Nagprotesta sa Quezon Hall, administration building ng University of the Philippines Diliman, noong Hulyo 21 ang mga miyembro ng Alsa-Diliman laban sa nakaambang demolisyon sa 13 komunidad sa loob ng pamantasan na laman ng UP Master Development Plan (MDP).

“Ang pagkilos namin ngayon ay pagguhit at para irehistro sa pamunuan ng UP administration at marinig ni Presidente Danny [Concepcion]—yung panggigipit na nararanasan namin sa pamamagitan ng UP Master Development Plan,” ayon kay Mameng Collado, Tagapagsalita ng Alyansa ng mga Samahan sa UP Diliman (ALSA Diliman), sa isang panayam.

Dagdag pa ni Collado, hindi umano maglilingkod sa interes ng mamamayan ang plano dahil sa oryentasyon ng mga kasosyo nitong malalaking negosyo katulad ng Ayala.

“Ang nakakalungkot at nakakarimariw na magiging kalagayan nito dahil ang MPD ay may kapartner na private sektor, at ang kapartner nito ay ang Ayala at alam natin kung ano ang hulma ng mga programa ng Ayala—malls, condominium, commercial establishments,” sabi ni Collado.

Tinatayang aabot sa 6,299 na pamilya mula sa 13 na pook sa loob ng UP Diliman ang mawawalan ng tirahan kung matuloy ang pagpapalayas sa mga maralita dito. Kabilang sa mga lugar na idedemolish ay ang mga komunidad sa C.P. Garcia, ‘Village C’, Pook Arboretum, Hydraulics, Old Capitol Site, San Vicente, Libis, Malinis, Daang Tubo, Village A at B, Amorsolo, Aguinaldo, Area 17, RIPADA, Botocan, at Culiat.

Basahin: 13 pook sa loob ng UP, maaapektuhan ng demolisyon

Hinarap ang mga nagprotesta ni UP Diliman Chancellor Michael Tan sa isang mabilisang dayalogo, pero sinabi nitong hindi niya alam ang nakaambang demolisyon ng mga komunidad. Nangako naman ito na kakausapin si UP President Danilo Concpecion tungkol sa kanilang hinaing.

Nanawagan naman si Collado sa mga estudyante, guro at kawani ng UP na magkaisa para tutulan ng UP MDP.

“Kaya’t nananwagan kami sa lahat ng sektor, lalung-lalo na ang mga kabataan gayundin ang mga kaguruan dito sa loob ng pamantasan ng Pilipinas at mga empleyado na nakapaloob at hindi nakapaloob sa unyon na magsama-sama upang ibasura ang UP MDP at higit sa lahat ay ipagpatuloy ang pinakamalakas na sama-samang pagkilos upang magtagumpay ang laban na ito,” pagtatapos ni Collado.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here