Hindi kailanman magiging madali para sa isang ina na makita ang kanyang anak na masaktan, masugatan, o ang mas malala pa’y, mamatay. Ipinakita ng Dekada ‘70 kung paano naghinagpis, nagbago, at namulat si Amanda Bartolome (karakter ni Vilma Santos), ina sa limang lalaking anak, maging ang kanyang apolitikal na asawang si Julian Bartolome (na ginampanan ni Christopher de Leon).

Ipinaramdam ni Lualhati Bautista ang takot, galit, at kawalang hiyaan ng rehimeng Marcos noong Martial Law sa kanyang pagsulat sa palabas na ito.

Hubad na katotohanan ng Martial Law

Sa kasalukuyan, pilit na binabago ng mga nasa pwesto ang karumal-dumal na katotohanan na ginawa laban sa karapatang pantao ng mga Pilipino noong Martial Law. Ngunit kahit na ganito, mayroong mga palabas gaya ng Dekada ‘70 na sinusupil ang mga kasinungalingang ipinapaniwala sa atin ukol sa batas militar.

Nang idineklara ang Martial Law noong 1972, tila’y biglang tumigil ang mundo: walang pasok sa eskwela’t trabaho, walang byahe ang mga pampublikong transportasyon, bawal magpagabi sa lansangan—-lahat ng ito ay nailahad sa Dekada ‘70.

Bagama’t kathang-isip ang mga karakter at buhay nito, hindi nalalayo sa reyalidad ang sinapit ng bawat tauhan sa pelikula. Ang bawat hinagpis, galit, at pagdurusa ay hindi lang pinakita—ito’y pinaramdam rin sa mga manonood.

“The nine-year military rule ordered by then President Ferdinand Marcos in 1972 unleashed a wave of crimes under international law and grave human rights violations, including tens of thousands of people arbitrarily arrested and detained, and thousands of others tortured, forcibly disappeared, and killed”, ayon sa Amnesty International.

Naitala rin ng Amnesty International ang malawakang pag-aabuso sa karapatang pantao ng mga Pilipino, maging ang pag-aresto at pagdukot sa mga taong kritikal sa rehimeng Marcos sa panahon ng batas militar.

Ang realidad na ‘yan ay lubos na ipinakita sa buhay ng magkapatid na si Jules at Jason Bartolome—isa’y aktibistang dinakip, pinahirapan, at pinasakitan ng militar, at ang isa naman ay kinulong, aniya, dahil sa pagmamay-ari ng marijuana, ngunit nang makalaya na ay ibinigti. Pinakita rin dito ang pagpapahirap na dinaanan ni Willy—kaibigan ni Jules—hanggang sa ito’y mamatay.

Ang buhay ng mga karakter na ito ay nalalapit sa totoong pinagdaanan ng mga naging biktima ng Martial Law. Bagama’t walang pelikula ang lubos na makakapagpakita ng hirap na dinanas ng mga Pilipino noong batas militar, ngunit magsisilbing boses ng mga ito ang buhay nina Jules, Jason, at Willy.

Walang saysay maging apolitikal

“Kung hindi kikilos ang mamamayang, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?”, wika ni Amanda.

Hindi naging madali ang proseso upang matanong ito ni Amanda. Bilang ang pamilyang Bartolome ay kabilang sa panggitnang uri, madaling maging apolitikal. Bakit? Dahil may-kaya naman sila—may sariling bahay, may sasakyan, nakakapag-aral ang limang anak; hindi masyadong hirap sa buhay.

Kung ganito ang kalagayan, hindi madaling maunawaan ang mga problemang kinakaharap ng mga naaapektuhan ng Martial Law noon—mas madaling ‘wag na lang mangialam. Gaya ng mga Bartolome, madaling hayaan na lang ang mga kamalian na ginagawa ng gobyerno.

Sa Dekada ‘70, makikita ang sunod-sunod ang sitwasyong kinaharap ng mga Bartolome simula nung ipinroklama ang Martial Law, kabilang ang pag-alis at pagkulong kay Jules at pagkamatay ni Jason. Sa kabilang banda, ang mga ito ang nag-udyok kay Amanda na magising at piliting alamin pa ang dusang bigay ng batas militar.

“Kung nanay ka, hindi ka lang dapat nanganganak. Dapat naipaglalaban mo rin ang anak mo. Gusto ko lang naman malaman bakit pinatay nila ang anak ko”, daing ni Amanda.

Gaya niya, ang mga magulang ng mga lider-estudyante na naging biktima ng Martial Law noon ay hinahanap ang hustisya, at ito ay pinakita sa pelikula sa pamamagitan ng ina ni Willy.

Sabi nga nila, hindi pwedeng maging neutral ka lang sa mga usaping politikal dahil hinahayaan mo lang mangyari ang opresyon—kung apolitikal ka, kumakampi ka sa mga nagpapahirap, hindi sa mamamayang nahihirapan. Walang saysay maging apolitikal, lalo na kung marami na ang nahihirapan, namamatay, at nagdurusa.

Kung nagising lang si Amanda sa realidad dahil sa pinagdaanang hirap ng mga anak niya, hahayaan mo bang may mangyaring gano’n sa’yo bago ka kumilos?

Bayan o pamilya?

Bilang panganay na lalaki, hindi madaling desisyon ang umalis sa pamilya upang pagsilbihan ang masa bilang aktibista. Gaya ni Jules: inuna niya ang paglaban para sa bayan, dahil ito ay laban rin para sa pamilya.

Tulad ng ipinakita sa Dekada ‘70, masakit para sa mga magulang na makitang pinapahirapan ang kanilang mga anak, ngunit para sa mga anak na ito—gaya nila Jules o ni Charlie del Rosario na isang lider-estudyante sa totoong buhay—mas masakit makitang sadyang pinapahirapan ng mga nakaupo ang masa. Nakakagalit.

Sa bandang dulo, tumindig na rin si Amanda; pumili kung bayan o pamilya—piniling lumaban para sa bayan dahil ito ay laban din para sa mga anak niyang pinaslang at pinahirapan ng batas militar.

“Sinasanay ang lalaki sa ideya ng karahasan… at ang babae, saan? Sa ideyang wala itong magagawa? … p*ltres naman, dapat hindi dapat gano’n!”, wika ni Amanda.

Sumiklab na ang galit at paninindigan ni Amanda para sa bayan at kanyang pamilya laban sa walang habas na pagpapahirap ng batas militar.

Tagumpay na nailahad ng Dekada ‘70 ang kwento sa buhay ng pamilya Bartolome, kasama ang hirap ng pagiging isang lider-estudyante noong panahon ng Martial Law; naipakita nito ang katotohanang pilit na binabago ng kasalukuyang administrasyon.

Tumindig na si Amanda, ikaw, kailan ka?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here