Malaking kahirapan para kay Boni Guarana, 56, ang kawalan ng permanenteng terminal para sa Hippodromo Tricycle Operators and Drivers Association (HITODA). Sa kabila ng halos apat na dekada ng pamamasada sa paligid ng Philippine National Railways (PNR) at Polytechnic University of the Philippines (PUP), ngayon ay wala pa rin silang matatawag na ligtas na hintayan at babaan ng pasahero.

Noong Hunyo 16, tuluyan nang pinaalis ang HITODA sa kanilang terminal sa PNR upang bigyang daan ang isasagawang North South Commuter Railway Project (NSCRP), isa sa mga flagship project ng Build Build Build program na sinimulan pa noong administrasyong Duterte.

Bahagi sa apektado ng proyekto ang kabuhayan ng higit 132 tricycle driver na umaasa sa araw-araw na pasada para itaguyod ang kanilang pamilya.

“1999 naman ako nagsimula pumasada sa HITODA,” pagbabahagi ni Guarana na siya ring kasalukuyang tumatayong ingat-yaman ng samahan.

Dekadang serbisyo ng HITODA

Ayon sa HITODA, matagal na silang nakapwesto sa paligid ng PNR at PUP simula pa noong dekada 1980.

Sa kabuoan, may tatlong pansamantalang terminal ang HITODA: sa PUP Mabini Campus, PUP College of Engineering, at sa Pureza. Taong 2012 ay inalis na ang kanilang terminal sa PUP Hasmin Building matapos gawing one-way ang bahagi ng nasabing ruta.

“Simula taong 2000, 132 na ang unit namin sa HITODA. Hindi na kami nadagdagan kasi pinagbawalan na kami ng chairman dahil mag-oovercrowd dito sa erya,” dagdag ni Guarana.

Kinikilala ng mga tricycle driver ang kalagayan ng mga rutang kanilang tinatahak sa HITODA. Ayon kay Guarana, bagamat sadyang makitid ang mga kalsada, kinakailangan pa rin nilang pumasada upang may maipangtustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Butaw, utang, pananakot

Nagsimula ang paniningil ng butaw sa HITODA ng P512 kada unit noong 2021 bilang kapalit ng paggamit sa espasyong sakop ng PNR, tatlong taon bago simulan ang konstruksyon ng unang bahagi ng NSCRP.

“Nagbutaw kami kasi aalisin kami sa PNR dahil gagamitin na raw kasi. Napagkasunduan naman ng presidente namin kung pwede magbigay nalang kami ng upa ron sa laki ng sasakupan nung terminal namin,” pagbabahagi ni Guarana.

Aniya, apat na buwan lamang sila nakapagbayad ng buwanang upa na aabot sa P100,000 o P25,000 kada buwan. Mahirap aniyang bunuin ang halagang ito lalo na sa panahon ng pandemya kung saan marami sa kanilang drayber ay halos walang kita dahil sa mga ipinatupad na restriksyon.

“Nung pandemic, kahit kami, lahat nakaasa sa ayuda. Ipinapatupad din noon yung pag-quarantine. Mahirap kasi nakakalimang biyahe lang kami sa isang araw. Sagad na iyon habang P30 lang ang singil namin sa pasahero,” ani Guarana.

Matapos ang pandemya, hindi na pinahintulutan ang HITODA na mag-renew ng kanilang permit sa PNR. Gayumpaman, nagpatuloy pa rin ang kanilang operasyon sa dating terminal.

Noong Disyembre 2024, muling inabisuhan ng pamunuan ng PNR ang HITODA para lisanin na ang kanilang ginagawang terminal sa lugar. Ayon kay Guarana, Hunyo 5 nang huling nag-usap ang kanilang pangulo at kinatawan ng PNR kaugnay sa planong pagbabakod sa nasabing espasyo sa darating na Hunyo 16.

Sa isinagawang pulong, muling binanggit ng pamunuan ng PNR ang kanilang hindi tuloy-tuloy na pagbayad sa upa ng kanilang terminal mula noong pandemya. Aniya, aabot ito sa higit-kumulang P1.5 milyon. Ngunit para kay Guarana, hindi malinaw kung paano nabuo ang ganitong kalaking singil.

