Bahagi ng pagiging guro ng Philippine Science High School- Main Campus o PISAY, ang mailublob ang mga sarili sa isang gawaing nagpapakita ng malasakit sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman sa kapwa guro. Bilang isang kinikilalang premier high school ng bansa, malinaw na kami ay may tangan na obligasyong magsilbi para sa ikauunlad ng bayan lalo’t higit sa larangan ng Agham.  

Naging bahagi ang PISAY sa Madaris Volunteer Program (MVP) bilang programa ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) katuwang ang Ateneo de Davao University upang maisulong ang matagalang kapayapaan sa Mindanao gamit ang edukasyon. Ang Madaris (Arabic) ay Plural ng “Madrasah” na ang ibig sabihin ay Paaralan o Center of Learning. Pormal itong inilunsad noong Hunyo 2015 at nakapag-deploy ng unang batch ng volunteer teachers na aabot sa 12 na indibidwal.

Ang programa ay naniniwala sa adhikaing “Peacebuilding through Education”. Dagdag pa rito, isa itong bolunterismong gawain na may layuning makabuo ng bagong ugnayan at kapaligirang nagbabahagi ng kaalaman, respeto at kooperasyon sa pagitan ng mga paaralang Islamic at Katoliko sa pagpapaunlad ng edukasyon sa Bangsamoro. Sa kabuuan, ito ay tulong para sa mga Islamic schools na kung saan may kakulangan sa mga guro sa non-Islamic and DepEd mandated na mga subjects. Ito rin ay suporta sa usaping pang-kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa ARMM. Mas lalong pagtibayin ang pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Morong Muslim at mga hindi Muslim.

Sa naging paglahok ng mga guro mula sa PISAY naging lunsaran ito ng bagong karanasan upang higit na mapalawak ang serbisyo sa kapwa guro, na mapaunlad ang kani-kanilang kakayanan. Mula sa pakikipagkuwentuhan, lumitaw sa mga naratibo at karanasan ng mga volunteers mula sa paghahanda hanggang sa pagtatapos.

Ang Simula ay Isang Pagpapasya

Pangunahing dahilan sa pakikilahok ng mga guro sa PISAY ay ang pagkakaroon ng interes sa usapin ng bolunterismo sa isang lugar at kulturang malayo sa nakasanayang sistema. Malaking bahagi ng mga volunteer ay Katoliko at hindi pa nakararating sa lugar ng Cotabato. Isa ring nag-udyok sa mga guro ang hamon na mapuntahan ang lugar na itinuturing na nakatatakot dahil sa isyu ng seguridad.

Hindi rin nawala ang personal na dahilan sa paglahok, tulad na lamang ng puntos na maaaring makuha na magagamit para sa promosyon. Dagdag pa rito, ang pakiramdam na ma-home sick lalo na sa mga may iniwang pamilya.

Ang Implementasyon ay Nagbabago

Pinatunayan ng mga gurong volunteer ang pagiging flexible nila sa mga naganap na pagbabago. Kanilang naibahagi na ang pagpapaikli sa maikling oras na ipinagkaloob sa lektura ay hindi sapat ngunit kailangan nilang maitawid ang lektura ng buo at walang nakokompromisong kalidad ng impormasyon. May mga guro ring humango sa kapaligiran, sa lokal na tao at kulturang mayroon ang lugar upang magamit sa lektura. Naging sensitibo rin ang mga guro na iwasan ang maling pagtatampok sa kultura at identidad ng mga Muslim sa mga naging presentasyon.

Hindi rin nawala sa isipan ng mga volunteer ang usapin ng kaligtasan, kanilang naibahagi na walang pinipili ang gulo kahit pa nasa isang ligtas na lugar. May ilan pa rin sa mga guro ang nababalot sa konsepto na ang lugar ng pinagdarausan ay nasa gitna ng kaguluhan.

May mga ilang guro ring kinakailangang magbago at/o magdagdag ng istratehiya dahil ilan sa mga delegado ang nagmula sa mga paaralang may kakulangan sa pasilidad. Sa halip na magpakita ng ilang kumplikadong pamamaraan at paghahanap ng mga kasangkapang teknikal ay gumawa ng isang alternatibong pamamaraan upang maituro ang paksa gamit ang limitadong gamit.

Ang Pagwawakas ay Isang Hinaharap

Naging salaysay ng mga guro na ang itinurong istratehiya ay isang gabay lamang, nagsisilbi lamang itong inspirasyon dahil ang karamihan sa delegado ay may mga limitasyon. Nasa kanilang desisyon ang aplikasyon ng mga itinuro.

Sa pakikipagkuwentuhan nabubuo natin ang isang bagong kamalayan, ugnayan at pag-unawa. Gamit ang kuwentong buhay naipararating natin ang ating adbokasiya at naitatawid natin ang mga bagay na hindi kayang ipadama ng ating mga kilos.

Litaw pa rin ang konsepto ng salitang nakagisnan, na kung saan na anumang bagay na nakasanayan ay mahirap nang palitan. Nakararamdaman ang mga teacher volunteers na may ilang kalahok ang sarado para sa pagbabago o pagpapabuti ng istratehiya dahil na rin sa takot at sa kakulangan.

Sa kabuuan, nakikitang mas lalong lalakas ang programa sa mga adbokasiya ukol sa edukasyon na siyang magiging tulay na maaaring ikaunlad ng mga komunidad sa ARMM. Nakikita rin ang pagdagsa na tulong mula sa iba’t ibang organisasyon lalo na ang mga taga PISAY na nakita nila ang kahalagan na ipa-angat ang antas at kalidad ng edukasyon sa ARMM.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here