Sa pamumuno ng Ayuda Network, nagdaos ng protesta sa harap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mga mamamayang hindi nakatanggap ng ayuda sa dalawang buwang Social Amelioration Program at ang P 1,000 na ayuda para sa mga naapektuhan ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine noong Agosto.
Dala-dala nila ang ilang daang ‘ayuda forms’ at sanaysay mula sa iba’t ibang lungsod ng mga benepisaryong hindi nakakuha ng ayuda.
Kamakailan lang ay kinuwestiyon ang DSWD sa napag-alamanang 139,300 na kwalipikadong benepisaryo ang hindi nakatanggap ng ayuda, ayon sa mga tagasuri ng Commision on Audit (COA).
Anomalya sa ayuda
“Tumitindi ang korapsyon na nababandera ngayon sa ahensyang ito samantalang milyon-milyong Pilipino ang nagugutom dahil sa kawalan ng maayos na kabuhayan; sa kawalan ng mga manggagawa sa kanilang mga trabaho,” ani ni KADAMAY Secretary General Mimi Doringo tungkol sa mga isyung kinakaharap ng DSWD.
Batay sa ulat ng COA noong 2020, mahigit P780.7 milyong pondo sa SAP ang hindi nagamit na nagresulta sa hindi pagtanggap ng ayuda para sa libu-libong pamilya.
Dagdag pa rito, pinunto rin ang paggamit ng aabot sa P232.58 milyong pera na sinasabing konektado sa mga hakbang upang masugpo ang pandemya na walang sapat na batayan o dokumento. Napag-alaman din ng COA na ilan sa mga programa na pinaggamitan ng pera ay hindi nakapaloob sa pinasang plano ng mga tanggapan ng DSWD.
Kaduda-duda rin ang pagbigay ng regional office ng DWSD ng P5.32 milyon na para sa pinansyal na tulong sa mga rebeldeng sumusuko umano dahil sa walang mga dokumento para suportahan ang nasabing paggastos.
Ang programang ito ay alinsunod sa Executive Order No. 70 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018, kung saan nakasaad na ang mga sumusukong rebelde ay makakatanggap ng P10,000 hanggang P20,000. Ang nasabing kautusan ng pangulo rin ang lumikha sa kontrobersyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa napalaking pondong inilaan dito na mas nakilala sa pangre-redtag nito sa mga kritiko ng gobyerno.
“Ang nais namin ay isang lipunang makatao na kung saan may disenteng pamumuhay ang lahat ng mamamayan pero pinapakita ng rehimeng Duterte na hindi siya maka-mamamayan dahil ang mga polisiyang pinapatupad niya ay labag sa karapatang pantao,” hinaing ng isa sa mga nagprotesta sa DSWD.