Sa tanang buhay ng isang babae, ang panganganak na marahil ang isa sa pinakamasakit na bagay na mararansan niya. Katumbas ng 20 buto na nababali ng sabay-sabay ang sakit ng panganganak. Tama ang siyensya para sabihing espesyal ang babae dahil ito lamang ang may kapasidad na magtaguyod ng buhay sa loob ng kanyang sarili at ibahagi siya sa daigdig, bukod sa kanyang sarili.

Bago nagsimula ang mahaba’t masalimuot na kasaysayan ng pananakop ng mga dayuhang bansa sa Pilipinas ay natatamasa ng mga kababaihan ang mataas na respeto, parehong karapatan at katayuan tulad ng sa mga kalalakihan. Nasa katayuan ang mga kababaihan na mamuno sa komunidad, magkaroon ng sariling ari-arian, maging bahagi ng kalakalan, diborsyohin o hiwalayan ang kanyang asawa, maging babaylan, at marami pang iba. Naglaho ang lahat ng ito sa yugto ng kolonyalismo at higit na binusabos sa panahon ng neo-kolonyalismo.

Sa panahon ng pananakop ay marahas na ipinailalim ng patriyarkal na lipunan ang mga kababaihan sa kaayusang sang-ayon sa interes ng naghaharing uri – ng awtoridad ng estado, awtoridad ng simbahan, awtoridad ng pamilya at awtoridad ng kalalakihan. Walang makakapagpasubali na masyado nang mahaba ang kasaysayan ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga kababaihan. Tatak na ng kanyang uri at kakabit ng kanyang pagiging babae ang pagiging bahagi ng ilang salin ng henerasyon na namuhay sa lipunan na sadyang mabangis at nandaragit.

Gayunpaman, hindi buo-buong nabuhay sa hinagpis at pagtitiis ang mga kababaihan. Kumontra sa agos ng patriyarkal na kasaysayan ang maraming kababaihan na nagnanais na lumikha ng bagong yugto ng kasaysayan, isang bagong epoka na papalit sa lumang kasalukuyan.

Sa Kamaynilaan na siyang sentro ng macho-pyudal at pasistang lipunan, pinakawalan ng rehimeng Duterte ang Oplan Kalasag na siyang lambat ng estado upang lipulin ang mga itinuturing nitong kaaway at hanguin sila papalayo sa sambayanan. Sa pagnanais ng rehimeng Duterte na mapanatili ang kanyang madugo at mapanlansing pamumuno, ipinag-utos nito ang serye ng mga paniniktik, reyd, pagtatanim ng mga ebidensya, iligal na pag-aresto, pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mamamayan nagpupumiglas at naga-aklas. Hindi ligtas dito ang mga ina na nakikibaka.

 

ESTERLITA SUAYBAGUIO

Inaresto si Esterlita Suaybaguio, 60 taong gulang, bandang 1:50am noong Agosto 26, 2019 sa kanyang tirahan sa Quezon City. Si Suaybaguio, 60 taong gulang, ay kabilang sa mga peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines at humaharap sa Government of the Republic of the Philippines peace panel para sa usapang pangkapayapaan. Siya ang tumatayong second consultant for Mindanao ng NDF. Sinampahan siya ng gawa-gawang kaso tulad ng illegal possession of firearms and explosives, murder at frustrated murder.

Sa kasalukuyan ay nakapiit sa Camp Crame si Suaybaguio. Tulad ng maraming poldet or political detainees, isinailalim sa interogasyon si Suaybaguio. Kapag matutulog na siya ay saka siya tatawagin ng mga operatiba ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines para sa interogasyon. Gabi-gabi ay ginigising siya sa kanyang selda para sa interogasyon, pababalikin sa selda pagkatapos, saka gigisinging muli para ibalik sa interrogation room. Hindi lang kalayaan ang tinanggal kay Suaybaguio kundi pati ang kanyang pag-idlip.

