I.

Nakita ko,

nang umulan kangina’y hindi puting likido

ang ibinagsak ng langit na kulay abo

kundi dugo, mapula-maitim-malapot na dugo

na sa kilabot at hindik ay puno;

 

II.

at nakita ko na nang bumagsak ito

sa ibabaw ng mga bubungang yari

sa tagpi-tagping lata, lona at yero

-na pinatungan ng pabigat na lumang

gomang gulong ng kotse at motorsiklo-

ay himalang hindi namantsahan ni isang talsik

ang makikinang, magagarbo at de-erkondisyon

na bahay at mansiyon ng kilalang propitaryo

sa lungsod na dati’y moog na bakal ng Huk;

 

III.

at nakita kong pagkabagsak ng mga butil

sa lupang buwan nang hindi nadadampian ng tubig-ulan

ay dagling sinipsip ng aspaltado’t sementadong

sahig ng patak at agos na waring may lihim itong nais ikubli

sa mata, pandama, pang-amoy at dalumat ng madla;

 

IV.

at nakita kong umapaw ang mga kanal ng eskolta’t abenida

-mula Dungon, Molave, hanggang Nara-

bumaha nang sukat tatlong talampakan ang lalim

naglutangan ang mga ipis at daga na waring sa mga mangingisdang

palutang-lutang sa bahagi ng karagatang ipinangalan kay Recto

matapos salpukin ng higit na malaki, higit na matigas,

at higit na malakas na barko ng mandaragit na Tsino;

 

V.

at nakita kong kahit umuulan ay nagsisiliparan

ang pulutong ng mga balisa’t aburidong langaylangayan

na sa dami’y waring tinabingan ng itim na seda

ang langit na maaliwalas at payapa kanina,

paano ba naman kasi’y pagkatapos na pagkatapos gunitain

ang Araw ng Huwad na Kalayaa’y ginapas

ng mga nakamotor na sicario at kimera

ang buhay nina Bagasala at Hubilla;

 

 

VI.

ngunit nakita ko ring sumilip ang anghel

mula sa likod ng bundok ng mga ulap,

bahagyang itinitig nito ang mata sa ibaba

at nagliyab ang mga parang at lambak

na waring dinampian ng kumukulong langis at asupre;

 

VII.

nakita ring ang usok na mula rito’y sumanib sa katawan

ng mga magsasaka at mangagawa, at maralitang-lungsod

nagkaroon sila ng pambihirang lakas na gaya kay Samson

at kamulatang gaya kay Solomon

at magkakapit-bisig nilang dinaluhong ang bigwas-bangis ng ulan

na waring sa dakilang arko ni Noah noong umpisa ng panahon;

 

VIII.

at huli kong nakita ang anghel na nakaapak sa lupa-

basang-basa at putikan, at animo’y isinilang sa sinapupunan

ng daigdig na hindi panatag sapagkat ginawang dambuhalang

piitan at libingan;

 

IX.

paglao’y nabalitaan kong nabahala ang Haring mahilig magmura

at lumiliit ang pagkalalaki kaya’t umiinom ng viagra,

siya ang Haring dumadamba sa Tsina’t Amerika

na sa lupit kumamal at lumamutak ay waring ini-apo

ng Babilonya ni Nebukadnesar,

ang Haring walang ibang usal ang bibig

kundi ang kadakilaan ng kanyang Batas Militar;

 

X.

at ako si Juan Kristo

ang nakakakita ng mga signos na ito

nakita ko,

nang umulan kangina’y hindi puting likido

ang ibinagsak ng langit na kulay abo

kundi dugo, mapula-maitim-malapot na dugo

na sa kilabot at hindik ay puno;

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here