Sa kahabaan ng St. Mary Avenue sa Provident Village, nakabalot sa mga puno ng Narra at Balete ang mga telang may panawagang: “Save me! Say no to tree-cutting!”

Para sa mga residente ng subdivision na sinalanta ng pinakamatinding baha sa kasagsagan ng Bagyong Ondoy at Ulysses, ang natural canopy at ugat ng mga punong ito ang huling buhay na panangga laban sa pag-apaw ng Marikina River.
Subalit sa ilalim ng Metro Manila Bridges Project (MMBP) ng Department of Public Works and Highways, puputulin ang mahigit 500 puno sa lugar upang itayo ang tulay na magbubuhos ng mga sasakyan mula Marcos Highway diretso sa loob ng kanilang komunidad.
Sa isang pamayanang dati nang nalubog sa pagbaha, pinangangambahan ng mga residente ang epekto sa kanilang kaligtasan ng naturang tulay na bahagi ng ₱8.5-bilyong proyektong pinondohan ng pautang mula sa Asian Development Bank (ADB).
Save the trees, Stop the bridge
Nangunguna sa barikada at pagtutol ang koalisyong Marikina Kontra Agos (MKA) sa ilalim ng panawagang “Save the Trees, Stop the Bridge!”


Unang lumabas sa Provident Village ang kanilang panawagan nang maimbitahan silang magsalita sa “PA-X-PLAIN: A Forum on Pax Silica” sa inisiyatiba ng Silangan Against Pax Silica noong, Oktubre 17 upang mas magpalalim sa malawak na ugnayan at banta ng Pax Silica at Luzon Economic Corridor sa lupa, kalikasan, kabuhayan, at pambansang soberanya.
Para kay Carlo Maningat ng MKA, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagbahagi ang grupo sa labas ng sariling subdivision upang ilantad ang banta ng proyekto.
”Mawawala ang canopy cover sa tinatayang 17 ektarang lupain kung puputulin ang mahigit 1,000 puno sa Marikina na magpapalala sa init sa lungsod at bulnerabilidad natin sa baha.”
Ilan sa mga ito ay daan-taon na ang tanda (century-old) at itinuturing nang national heritage na hindi na makaliligtas sa earth-balling, dahilan upang igiit ng grupo ang interbensyon ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) upang protektahan ang mga ito laban sa pagputol.
Bukod sa mga puno, higit 70 kabahayan sa Marikina ang nakatakdang ma-demolish.
Sa Provident Village, inireklamo ng mga apektadong residente ang isyu ng illegal taking at kabayaran: tanging ang mismong parte lamang ng ari-arian na gigibain ang babayaran ng gobyerno, habang iiwanang nakatiwangwang at hindi na mapakikinabangan ang natitirang bahagi ng kanilang tahanan.
Kinuwestiyon din sa presentasyon ang ligalidad ng pagpapatupad ng pampublikong proyekto sa pribadong lupain nang walang kaukulang deed of donation, certificate of acceptance, o resolusyon mula sa konseho ng lungsod na nagpapatibay sa donasyon ng lupa ng Provident sa Marikina LGU, batay na rin sa legal precedent ng Korte Suprema sa kasong Quezon City Government vs. Rainier L. Madrid.
Tatlong tulay, isang floodplain
Hindi lamang isa, kundi tatlong tulay ang plano ng DPWH at ADB.
Ang Bridge 1, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1.69 bilyon, ang pinaka-kontrobersyal dahil direktang magbubuhos ito ng trapiko mula SM Marikina sa Marcos Highway papasok sa St. Mary Avenue.
Kasunod nito ang Bridge 2, na mag-uugnay sa Homeowners Drive at A. Bonifacio Avenue. Tumatagos ang linyang ito sa mga barangay ng Calumpang, Tañong, at Jesus dela Peña.
Sa hilaga naman, itatayo ang Bridge 3 na tatawid mula Kalayaan at Kabayani Street sa Nangka (Balubad) patungong Matandang Balara at Capitol Hills sa Quezon City.
Ayon sa breakdown ng MKA, aabot sa eksaktong 1,069 puno ang nakalinyang putulin sa pitong barangay: 514 sa Bridge 1; 232 sa Bridge 2; at 350 sa Bridge 3.
Ang kontrata para sa civil works ng mga naturang tawiran ay naigawad sa mga kumpanyang mula sa Tsina, kabilang ang Hunan Road and Bridge Construction Group Co., Ltd.