Sa mga unang linggo ng kanyang pagkakakulong ay nabibisita si Suaybaguio ng kanyang mga kaibigan sa piitan ngunit nagsimulang maghigpit ang estado sa kanya. Halos dalawang buwan lang matapos siyang makulong ay pinagbawalan na ng pamahalaan ang kanyang mga kabigan na dalawin si Suaybaguio. Tanging mga kamag-anak lamang ang pinapayagan na makadalaw sa kanya. Simple lang naman ang ipinataw na patakaran kung papakinggan ngunit ang suliranin ay ang layo. Nasa Mindanao ang kanyang dalawang anak at mga mahal sa buhay.

Isipin mong mapiit ka sa kulungan, sa sala na hindi mo ginawa, pinagbawalan kang dalawin ng iyong mga kaibigan, ang tanging mga taong maaaring dumalaw sa iyo ay nasa pinakamalayong isla at ikapapahamak ng kanilang seguridad kapag dumalaw sila sa iyo.

Dating guro si Suaybaguio bago siya magpasya na tumangan ng mga gawain ng buong panahon sa kilusan. “Ma’am” ang tawag ng mga kasama kay Suaybaguio, para sa kanyang mga anak, “Mama”.

 

CORA AGOVIDA

Kumilos bilang full-time na aktibista si Cora Agovida mula noong 2004. Mula noon ay Gabriela na ang naging organisasyon ni Agovida, 37 taong gulang. Mayaman sa karanasan si Agovida pagdating sa pag-oorgnisa ng mga kababaihan. Maraming mga kampanya na ang kanyang pinamunuan na nagbigay sa kanya angkop na posisyon bilang tagapagsalita ng Gabriela-Metro Manila. Kabilang na rito ang paglaban sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng pamilya tulad ng kuryente, tubig, bigas at iba pa. Kakampi rin siya ng mga pamilya na biktima ng demolisyon dahil sa mga proyektong pangkaunlaran na nagsisilbi lamang sa pribadong interes ng mga korporasyon at pamahalaan tulad ng “Private-Public Partnership Program” ng rehimeng Aquino at “Build, Build, Build! Program” ng rehimeng Duterte. Naging katuwang din siya ng mga taong simbahan sa paglaban sa extrajudicial killings, ng mga kolehiyo at unibersidad na galit sa korapsyon lalo sa pork barrel scam.

Sa Kamaynilaan, maraming mga kababaihan at bata ang dumadaing sa pang-aabuso ngunit hindi alam kung kanino hihikbi bukod sa kanilang mga basang unan. Naging takbuhan ng maraming kababaihan si Agovida lalo ng mga kababaihan na hinahabol ng suntok at bugbog ng kanilang mga asawa, kamag-anak, karelasyon, kaibigan o nung kung sino mang nananakit. Hindi lamang mga biktima ng pananakit ang humihingi ng tulong sa kanya kundi pati na rin ang mga biktima ng rape at sexual harassment lalo na ang mga bata. Natulungan na ni Agovida ang maraming babae at bata na dumanas ng pang-aabuso dahil sinasadya talaga ang kanilang opisina at mga konsultahan sa mga komunidad ang mga dumudulog ng tulong, ng mga walang matakbuhan dahil sa mga nabanggit na awtoridad.

Sa gitna ng hibang na lipunan, nakapagtaguyod ng pamilya si Agovida.

Payapang natutulog ang pamilya ni Agovida sa isang paupahan sa Paco, Manila nang gisingin sila ng isang bangungot. Pwersahan pinasok ng mga kapulisan ang kanilang bahay ng 5:00am noong Oktubre 31, 2019. Pinadapa si Agovida at ang kanyang asawa na si Michael Bartolome ng Kadamay-Metro Manila, habang tinutukan ng baril at pinadapa rin ang kanilang 2 anak na 10 taong gulang at 2 taong gulang. Tinaniman ng mga pulis ng .45 caliber pistol at mga granada ang bahay ng mag-asawa. Sinampahan ng kasong illegal possession of firearms and explosives ang mag-asawa.

Nang dalhin sa Manila Police District ang mag-asawa ay ihiniwalay sa kanila ang kanilang 2 anak at dinala sila sa Manila Rehabilitation Action Center. Sa sandali na iyon, higit pa sa 40 buto na nababali ng sabay-sabay ang pakiramdam ni Agovida nang kunin sa kanya ang kanyang mga anak. Sumususo pa kay Agovida ang kanyang bunsong anak. Nang makausap ng paralegal ang panganay na anak ni Agovida, ang unang tanong niya sa mga kasama ay “Patay na ba [ang] mga magulang ko?”

