#Lakbayan2017 | Kilalanin ang mga Lakbayani: Mohammad Salih

“Na-trauma silang mga kapatid ko nung nagge-gera na. [Sabi nila], ‘Umalis na tayo dito kasi baka mamatay na tayo dito.’ Tapos nagsi-iyakan na silang lahat. Pati mama ko umiyak. Umiyak, umiyak, umiyak sila. Kaya ayun po ang hindi ko matiis, na nakikita silang umiiyak, ” sabi ni Mohammad Salih, 22, habang inaalala ang araw na lumikas sila ng kanyang pamilya sa Marawi sa gitna ng gera.

Bago ang krisis sa Marawi, magsisimula na sana si Mohammad sa trabaho niya sa isang non-profit corporation. Pinangarap niyang mag-aral ulit at sundan ang yapak ng mga magulang niyang parehong ustad, terminong Arabic na ang ibig sabihin ay nirerespetong guro o propesor. Nagtuturo ang mga magulang niya sa isang madrasah, institusyong nagtuturo ng kulturang Muslim at Islamic studies.

Wasak na kung maituturing ang kalakhan sa mga kabahayan sa Marawi dahil sa mga pagbobombang nagaganap doon. Unti-unti na ring naglalaho ang mga maliit nilang kabuhayan. Maski ang pagsasaka’y hindi na nila maatupag bunga ng tensyong dulot ng sagupaang ito na kalauna’y nagresulta naman sa kawalan ng makakain ng mga pamilya sa komunidad.

Ayon pa sa mga salaysay ni Mohammad, sa tatlong buwang kaguluhan ay palaging laman ng kanilang tiyan ang mga pagkaing mula sa relief goods. Ngunit hindi pa rin nakasasapat ang palagian nilang pagkain ng mga delata at iba pang mga ‘instant foods’, dahilan upang sila’y magbakwit.

“Minsan hindi nagkakasya, minsan nalilipasan ng gutom. Wala pong pambili ng pagkain kasi walang trabaho. Walang mapagkunan ng pera kasi bakwit. Minsan hindi na nakakakain ‘pag naubos na yung pinamigay na relief goods. Kasi po magbibigay sila hindi linggo-linggo at hindi rin araw-araw. Hindi fixed kung kailan.”

Sa gitna ng kanyang pagkukuwento’y mapapansing may halong nginig at minsanang pagka-utal ang mga salitang lumalabas sa bibig ni Mohammad nang ikinukwento niya ang ganitong mga tagpong dinulot sa kanila ng Martial Law.

“Mahirap sa amin na kaming mga Muslim ay istrikto sa lalaki at babae, na hindi sila pwedeng magsama o nakikita ang isa’t isa. Sabog-sabog na sa evacuation. Wala nang privacy ‘yung mga babae dahil nandiyan ‘yung mga lalaki. Nahihirapan kami as a Muslim. Katulad ng pagsasamba na dapat limang beses kada araw. Hindi namin ma-accomplish kasi siksikan na po.”

Nagbakwit ang pamilya ni Mohammad sa Saguiran, Lanao del Norte, bago sila lumipat sa bahay ng kamag-anak sa Iligan City.

Naniniwala si Mohammad na pakana ng imperyalismong Estados Unidos at gobyerno ni Duterte ang krisis sa Marawi.

“Talagang pinapatagal nalang nila ang bakbakan doon sa Marawi para tuluyan na nila ‘tong makuha” sabi ni Mohammad, na naniniwalang ginagamit ang “war on terror” ng US upang mapalakas ang kontrol nito sa Marawi at buong Mindanao.

Hindi na halos nakahihinga ang Marawi mula sa pinsalang natamo nito, ngunit buhay pa rin ang pag-asa kay Mohammad na makauwi sa Marawi’t makapagsimulang muli.

Kahit walang kasiguraduhan ang kanilang pagbabalik ay hindi siya titigil sa pag-asam at sa pagsigaw ng kanilang hinaing: ang pagpapatigil sa pagbobomba sa Marawi, ang pagtigil ng mga airstrikes, at kagyat na tulong at plano para sa kanilang mga bakwit at para mismo sa Marawi.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here