Kamakailan lang ay iniulat na hahabol para sa pagka-Presidente ang anak ng yumaong diktador na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa eleksyon sa 2022. Halos 32-taon na nang pumanaw ang diktador, ngunit ‘di kailanman nawala ang bangungot na dinulot ng kanyang pamumuno. Ngayong sinusubukang bumalik ng kaniyang anak sa dati niyang pwesto o ibalik ang kapangyarihan sa kanilang pamilya, maaaring bumangon na naman mula sa hukay ang diktadurya.

Wala pang isang buwan nang huling gunitain ang anibersaryo ng pagdedeklara ng Batas Militar noong ika-21 ng Setyembre. Gayunpaman tila wala ni katiting na hiya o pagsisisi si Bongbong nang tanungin ukol sa nakalipas na rehimen ng ama, “I can only apologize for myself, and I am willing to do that if I have done something wrong and if that neglect or that wrongdoing has been damaging to somebody” (Maaari lang akong humingi ng tawad para sa sarili ko, at malugod ko ‘yong gagawin kung may nagawa akong mali at kung ang pagpapabaya at mali na yon ay nakapinsala sa iba), wika niya.

Talaga namang hindi dapat maging kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama, subalit hindi naman siya inosente sa mga pangyayari noon at nanungkulan pa sa iba’t ibang pwesto sa pamamahala ng kanyang ama, isang malalang larawan ng nepotismo ang kanilang pamilya sa panahong may absolutong kapangyarihan ang kanyang ama. Kasama rin siya sa mga tumamasa ng karangyaan sa kanilang pagnanakaw sa kaban ng bayan. At sa lahat ng ito, walang inaamin o inaako ng kanilang pamilya ang mga pangungurakot at pagpatay na naganap sa rehimeng Marcos bagaman makailang-ulit nang nahatulang maysala kaugnay nito ang mga puno ng diktadurya.

Nang lumabas ang dating Senador sa ToniTalks ng aktres na si Toni Gonzaga, pininta niya ang ama bilang isang mabuting padre de pamilya na nais lamang tumulong sa mga tao. Ang panayam ay tinituluhan pa ngang “The Greatest Lesson Bongbong Marcos Learned From His Father”.

Umani ito ng matinding batikos sa social media, lalo na sa Twitter. Marami ang kumundena kay Toni dahil sa kaniyang pagbibigay ng plataporma sa mga Marcos upang subuking linisin ang kanilang pangalan at burahin ang mga karahasan at paghihirap na natamasa ng bayan noong Batas Militar. Inimbitahan pa nga ng Ateneo Martial Law Museum ang aktres para kuhanan ng panayam ang mga biktima ng Batas Militar.

Hindi ito ang unang pagkakataong tinangka ng mga Marcos na baguhin ang tala sa madilim na kasaysayan ng kanilang pamumuno at pagpapakasasa sa kapangyarihan at yaman ng bansa. Lalo lamang silang nagkalakas ng loob ngayong malapit sila sa kampo ng kasalukuyang administrasyon. Kung aalalahanin, nagkaroon ng haka-haka na si Bongbong daw ang nagpondo sa kampanya ni Rodrigo Duterte noong 2016.

Sa ilalim ni Duterte, matagumpay nilang napalibing si Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani kahit na marami ang tutol dito. Sa administrasyong Duterte rin nabigyan ng special treatment si Imelda Marcos na hindi makulong, hindi man lang maposasan, kahit pa napatunayan siyang may-sala sa patong-patong na kaso ng graft. Ano pa kaya ang mangyayari kung ang batang Marcos ang mahalal sa pinakamataas na pwesto sa Pilipinas?

Ating pakatandaan ang 70,000 na pinakulong, 34,000 na pinahirapanat 11,000 na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Marcos. Hindi lamang sila mga numero o istatistika, sila’y mga tao na nakaranas ng paghihirap at pilitang binawian ng buhay dahil lamang sa “‘di pagsunod.”

Nabaon na sa libingan ang labi ni Marcos, ngunit maaaring magbalik ang bangungot na dulot ng kaniyang pamamahala kung hahayaan na lamang natin bumalik sa puwesto ang kaniyang pamilya.

Huwag na nating hintaying madagdagan nang madagdagan ang mga bilang ng biktima ng mga Marcos, at huwag din nating hayaang magpatuloy ang bilang ng mga pinapaslang na diumano’y “nanlaban.”

Huwag na sana nating ulitin ang pamumuno ng isa pang Marcos, o kahit isa pang pasistang Duterte.

Sa darating na eleksyon, bumoto tayo ayon laban sa pasismo, para sa hustisya, karapatang-pantao, tunay na serbisyo at pagmamalasakit sa bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here