Batay sa datos ng pagpopondo para sa Metro Manila Bridges Project, umaabot sa kabuuang ₱12.028 bilyon ang inilaang pondo para sa proyekto. Sa nasabing halaga, ₱8.5 bilyon ang magmumula sa pautang ng ADB, habang ₱3.52 bilyon naman ang magiging counterpart fund ng gobyerno ng Pilipinas. Nasa ₱3.36 bilyon pa lang ang kabuuang pondong nailabas para sa mga taong 2025 at 2026 upang pondohan ang implementasyon ng proyekto.
Nagsimula ang mobilization at pre-construction activities noong 2024, habang nakatakdang tapusin ang konstruksyon ng Bridge 1 at Bridge 2 sa Setyembre 2027. Target namang makumpleto ang kabuuang proyekto, kabilang ang Bridge 3, pagsapit ng 2028 bago sumapit ang loan closing date.
Ayon sa mga residente at grupo, hindi lulutasin ng tatlong tulay ang problema sa trapiko. Sa halip, magdudulot lamang ito ng induced demand, kung saan ang bilis at dami ng sasakyan mula sa malalaking highway ay ibubuhos sa masisikip na kalsada ng komunidad, habang inililipat lamang ang buhol ng trapiko patungo sa Marikina Bayan.
Sino ang may utang, sino ang kikita?
Pinondohan ang dambuhalang infrastructure package na ito sa pamamagitan ng sovereign loan mula sa ADB) na nagkakahalaga ng higit ₱8.5 bilyon. Isang matagalang pampublikong pasanin ito na may sovereign guarantee, kung saan ang taumbayan ang magbabayad ng amortisasyon hanggang sa taong 2049.
Hindi na bago ang ADB sa pagtutulak ng mga dambuhalang proyektong pang-imprastraktura sa bansa. Sila ay “major players” sa mga mega-project gaya ng North-South Commuter Railway (NSCR), Laguna Lakeshore Road Network (LLRN), at maging ang pagsasapribado ng sektor ng kuryente sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Ang tatlong pinakamalalaking automotive powerhouse sa daigdig: ang Tsina, Estados Unidos, at Japan, ang siya ring mga pangunahing stakeholder na kumokontrol sa mahigit 37 porsiyento ng kabuuang shares sa ADB.
Para sa MKA, ang mga tulay sa Marikina ay pagpapatuloy ng parehong modelo ng pagpopondo: mga proyektong nakasandig sa dayuhang pautang at pumapabor sa car-centric transport, habang isinasantabi ang lokal na ekolohiya.
All roads lead to Pax Silica
Kung susuriin ang logistics map ng rehiyon, malinaw na hindi lamang itinayo ang tatlong tulay para sa karaniwang commuter ng Marikina.
Magsisilbi itong mga feeder at bypass link papasok sa Luzon Economic Corridor (LEC), ang malaking proyektong nag-uugnay sa Subic, Clark, Maynila, at Batangas para sa mas mabilis na kalakalan.
Kailangan ng tuloy-tuloy na ruta para sa mga aggregate, graba, at buhangin mula sa mga quarry sa Rizal patungo sa mga sentro ng produksyon, pantalan, at economic zone.
Sa ilalim ng Pax Silica, pinabibilis ang pagtatatag ng supply chain para sa semiconductors at advanced manufacturing, kung saan prayoridad ang bilis ng freight transport. Dahil dito, ang dating tahimik at mayabong na pampang ng lungsod ay mistulang ginagawang freight valve kung saan nakasalalay ang lokal na proteksyon sa baha upang mapabilis lamang ang biyahe ng mabibigat na trak ng malalaking industriya.
Lalong tumitindi ang pangamba ng komunidad sa gitna ng banta ng Super El Niño, kung saan ang pagkawala ng 17 ektaryang natural canopy ay magdudulot ng matinding heat stress at tuyot na lupa bago salubungin ang susunod na delubyo ng tag-ulan.
Upang harangin ang banta, inilatag ng MKA ang kanilang mga hakbang sa pamamagitan ng paglulunsad ng “Save Our Trees! Stop the Bridge! Network”.
Bukod sa awareness campaign, magsasagawa ang grupo ng mga signature campaign, community run, prayer rally, at paghahanda ng mga legal remedy tulad ng city council resolution at pagsasampa ng Writ of Kalikasan.
Habang papalapit ang mga dambuhalang makinarya, nananatiling nakatali ang mga piraso ng tela sa mga puno ng Provident Village bilang paalala na sa bawat sementong ibubuhos sa pampang, may kaligtasang pilit na binubura.

























