Agosto 30 ay ipinagdiriwang natin ang ika-170 na kaarawan ng dakilang bayaning si Marcelo H. del Pilar o mas kilala sa bansag o pangalan sa panulat na Plaridel. Isang dakilang manunulat si del Pilar na pinahalagahan ang gamit ng sariling wika at utak ng Diariong Tagalog, patnugot ng La Solidaridad at sinasabing ‘mastermind’ ng Katipunan.

Bagamat nagmula sa mayamang angkan at bahagi ng ilustrado noong panahon ng Kastila, hindi matatawaran ang kanyang kontribusyon sa pagkamit ng ating kalayaan. Kabilang ang kanyang tininatag na pahayagan sa mga bumatikos sa pang-aabuso ng mga prayle at kalupitan ng pamahalaan.

Nakatutuwang isipin na buo ang paglaban ni del Pilar para sa bayan sa pamamagitan ng kanyang talino sa pagsulat. Binuksan niya ang kamalayan at pag-iisip ng mga Pilipinong makababasa ng kanyang mga polyeto na naglalahad at tumutuligsa sa sistema ng pamamalakad ng simbahan at pamahalaan. Hindi lang ito paglalahad ng balita—pero upang isulong ang mga kabutihang nais ng mamamayan, mga reporma, pagbabago, at maging kalayaan para sa bayan.

Naging instrumento ang Diariong Tagalog sa pagsisiwalat ng realidad sa lipunan noong panahon ng Kastila, maikli man ang naging buhay ng pahayagang ito. Ito ang unang pahayagang naglalathala sa dalawang lenggwahe. Sinalin ni del Pilar sa Tagalog ang sanaysay ni Jose Rizal na ‘El Amor Patrio’ na nilimbag sa pahayagan bilang ‘Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.’

Bukod sa pagiging mamamahayag, naging bahagi ng mga kilusan laban sa mga prayle at mga mapaniil na patakaran nito sa kanyang bayan sa Malolos, Bulacan. Sinulong din niya ang pagtatayo ng paaralan sa Bulacan. Masusundan ang ganitong adhikain ng mga kababaihan sa Malolos na hiningi na payagan silang magtayo ng panggabing paaralan para matuto silang sumulat at bumasa na pinayagan naman ng gobernador heneral nang panahong iyon. Sinabi ring nirekwes ni del Pilar na sulatan ni Rizal ang mga kababaihan ng Malolos nang sila’y nasa Epsanya na noon ni Rizal.

Nang laluna nang nanganib ang buhay ni del Pilar sa Pilipinas ay inabisuhan siya ng mga kaibigang tumungo sa Espanya. Gabi bago ng kanyang pag-alis, naisulat pa nya ang Dasalan at Tocsohan (satiriko sa libro ng panalangin ng mga prayle) at Pasióng Dapat Ipag-alab nang Puso nang Tauong Babasa kasama si Rafael Enriquez. Bago rin umalis ay itinayo ni del Pilar ang Caja de Jesús, María y José (na kalauna’y magiging Komite ng Propaganda sa Maynila) upang maipagpatuloy ang gawaing propaganda at pagbibigay ng edukasyon sa mga kabataan mula sa mahihirap na pamilya.

Sa Espanya, noong Disyembre 15, 1889, si del Pilar ang humaliling patnugot ng La Solidaridad, na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nagsulong noon pa lang ng kalayaan sa pamamahayag at pagtitipon. Mula sa sariling pera ni del Pilar ang kanyang ipinangtustos sa paglilimbag ng La Solidaridad, hanggang sa huling isyu nito noong November 15, 1895.

Pumanaw si del Pilar sa isang ospital sa Barcelona noong Hulyo 4, 1896, mayroon na siyang tuberkolosis noon at sa lubhang hirap ng buhay.

Dahil sa dami ng naisulat na sanaysay at editoryal, kinikilala si del Pilar bilang ama ng peryodismong Pilipino. Nakapangalan sa kanya ang bulwagan ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman, ang “Plaridel Hall.”

 

Del Pilar at kalayaan sa pamamahayag sa kasalukuyan

Sa panahong ito, may mga del Pilar pa rin sa industriya ng pamamahayag. Kahanga-hanga ang mga Pilipinong mamamahayag na mas piniling paglingkuran at isiwalat ang tunay na kalagayan ng bayan at hindi magpasilaw at matakot sa mga halimaw mula sa pamahalaan. Marami pa ring tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin sa kabila ng mga taong nasa ahensyang nagpapakalat ng mga fake news at sinuswelduhan mula sa buwis ng mamamayan.

Nakalulungkot lamang na ang ahensya at istasyong pang-midya ng pamahalaan na inaasahan nating mag-uulat sa tunay na kalagayan ng bayan at sa kapakanan ng PIlipino, ang sila pang nangunguna sa paglilihis, pagtatago sa katotohanan at pagpapalaganap ng maling balita.

Magkamukha ang kaganapan noon at sa ngayon. Nakaranas si del Pilar ng hirap sa kanyang matapang na pamamahayag. Nakararamdam din ng takot at labis na pagbabanta ang karamihan sa mga mamamahayag sa kasalukuyan. Pinatatahimik at nilalamon ng gobyernong ito ang mga boses ng katotohanan. Pinasisikip nito ang espasyo ng mga mamamahayag. Takot silang mailantad ang kanilang mga baho sa mga pahina ng pahayagan o ulo ng mga balita.

At tila nagpapatuloy at umuulit ang kasaysayan. Sa isyu ng pagsasara ng ABS-CBN, tila nasa yugto tayo ng pagpapanahimik sa panahon ng pananakop at kawalang-kalayaan. Malinaw ang pangbubusal sa ating mga bibig habang unti-unting pinapapasok ang mga indibidwal at korporasyong banyaga na diumano’y kapalit ng istasyon. Binebenta tayo nang harap-harapan.

Kalayaan sa pamamahayag ang isang ambag at aral mula kay del Pilar na maipagmamalaki natin. Kalayaang makipagtalastasan sa iba’t ibang pamamaraan, kalayaang kawalang hadlang mula sa mas mataas na estado, kalayaan sa pagpapahayag sa ating opinyon at paninindigan. Lahat ng ito ay tila unti-unting ipinagkakait at nawawala.

Ang banta sa kalayaan sa pamamahayag ay tunay na tumitindi. Ang usapin ng kalayaan sa pamamahayag ay ‘di lang para sa midya, kundi para ito sa bawat mamamayan. Sa patuloy na pamamaslang at pagdanak ng dugo mula sa hanay ng mga mamamahayag, patuloy nating ipakita ang tumitinding protesta at tinig ng pakikibaka mula print hanggang broadcast na pamamahayag. Walang espasyo ang takot lalo na sa panahong ito. Tulad ni del Pilar na hindi naging hadlang ang lugar o paglisan sa bansa upang ipagpatuloy ang laban. At para naman sa kasalukuyan, hindi hadlang ang midyum o outlet para ipakita ang protesta at paglaban.

Tandaan, hindi nakalilimot ang kasaysayan. Maniningil ito nang mas higit pa sa utang nila.

 

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here