Malinaw para sa mga kaanak at sumusuporta kay Juan Alexander Reyes o mas kilalang Bob na siya ay walang kasalanan at biktima ng impunidad at panunupil ng nagdaang administrasyong Duterte.

“Ngayon lang uli magbubukas ang hearing sa court. Hoping tayo na madismiss kagaya ng iba pang kaso na ifinile sa akin,” ani Bob Reyes.

Ngayong araw sana ang nakatakdang hearing kay Bob sa kasong illegal possession of explosives sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 226 ngunit naudlot ito sa Nobyembre 28 dahil may sakit ng hukom. Isa lamang ang nasabing kaso sa higit 13 na kasong isinampa laban kay Bob kaugnay ng umano’y mga insidente sa Agusan del Sur.

Ayon kay Virginia Reyes, ina ni Bob, hindi pa kailanman nakarating si Bob sa Agusan del Sur.

“Ito po ay alam naming gawa-gawa lamang. Kung sino man po ang mga taong humaharass sa anak ko, sana itigil na nila ito. Naghihirap siya, tulad ko na nanghihina ako, tuwing nakikita ko siya ay parang nanghihina ako kasi sa sarili ko ay alam kong ang anak ko ay wala siyang kasalanan,” pagbabahagi ni Virginia.

“Kilala ko ang anak ko. Masama ba yung ipagtanggol mo ang nangangailangan ng tulong tulad ng mga nawalan ng trabaho? Iyon lang naman ang naging panawagan niya sa gobyerno para ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa,” dagdag pa niya.

Si Bob, 54 taong gulang, ay convener ng Defend Jobs Philippines at coordinator ng Sandigan ng Manggagawa sa Quezon City kung saan siya nag-oorganisa ng mga manggagawa sa kanilang pakikibaka laban sa kontraktwalisasyon at paghingi ng kumpensasyon at makatwirang sahod. Tinulungan din niya ang mga iligal na tinanggal na manggagawa ng Pearl Islands Corporation sa Quezon City.

Siya ay inaresto noong Hunyo 2, 2018 habang pauwi mula sa isang pulong kasama ang mga manggagawa sa Quezon City. Siya ay puwersahang isinakay sa isang puting sports utility vehicle bago posasan at takpan ang mata gamit ang bonnet. Kasabay nito ang nangyaring pagtatanim sa kanyang maliit na pouch ng isang baril at detonation cord. Ang kanyang kasama ay pinalaya sa daan matapos sabihin ng mga dumukot na hindi ito ang kanilang pakay. Halos 12 oras ang inabot bago natukoy na siya ay dinala sa detention area ng Criminal Investigation and Detection Group sa Camp Crame kung saan doon lamang ipinakita sa kanya ang isang warrant of arrest.

Aabot sa 802 ang bilang ng mga bilanggong pulitikal bago matapos ang termino ni Rodrigo Duterte. Ayon sa Karapatan National Capital Region, karamihan sa mga bilanggong pulitikal ay mula sa hanay ng mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, at mga aktibista.

Sa kasalukuyan ay humaharap sa matinding panguusig si Duterte sa House of Representatives quad committee hearing kaugnay ng kanyang kontrobersyal na drug war. Aabot sa 30,000 ang naging biktima ng extrajudicial killings dulot ng madugong kampanyang ito.

“Si Duterte ay sobrang mahigpit at malupit. Lahat ng mga walang kasalanan ay ginagawan niya ng gawa-gawang kaso para lamang makaganti. Sana maging ang mga biktima ng panunupil at represyon tulad ng sa anak ko ay bigyan ng hustisya at palayain na,” dagdag ni Virginia.

Free Bob Reyes

Kinundena naman ng DJP at Free Our Unionist NCR ang nagpapatuloy na panggigipit at pagkakakulong ni Bob.

Ayon sa kanilang inilabas na pahayag, ang patuloy na pagkakakulong ni Bob ay hindi lamang usapin ng pagkait sa kanyang kalayaan kundi isa ring malinaw na mensahe ng panunupil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Dagdag pa nila, may obligasyon ang kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. hinggil sa proteksyon at pagtugon sa panawagan ng mga manggagawa.

“Ang gobyerno, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay may obligasyon na protektahan ang mga karapatan ng mga manggagawa at itaguyod ang kanilang kalayaan na mag-organisa at maglunsad ng kampanya para sa makatarungang sahod at mga kondisyon sa trabaho. Subalit, ang patuloy na panggigipit sa kilusang paggawa, kabilang na ang pag-aresto at pagkakakulong kay Bob Reyes, ay nagpapakita ng isang sistematikong pagbigo na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino kumpara sa mga interes ng makapangyarihang mga korporasyon at pulitiko,” saad sa nasabing pahayag.

Tulad ni Bob, si Rodrigo Esparago na kapwa convener ng DJP at coordinator ng SMQC ay humaharap sa matinding represyon. Si Esparago ay kabilang sa mga inaresto sa kasong illegal possession of firearms and explosives kasama ang journalist na si Lady Ann Salem at apat na lider manggagawa na sina Dennis Velasco, Mark Ryan Cruz, Jaymie Gregorio, Romina Astudillo, at Joel Demate noong Disyembre 2020 na tinaguriang Human Rights Day 7.

Ngayong taon, humarap si Esparago kasama si Ed Cubelo na isa ring lider manggagawa ng Toyota Motors Philippines Corporation Workers Association at Kilusang Mayo Uno National Capital Region (KMU NCR) at higit 26 pang indibidwal ng akusasyon sa ilalim ng Anti-Terrorism Act 2020 sa Malolos RTC. Setyembre ngayong taon nang ito rin ay ipiawalang bisa ng nasabing korte.

Sa kabilang banda, nagpapatuloy pa rin ang panggigipit ng Office of the Solicitor General na nag-aapela sa Korte Suprema para muling buksan ang kaso nina Esparago at Salem kaugnay ng nauna nang ibinasurang illegal possession of firearms and explosives sa Mandaluyong RTC.

Nanawagan naman ang DJP sa International Labour Organization (ILO) na agarang kumilos bunsod ng nagpapatuloy na panunupil sa mga manggagawa at lider manggagawa.

“Kami ay nananawagan sa Mahalaga ang papel ng ILO sa pagmamanman at pagpaprotekta sa mga karapatan ng mga manggagawa, lalo na sa isang bansa kung saan ang gobyerno ay nabigo na tiyakin ang paggalang sa mga karapatang ito. Kami ay nananawagan sa ILO na ipagpatuloy ang mga naunang rekomendasyon nito, na pinapalakas ang pangangailangan para sa Pilipinas na sumunod sa mga internasyonal na pamantayan ng paggawa at protektahan ang mga pangunahing kalayaan ng mga manggagawa at mga tagapagtanggol ng kanilang mga karapatan,” paglalahad sa kanilang pahayag.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here