Iyon na ang simula ng maraming gabi na hindi na makakatabing matulog ni Agovida ang kanyang mga anak.

 

REINA MAE NASINO

Payak, maliit at magiliw na kasama si Reina Mae Nacino, 22 taong gulang. Kabilang siya sa maraming kabataan na nagpasyang maging full-time na organisador ng masa. Hindi naging mahirap para sa kanyang unawain ang mga salitang “pagsasamantala at pang-aapi” dahil ang kanyang pamilya mismo ay kabilang sa mga maralitang lungsod na itinuturing na basura ng pamahalaan.

Mahilig kumanta si Nacino, marunong din siyang tumugtog ng gitara at ukelele. Mahirap kalaban si Nacino sa kantahan lalo pagdating sa videoke. Pipili pa lang kasi ng kanta ang mga kasama niya, siya nakapag-reserba na agad ng lima. Ang ganitong talento ni Nacino ang siyang nagtulak sa kanyang organisahin ang mga kapwa niya musikero sa kanyang paaralan sa ilalim ng Musicians for Peace. Sa paglaon ay nahalal siya bilang opisyales sa Anakbayan-Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology Chapter. Sa panahon na iyon ay naging matingkad ang mga kampanyang inilunsad ng Anakbayan sa kanilang paaralan tulad ng pag-refund ng iligal na P1,000 Development Fee na matagumpay na maipabasura at ang pagpapatayong muli ng EARIST Gymnasium na nailantad na batbat ng korapsyon.

Mula sa pagiging organisador ng mga kapwa niya kabataang estudyante, nagpasyang kumilos ng buong panahon bilang organisador ng mamamayan si Nacino at tumungo sa mga magsasaka at maralitang komunidad para organisahin naman ang iba pang mga sektor ng lipunan. Malaki ang ginampanan ni Nacino sa pag-oorganisa ng mga residente sa Smokey Mountain sa Tondo, Manila. Naitayo ang Samahang Magkakapitbahay sa Upper Smokey Mountain na kasapi ng Manila Urban Poor Network, isang network ng mga alyansa ng mga residente at homeowners’ association sa Maynila na apektado ng malawakang ebiksyon dahil sa kaliwa’t-kanang proyektong imprastraktura sa ilalim ng “Build, Build, Build! Program” ni Duterte.

Ikakasa na sana ng mga residente ng Smokey Mountain ang kanilang kampanya para magkaroon ng murang access sa tubig ang kanilang komunidad ngunit nadiskaril ito nang iligal na arestuhin si Nacino kasama si Ram Carlo Bautista, PSC Director ng Bayan-Manila at Alma Moran ng Manila Workers Unity sa opisina ng Bayan-Tondo, madaling araw noong Nobyembre 5, 2019. Tinaniman ng mga operatiba ng mga granada at baril ang kanilang opisina at sinampahan din sila ng gawa-gawang kaso na illegal possession of firearms and explosives.

Sila ang tinaguriang ‘Tondo 3’ ngunit apat sila na nakulong noong araw na iyon. Inaresto si Nacino na nagdadalang tao sa una niyang anak. Ngayong Marso ay limang na buwan nang buntis si Nacino at nakatakdang manganak sa Hulyo.

 

Panawagan sa paglaya

Nasa gitna ng ligalig ang bansa sa pagharap sa COVID-19 pandemic. Iginiit ng pambansang pamahalaan na ang solusyon sa epidemya ay ang social distancing at lockdown sa pinakamalaking isla sa bansa nang hindi iniisip ang kapakanan ng mga karaniwang tao na pangunahing apektado at pinaka-bulnerable rito. Ngunit tigil na rito ang solusyon ng gobyerno at itinatatwa ang panawagan ng mamamayan sa libreng mass testing.

