Sinalubong ng military honors ni Ferdinand Marcos Jr. si US President Donald Trump sa Malacañang kaninang umaga, Nobyemre 18, para sa kanilang bilateral meeting.

​Sa kabilang banda, kilometro lang ang layo mula sa palasyo, dumagundong ang panawagan ng sambayanan sa kulminasyon ng apat na araw na protesta kontra sa Pax Silica at sa imperyalistang Estados Unidos.

larawan ni Colline Nobleza

​Taliwas sa mainit na pagtanggap sa loob ng Malacañang, dahas at harang ang sumalubong sa mga nagpoprotesta sa lansangan.

Sa kahabaan pa lang ng Recto Avenue, hinarang na ang hanay ng mga raliyista at hindi pinayagang makapagmartsa patungong Mendiola. Hinarang din ng mga pulis ang mga delegasyon ng Gitnang Luson at Timong Katagalugan na nagmantini sa kampuhan sa Liwasang Bonifacio. 

larawan ni Colline Nobleza

Hindi na napigilan ng galit na bulto ang magbulalas ng “Pax you, Trump” kasabay ng panawagang itigil ang Pax Silica at Trump Out.

‘Very good geneticsʼ

Noong Nobyembre 17, pinuri ni Trump si Marcos Jr. sa pagsasabing mayroon itong “very good genetics” sa kanyang talumpati sa hapunan para sa mga lider ng ASEAN at Estados Unidos sa Maynila. Inalala rin ni Trump ang matagal na niyang pagkakakilala sa mga magulang ni Marcos Jr. bago pa siya naging pangulo ng Estados Unidos.

Para sa mga progresibong grupo, tumatagos sa katotohanan ang papuring ito, ngunit hindi bilang karangalan, kundi bilang patunay na manang-mana si Marcos Jr. sa kanyang ama at ina bilang masugid na papet ng Estados Unidos.

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami ang pagpapatayo ni Imelda Marcos ng mga pader upang itago ang kahirapan ng mga maralita noong idinaos ang Miss Universe sa bansa noong 1974. Sa kasalukuyan, gumastos ng humigit-kumulang ₱22.9 bilyon ang administrasyong Marcos Jr. kaugnay sa 49th ASEAN Summit. Ayon sa Defend Jobs Philippines, libo-libong maliliit na manininda at manggagawa ang pinatigil sa paghahanapbuhay sa tabing ng paglilinis sa daraanan ng mga dayuhang lider. 

Sa isinagawang program sa Recto Ave., binatikos ni Bayan Secretary-General Raymond Palatino ang pag-host ni Marcos Jr. ng kauna-unahang leader-level QUAD meeting sa Pilipinas kahit hindi naman miyembro ng nasabing alyansang militar ang bansa.

Aniya, manang-mana rin si Marcos Jr. sa diktadurya ng kanyang ama sa paggamit ng makinarya ng estado at kapulisan upang supilin ang lehitimong pagkilos ng taumbayan. 

Bago pa man buksan ang ASEAN summit, tatlong kabataang estudyante na ang inaresto sa University of Makati na lumahok sa ikinasang kilos-proteta laban sa Pax Silica noong Nobyembre 13. Habang may higit 200 indibidwal ang marahas na dinampot sa malawakang pag-aresto sa Muntinlupa at Kamaynilaan noong Nobyemre 15. Dagdag pa rito ang sa marahas na pagharang, panggigipit, paniniktik at iba pang porma ng brutalidad na ipinatupad ng Philippine National Police. 

Inihalintulad naman ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) sa kalagayan noong Martial Law at pagkakaroon ng concentration camps noong World War II ang pagtrato sa mahigit 200 indibidwal na inaresto sa kasagsagan ng mga protesta kaugnay ng 49th ASEAN Summit.

“Ang pagtrato sa kanila bilang mga detinido ay hindi nalalayo sa pagtrato ni Marcos Sr. sa mga protesters noong Martial Law at pagtrato ni Hitler sa mga Hudyo noong World War II,” ani Atty. Arman Hernando ng Pro-Labor Legal Assistance Center (PLACE), isa sa mga abogadong tumayong legal counsel ng mga inaresto sa Muntinlupa.

Nanawagan ang NUPL sa agarang pagpapalaya sa lahat ng inaresto at pagpapanagot sa Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG), at administrasyong Marcos Jr. sa paghahasik ng dahas at brutalidad laban sa mga aktibista.

‘24 oras na bisita, habambuhay na pasakit’

​Wala mang 24 oras ang itinagal ng pagbisita ni Trump sa bansa, babala ng mga grupo na habambuhay namang pasanin ng sambayanang Pilipino ang epekto ng anumang hindi pantay na kasunduan o lihim na napag-usapan sa bilateral meeting nina Marcos Jr. at Trump. 

Sa kabila ng maagang pahayag nina Marcos Jr. at Trump sa harap ng media na hindi muna pipirmahan ang Pax Silica sa biyaheng ito, bigla namang ibinida ni Trump sa state luncheon sa Malacañang na nakapagkasundo na sila sa tinawag niyang “very big trade deal—the biggest trade deal we’ve ever made by far.”

larawan ni Colline Nobleza

Nagsara naman ang programa sa Mendiola sa pamamagitan ng simbolikong pagsunog sa watawat ng Estados Unidos habang dumadagundong sa mga sound system ang kantang “Trump Out” ng Switchbitch na sinabayan ng sigaw at indak ng bulto.

Sa kulminasyon ng apat na araw na kilos-protesta, iginiit ng mga progresibong grupo na hindi natatapos sa pagtatapos ng ASEAN Summit at sa pag-alis ni Trump ang laban sa lansangan.

Anila, hangga’t may nakakulong na mamamayang naninindigan at nakatali ang bansa sa dikta ng dayuhan, nanindigan ang hanay ng sambayanan na magpapatuloy ang pagkilos.

Loading spinner

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here