na magpapatuloy anuman ang nangyari ngayon. Sila ‘yon, sila yung maapektuhan,” dagdag ni Asunio.