Nagbunyi ang mga kaanak ng biktima ng madugong giyera kontra-droga kasama ang iba’t ibang progresibong grupo bunsod ng pagkaaaresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) sa batayan ng crimes against humanity.
Kasama ang iba’t ibang sektoral na pormasyon, nagtipon ang mga grupo sa paligid ng Welcome Rotonda upang magsagawa ng programa. Sa pagsapit ng gabi, isinagawa naman ang candle-lighting vigil kasabay ng malakas na sigaw ng “Panagutin si Duterte! Ikulong si Duterte!”

Halos walong taon ang tuloy-tuloy na isinagawang mga pagkilos at panawagan para sa hustisya ng mga pamilya ng biktima ng kampanya kontra-droga ni Duterte.
Mismong kapulisan mula sa Philippine National Police (PNP) ang nagkumpirma sa 7,640 na napaslang sa mga operasyon ng drug war campaign ng dating administrasyong Duterte. Ayon sa mga grupo ng karapatang, lalampas pa sa 30,000 ang bilang ng biktima at pinaslang ng nasabing madugong kampanya kontra-droga. Ayon din sa ulat ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC), isa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalalang extrajudicial killings kaugnay ng mga operasyong kontra-droga.
Duterte ikulong!
Ayon kay ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti, nararapat lang ang kasong crimes against humanity laban kay Duterte dahil siya ang responsable sa libo-libong pinaslang, inakusahan ng gawa-gawang kaso, drug-tagging, at iba pang mga paglabag sa karapatang pantao.
Aniya, ang mga naging pagpaslang sa mga biktima ay hindi lamang simpleng ‘murder’ dahil sa batayang naging kampanya ito mismo ni Duterte mula pa nang siya ang maluklok na mayor sa Davao City hanggang sa maupo siya sa pwesto bilang presidente noong 2016.
Ang kampanyang kontra-droga ni Duterte na kilalang ‘Oplan Tokhang’ ay naging tampok noong 2016 kasabay ng kanyang pag-upo bilang pangulo. Sa implementasyon ng nasabing kampanya, maraming kaso ng ekstahudisyal na pamamaslang ang naiulat, kabilang ang mga kabataan tulad nina Kian delos Santos, Carl Arnaiz, Reynaldo de Guzman at iba pa.
Tinukoy rin ng Commission on Human Rights ang pagiging bokal ni Duterte sa pagsuporta partikular sa mga death squads at nagkaroon pa ng mga opisyal at di-opisyal na reward system sa hanay ng kapulisan.
“This may be a victory, but the fight is far from over. Duterte’s conspirators are still at large,” pahayag naman ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).
Saad ni Atty. Conti, dapat ding isama sa kaso si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, Col. Lito Patay, dating PNP chief director general Oscar Albayalde, at iba pang naging kasabwat ni Duterte sa kanyang madugong giyera kontra-droga.
“Ang hakbang na ito ng International Criminal Court (ICC) ang katunayan na makatwiran ang pagpapahayag na mapanagot si Duterte at ang mga kasabwat niya sa pagpapatupad ng war on drugs. Umaasa tayo na magpapatuloy ang proseso ng pagpapanagot kay Duterte,” pahayag naman ng Rise Up, isang grupo ng mga pamilya ng biktima ng drug war.
Ayon naman sa grupong Karapatan, dapat ding managot si Duterte sa mga biktima ng EJK hindi lamang sa mga biktima ng drug war kundi maging sa mga aktibista at rebolusyonaryo.
Anila, parehong anti-mamamayan ang mga naging paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas ang nga kampanyang giyera kontra-droga at kontra-insurhensiya ng dating administrasyong Duterte.
Sa tala ng Karapatan sa ilalim ng anim na taong panunungkulan ni Duterte, aabot sa 466 ang mga naging biktima ng EJK, 1,161 kaso ng iligal na pag-aresto at detensyon, 427 kaso ng tortyur, 496,512 biktima ng sapilitang paglikas, 84 kaso ng sapilitang pagkawala, at marami pang iba.
Noong Oktubre 2024, naibunyag din sa mga pagdinig ng Quad Committee (QuadComm) ng House of Representatives na hindi lamang ang mga pagpaslang at paglabag sa karapatang pantao na may kaugnayan sa kampanyang giyera kontra-droga kundi pati na rin sa kontra-insurhensiya. Lumabas sa mga pagdinig na may direktang utos mula sa mas mataas na antas ng pamahalaan para sa mga operasyong nagresulta sa libo-libong pagpaslang.
Hinamon naman ng mga grupo ang administrasyong Marcos Jr. na maging sinsero sa kooperasyon para panagutin si Duterte sa ICC at kamtin ang hustisya sa lahat ng biktima ng mga naging paglabag sa karapatang pantao.