“Parang panakot lang talaga yung P1.5 milyon. Kasi nung kinausap sila ng presidente namin, sabi naman ng PNR na hindi rin naman daw talaga iyon sisingilin,” ani Guarana.

Aniya, ang tanging malinaw ay ang tahasang pagpapaalis sa kanilang kabuhayan upang bigyang-daan ang konstruksyon ng NSCRP.

Walang papel na mga kasunduan

Sa kabila ng pagpapaalis sa kanilang terminal sa PNR, nagkaroon naman ng pag-uusap ang pamunuan ng HITODA sa Barangay 630. Ayon kay Guarana, nagkausap ang kanilang pangulo at ang barangay chairman noong Hunyo 30 kung saan napagkasunduan ang pansamantalang terminal sa bahagi ng Anonas Street cor. Teresa Street, malapit sa unang gate ng PUP Gymnasium.

Nilinaw ni Guarana na verbal lamang ang pahintulot na ito at hanggang ngayon ay wala pa ring ibinibigay na opisyal na barangay resolution.

“Pinayagan kaming pumwesto basta malinis lang yung pila at hindi abala sa bababaan. Pero hanggang salita lang, walang dokumento,” aniya.

Dumaragdag din sa hirap ang kasalukuyang kondisyon ng panahon, lalo na para sa mga komyuter partikular ang mga estudyante at mga residente sa mga komunidad sa paligid ng PUP na araw-araw dumaraan sa lugar.

“Wala talagang masisilungan. Sa loob ng tricyle lang kami nakaupo kahit bumubuhos ang ulan. Talsikan pa, kaya lakasan nalang ng resistensya,” ani Guarana.

Samantala, sinubukan din ng HITODA na humingi ng barangay resolution mula sa Barangay 628 para naman sa pansamantalang terminal nila sa bahagi ng PUP College of Engineering (CEA) noong Marso. Ngunit kahit dumaan na ang halalan, wala pa ring malinaw na tugon o dokumento mula sa barangay.

Bunsod ng kawalan ng maayos na terminal, nangangamba rin ang mga tricycle driver dahil sa operasyon ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nagpapaalis sa kanilang mga pansamantalang terminal.

“Kapag nag-operate ang MTPB, hahanapan ka ng permit. Kapag wala kang maipakita, huhulihin ka. May permit naman kami, pero dahil walang tiyak na terminal at barangay resolution, nagkakaroon pa rin ng pangamba ang iba sa amin dahil sa hulihan” ani Guarana.

Patuloy sa pasada

Sa kabila ng mga dinaranas na hamon ng mga tricycle driver sa HITODA, panata ni Guarana ang patuloy na pamamasada.

Aniya, umaabot sa P500 hanggang P700 ang malinis na kita sa mga araw na maraming estudyante o pasahero. Ngunit sa mga araw na walang pasok, malaki ang ibinababa ng kanilang kita, labas pa rito ang gastusin sa gasolina at pagkain.

“Kapag may hulihan, takbuhan na lang. Yung iba walang lisensya, walang rehistro. Pero kahit ganoon, lumalaban pa rin kami. Kailangan e, nagpapaaral kami ng mga anak, may kailangang mga bayarin,” dagdag ni Guarana.

Sa huli, muling nanawagan ang HITODA sa mga kinauukulan, partikular sa pamunuan ng PUP, mga barangay, hanggang sa Manila LGU, na bigyan sila ng maayos, ligtas, at permanenteng espasyo para sa terminal upang makapaghanapbuhay nang disente at walang pangamba sa panghuhuli o pagpapaalis.

“Kung sakaling bibigyan kami ng espasyo, hindi na kami mangangamba sa mga clearing operations. Kasi kahit may clearing diyan ang MTPB at MMDA, umaalis talaga kami. Pero bumabalik kami kasi kailangan naming kumita,” pagtatapos ni Guarana.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here