Ipinanawagan ng KAPATID, isang pambansang organisasyon ng mga pamilya at kaibigan ng mga detenidong pulitikal, ang kagyat na malawakang pagpapalaya o immediate mass release ng mga ‘person deprived of liberty’ (PDL) upang i-decongest ang mga kulungan sa bansa na nasa 600% na ang overpopulation rate. Ang panawagan ay kaakibat na mapigilan ang mas malalang epekto ng COVID-19 hanggang sa mga kulungan kung saan napaka-bulnerable ang kalagayan ng mga PDL.

Nauna nang isagawa ang kagyat na mass release sa Iran, kilalang istriktong bansa sa pagsunod sa mga patakaran at tradisyon, at sa Estados Unidos, na punong tagapagtaguyod ng paglabag sa mga karapatang pantao. Mapagpasyang pinalaya ng Iran ang nasa 85,000 PDL, 50% mula rito ay mga detenidong pulitikal. Habang ang Estados Unidos naman ay pinabilis ang plea deals para sa mabilisan at maagang pagpapalaya ng mga PDL sa kanilang bansa kahit na hindi pa nila natatapos ang kanilang sentensya.

Ipinanawagan ng KAPATID na palayain ay ang mga: 1) low-level offenders; 2) mga dapat nang mapalaya dahil sa parole at pardon; 3) mga matatanda; 4) mga may sakit; 5) kabiyak ng bawat 10 mag-asawang detenidong pulitikal na kapwa nakakulong at; 6) mga accidental victim ng political arrests. Kabilang ang mga nabanggit sa mga mahihirap na PDL na hindi kayang magbayad ng pyansa at batay sa sariling datos ng Korte Suprema, 71% sa mga ito ay biktima ng maling pagkakasakdal tulad ng mga detenidong pulitikal.

Kalunos-lunos na ang kalagayan ng mga PDL sa mga kulungan. Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), 20% ng mga PDL sa New Bilibid Prison, Muntinlupa City ang namamatay taon-taon. Kung gagamitin ang datos, tinatayang 14 ang namamatay araw-araw sa Bilibid. Sa mga kulungan naman sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), 300-800 na PDL ang namamatay kada taon. Katumbas ito ng 1-2 PDL na namamatay sa mga kulungan ng BJMP kada araw.

Sadyang masalimuot ang mundo para sa mga bata at kababaihan. Teroristang maituturing ang estado na nangwawasak ng mga pamilya. Hindi ligtas sa dahas ang mga bata sa dahas ng makauring pagsasamantala at dahas ng estado.

Nakikibaka ang mga ina sa ultimong layunin na maabutan ng kanilang mga anak at ng mga magiging anak nila ang isang lipunang masagana, tunay na payapa at walang pagsasamantala. Sino nga naman ang gustong mabuhay ang mga mamamayan sa kasalukuyang klase ng kaayusan.

Minahal ng marami, lalo ng mga kabataan, ang pelikulang “Liway” na namayagpag sa mga sinehan. Umikot ang pelikula sa isang rebolusyonaryong ina na nagdadalantao noong dakpin ng mga militar at ikinulong noong Martial Law at kung paano niya hinarap ang kontradiksyon sa pagpapalaki ng kanyang anak sa loob ng piitan, sa gitna ng digmang bayan. Dagdag pa, kung paanong ang pagmamahal at sakripisyo ng ilaw ng tahanan ay kayang tiyakin sa kanyang anak na “hindi naman magtatagal ang kadiliman”.

Si Suaybaguio, Agovida at Nasino – tatlong henerasyon ng mga nakikibakang ina na pinaratangang kriminal ng estado. Sila ay kabilang sa daan-daang detenidong pulitikal at nasa pinakamapanghamon na yugto sila ng kanilang buhay ngayon. Sa kabila nito, nananatili silang nakatindig at matatag hindi lang dahil sa sila ay mga ina kundi dahil sila ay mga kababaihang nakikibaka. Nalilimitahan lamang sila ng rehas ngunit ang kanilang mithiin ay patuloy na nag-aalab. Ang pakikibaka ang magiging komadrona ng bawat lumang lipunang nagbubuntis ng bago. Mula sa sinapupunan ng lumang lipunan ay sisibol ang bago.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here