“Ano po ang gagawin namin, mamamatay ‘yung aming pamilya kasi nga wala kaming hanapbuhay. Ako lang po naghahanap buhay sa pamilya ko.”

Ito ang unang nasambit ni Bernardo Herarte matapos matanong kung paano na sila sa pang araw-araw habang may enhanced community quarantine. Mayroon siyang isang anak na pinag-aaral.

Pamamasada ng tricyle sa Brgy. Sauyo, Quezon City ang ikinabubuhay ni Bernardo at dito lang siya umaasa sa pantustos sa kanilang pang-araw-araw na pagkain.

Nang dahil sa idineklarang isang buwang ‘enhanced community quarantine’ o ‘total lockdown’ sa Luzon, kasama sa pinatigil sa operasyon ang mga pampublikong sasakyan, kabilang ang mga tricycle.

“Ayon nga po ang problema namin ngayon. Paano kami kikita ngayon?” pag-aalala ni Bernardo.

Ayon kay Bernardo, simula ng ipatigil ang pasada ay hindi pa rin sila nahahatiran ng tulong mula sa local na pamahalaan.

Ani Bernardo, “Ang barangay po sa amin o mayor sa ngayon hindi pa po nagbigay ng simula noong naglockdown wala pa yung aming food pack paano po kakain ang aming pamilya.”

Nahihirapan sila Bernardo sa sitwasyon na walang ginagawa at naghihintay lang sa tulong ng simbahan o ng kanilang homeowners association, ng mayor o ng pangulo. Mahirap daw maghintay sa gutom o iyong nagugutom na pero walang magawa at hindi makapaghanapbuhay.

Dagdag pa ni Bernardo, “Hindi po makakatulong sa amin ang enhance community lockdown, dapat maghanapbuhay po ‘yung mga tao. Naghahanapbuhay po kami para sa aming pamilya. Hindi po sapat ang ibibigay ng aming barangay o mayor para sa amin.”

Kasama sa ibinabang memo mula sa Pangulo hinggil sa ‘enhanced community quarantine’ ang pagbibigay ng pagkain sa mga komunidad mula sa barangay o local government, ngunit isa ang lugar nila Bernardo na hindi pa naaabutan ng tulong matapos ang mahigit isang linggong lockdown sa mga komunidad.

Nag-aalala si Bernardo kung gaano pa magtatagal ang ganitong sitwasyon, habang umaasa na makakapasada na sa mas malapit na panahon.

Kasama ang komunidad ni Bernardo sa tatamaan at madedemolish sa proyektong NLEX 8.2 ng pambansang pamahalaan.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here