Salimbayan ng fiction at fact

Isang rebyu ni Kyle Aristophere Atienza sa pelikulang Ang Istorya ng Pagkawala

0
696

Marami nang pelikula ang sumuong sa paglalantad ng at patuloy na nagtatangkang ilantad ang naaagnas na kasalukuyang mala-pyudal na panlipunang kaayusan at bulok na pampulitikang sistema sa bansa kung saan patuloy na nanatiling atrasado ang agrikultura, nanatiling nasa monopolyo ng iilang panginoong maylupa o landlords ang ekta-ektaryang tipak ng mga lupain sa kanayunan, at patuloy na karahasan at inhustisya ang tugon ng mga armadong pwersa ng estado sa mga lehitimong panawagan ng uring magsasaka para sa lupa, nakabubuhay na sahod at karapatan.

Ngunit taktikal ang pelikulang may naratibong tumatawid mula “fiction” patungo sa “fact”. Ika nga, “There is Truth in Fiction” at “Truth is stranger than fiction”, at pinatunayan ito ni Novie Francisco sa kanyang pelikulang Ang Istorya ng Pagkawala na pinagbidahan nina Mizael Tilos at Chin Chin Jongko kasama ang batikang artista at prodyuser na si Rolando na madalas sa pagganap sa mga pelikulang tumatalakay sa inhustisya at kabayanihan.

Ang Istorya ng Pagkawala ay istorya ng paghahanap, pagkawala, pang-aapi at kahayupan ng nasa kapangyarihan at naghahari-harian. Sa punto-de-bista ng kritiko, ang naratibo ay nakasentro sa lupa — mula sa paghahanap sa nawawala na ang kabuhayan ay nakabatay sa lupang sa kanilang hanay ay inagaw, pagkawala sa mismong lupa kung saan nagsimula ang tagpo ng pagharaya sa nawawala at misteryosong diwata, pang-aapi at inhustisya ng naghahari-harian at kasapakat nitong mga nasa kapangyarihan para sa pagdepensa sa lupa nilang kinakamkam— kung kaya’t diin pa, sa antas pang-akademiko, ito ay lupa ng pulitika at lupa ng panatikan. At ito marahil ang magkakahiwalay na sugnay na nagluwal ng nagkakaisang balangkas sa naratibo ng pelikula.

 

Fiction patungong fact

Hindi man gaanong smooth ang transisyon mula fiction patungong fact dahil sa kakulungan ng diin sa naratibo at akawnt hinggil sa sinapit ng mga nawawalang magsasaka, nabigyang katarungan naman ng pagdalumat ng mga karakter sa internal at external nilang hinagpis. Internal, dahil ito ay lumbay sa mga nawawala. External, dahil ito ay lumbay mula panloob na naikawing palabas dahil sa istorya ng paghahanap. Ang kahinaang ito ay naisalba ng kalakasan ng karakter ni Inocencio bilang si Ka-Sakay, marahil dahil na rin sa nailatag niyang karakter at awra bilang taga-lokal at bilang isang magsasaka, liban pa sa kaniyang maangas na screen presence na humahatak ng atensyon sa tagpong umiinog sa kaniya. Ang matiyaga at matagal na paghahanap at paghihintay sa nawawala, lalo na ni Ka-Sakay (Randy Inconcencio), ay sumimbolo at nagpapakita rin sa tiyaga ng isang magsasaka sa paghihintay ng pagsibol ng kaniyang punla sa lupang sa kaniya ay pilit na inaagaw. Yun nga lang, mas magiging makatwiran ito kung sana’y nagkaraon ng mas masining na tuon sa pagkukwento sa parte ng journey ng paghahanap, para mas lubos na naitawid ang fiction patungong fact.

 

Kontradiksyon at tunggalian

Hindi ikinubli ng direktor at manunulat ng dulang pampelikula o screenplay ang lipos na kontradiksyon sa pagitan ng naghaharing uri at aping-uri. Sa kagyat, matapos tumawid ang fiction patungong fact, ay lumabas ang antagonistikong kontradiksyon sa pagitan ng panginoong maylupa at mga magsasaka ng Hacienda Concepcion. Nagpicket ang mga magsasaka, nag-unyon, pinalakas ang kanilang hanay, nangalampag at nagwelga. Maikli man ang tagpo, naipakita naman sa pelikula na hindi sa burges na burukrasya ng estado tunay na naipapanalo ang laban ng mga aping-uri, kundi sa mga welga at picket; na ang karapatan ay militanteng ipinaglalaban at hindi ipinagmamakaawa.

Sa maka-uring kontradiksyong ito, hindi tumambad ang punto-de-bistang burges na kadalasan ay arketipo ng naratibo sa mainstream film: pagpapadala sa takot, pagdadalawang loob, pananahimik sa mukha ng kalupitan, at pananalamlay sa halip na militansyang paglaban. Bagkus, naigpawan ito kahit sa maikling paglalahad lamang sa pelikula. Ngunit mas magiging kalakasan sana ito kung nagkaroon ng mas masusing paglalahad ukol dito.

 

Sawidpalad at kamao

Sa loob ng labinlimang minuto ng paghahanap sa nawawala, nailarawan ang sawimpalad na kalagayan ng mga magsasaka hindi lamang sa panahon ng anihan, kundi sa lipunang mala-pyudal. Ngunit diin sa pelikula, sa isang masining na pamamaraan o pagtula sa pagtatapos, ang sawimdpalad ay titiklop at magiging isang kamao na sa himpapawid ay sasaludo hindi upang sumuko, kundi magpunyaging lumaban hanggang sa ganap na paglaya.

Maaaring ang inaasahan o ekpektasyon ng mga manunuod, lalo na ng mga nanatili sa tore ng babel o yaong mga hindi lubog sa batayang masa, ay matatagpuan pa sa dulo ang mga nawawala. Ngunit hindi ito nangyari sa masterpiece ni Francsico, dahil sa realidad, kadalasan, ang mga nawawala sa hanay ng aping-mamamayan ay hindi na nakikita pang muli — sa malaon at madali sila’y biktima ng enforced disappreance o desaparecidos. Ito ang realidad. At ito marahil ang kalakasan ng pelikula na mula fiction patungong fact.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here