Nanawagan ang iba’t ibang grupo sa sektor ng edukasyon ng mas komprehensibong plano para sa pilot face-to-face classes na magsisimula na sa Nobyembre 15.
Sa kasalukuyan, 100 sa 48,000 na pampublikong paaralan pa lamang ang magiging bahagi sa pilot run ng face-to-face classes – wala pa sa isang porsyento ng kabuuang bilang.
Anila, matapos ang halos dalawang taon, bagama’t naging matagumpay ang panawagan sa muling pagbubukas ng mga paaralan, ay hindi pa rin nagkakaroon ng “maximum confidence” sa kanilang bahagi dahil na rin sa naging kapabayaan ng kasalukuyang administrasyon na tugunan at bigyang pansin partikular ang sektor ng edukasyon.
Ang Pilipinas ang huling bansa sa buong mundo na magbubukas muli ng paaralan o magbabalik sa face-to-face classes. Ayon sa UNESCO, inabot lang sa karaniwang 79 araw na sarado ang mga paaralan sa iba’t ibang bansa sa buong mundo, pero sa ilang bansa gaya ng Pilipinas ay umabot na ito sa 20 buwan.
Walang sense of urgency
“Twenty months pero hindi pa rin equipped ang majority ng mga paaralan para maghold ng limited face-to-face classes, walang sense of urgency na tugunan ang education crisis,” ani Collin Mañibo ng National Union of Students of the Philippines.
Nanawagan din si David Austria ng Salinlahi Youth Marikina na magkaroon ng sapat na pondo para sa treatment ng mga mag-aaral na magkakaroon ng COVID-19 mula testing, isolation, hanggang sa post treatment.
“Dapat siguraduhin ng pamahalaan, bigyan pansin ang pagpapatupad ng minimum public health protocols, magbibigay ng pansin sa psychosocial intervention sa mga mag-aaral at guro na nakararanas ng stress, pagpapalakas ng vaccination program lalo sa mga low risk area,” dagdag ni Austria.
Kahalagahan ng pagbabakuna
Binigyang diin naman ni Dr. Josh San Pedro ng Coalition for People’s Health ang kahalagahan ng pagkakaroon ng testing at screening strategy.
Ito ay matapos ang kontrobersyal na pahayag ng Department of Education (DepEd) na hindi maaaring magkaroon ng COVID-19 swab test sa mga bata bunsod ng pagiging ‘traumatic’ nito.
“Kailangan tandaan na tungkulin ng paaralan na siguraduhin ang kaligtasan at kalusugan… mas traumatic ang magkasakit sa COVID19 o mamatay dahil sa nakahahawang sakit kahit pwede naman sanang maiwasan,” dagdag ni San Pedro
Dagdag pa ng doktor, kung gugustuhin ay maaaring gamitan ng ibang paraan tulad ng Rapid Antigen Testing at Saliva Testing hindi lamang para matigil ang pagkalat ng virus kundi magkaroon din ng tinatawag na early case detection.
Mainam din ang pagkakaroon ng mga school nurses at physicians. Aniya, and mga nabanggit na eksperto ang mas nakauunawa at may kakayahang magpaliwanag sa mga magulang, mag-aaral, at mga manggagawa sa paaralan tungkol sa issue ng COVID-19 testing at screening strategy.
Special Vaccination Program
Special Vaccination Program naman ang panawagan ni Ka Paeng Mariano ng Kilusang Mangbubukid ng Pilipnas at AnakPawis Partylist, sa kanilang bahagi bilang mga magulang.
Kasabay nito ang pagkakaroon ng maayos, malinaw, at komprehensibong plano ng gobyerno upang masigurado ang kaligtasan ng mga bata. Dagdag pa rito ang panawagan sa mas mabilis na vaccine roll out sa kanayunan.
Pagsapit ng Nobyembre 10, nasa 66.8 milyon na ang nakakauha ng isang dose man lang ng bakuna. Sa bilang na ito, 38,357,059 ang nakakuha ng first dose (o hindi pa kumpletong bakuna) habang 30,479,917 ang nakakumpleto na ng bakuna nabakunahan.
Malayo pa ito sa target ng gobyerno na mabakunahan ang ang 70% ng populasyon, ang tinutukoy na bilang para maabot ang herd immunity, pagsapit ng Disyembre 31, 2021. Nasa 77,139,058 na Pilipino ang dapat mabakunahan para maabot ang target na ito. Itinaas din ng gobyerno ang target nito sa 80-90% sa kasagsagan ng pagkalat ng Delta variant noong Setyembre. Nagsimula ang pagbabakuna noong Marso 1, 2021.
Panawagan ng mga kaguruan
Para sa sektor ng mga guro, nanawagan si Christian Navales ng Alliance of Concerned Teachers na maglaan ang DepEd at gobyerno ng sapat na suporta. Ito ay para sa pagsasaayos ng mga pasilidad at gamit na kakailanganin, tulad ng functional electric fans, at air condition filters.
Ayon sa kanya, may ilang dapat pa isaayos at pagbutihin sa Joint Memo Circular No. 1 Series of 2021 ng DOH at DepEd, kung saan nakasaad ang guidelines sa pagpapatupad ng limited face-to-face classes.
Hinihiling din ang pagkakaroon ng hazard pay, treatment support, at balanseng teaching load para sa mga guro na sasabak sa pilot face-to-face classes.
Ayon pa kay Navales, “Kung maibibigay ng national government ang mga ito, maiincrease ang pagiging successful ng limited face-to-face classes, at magiging daan ito upang mas marami pang paaralan ang magre-open as soon as possible.”
Sa kanilang unity statement, inihain ng ACT ang kanilang ‘5 Key Protective Measure for Face-to-Face Classes’.
- Lingguhang pagsusuri sa antigen para sa COVID-19 upang suriin ang lahat ng mga mag-aaral, guro, at kawani na lalahok sa face-to-face classes (F2F);
- Special vaccination program sa mga lugar kung saan matatagpuan ang mga paaralang lalahok sa pilot run ng F2F;
- Pag-retrofitting ng mga silid-aralan upang matiyak ang mas mahusay na bentilasyon, na ang bawat isa ay may hindi bababa sa dalawang functional na electric fan, at mga naka-air condition na silid na may air filter;
- Mass hiring ng mga nars sa paaralan;
- Medikal na pondo para sa libreng paggamot sa mga mahahawa ng COVID-19.