“Ipagtanggol ang Kabuhayan” ang bitbit na panawagan ng mga manggagawa kasama ang iba’t ibang progresibong grupo na nagmartsa mula University of Santo Tomas (UST) hanggang Morayta sa paggunita ng taunang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa. 

Isang araw bago ang Mayo Uno ay nag-vigil ang mga grupong BAYAN-National Capital Region (NCR), Defend Jobs Philippines at mga grupo ng tsuper at operator ng dyipni ar partner-riders sa Liwasang Bonifacio. Ito ay bilang protesta sa Public Transportation Modernization Program o PTMP kasabay ang araw ng deadline ng franchise consolidation.

Mula Morayta, nagtungo rin ang mga grupo sa kahabaan ng Kalaw Avenue na tutulak sa US Embassy upang kundenahin ang patuloy na interbensyon ng Estados Unidos sa Pilipinas. 

Ayon sa kanila, krisis lamang ang dulot ng panghihimasok ng US sa usapin ng mga patakaran at polisiyang pabor sa kanilang interes tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperative Agreement (EDCA). 

Ngayong taon din inilulunsad ang pinakamalawak na Balikatan exercises na may 17,000 delegado at 14 observer mula sa iba’t ibang bansa mula ika-22 ng Abril 22 hanggang ika-10 ng Mayo.

Kalagayan ng mga Manggagawa sa Pilipinas

“Hanggang ngayon hindi pa rin nag-aabot ‘yung umiiral na minimum wage dun sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa,” ani Banjo Cordero ng Defend Job Philippines. 

Bagaman pinakamataas na sa buong bansa ang P610 na minimum wage sa NCR, kulang na kulang naman ito sa nasa P1,207 na family living wage o ang tinatayang arawang gastos ng isang pamilyang may 5 myembro, batay sa pag-aaral ng IBON Foundation. 

Nananatiling malaking dagok sa sektor ng mga manggagawa at maralita ang pagsirit ng presyo ng bilihin. Bagaman bumagal ang kabuuang implasyon mula sa 4.1% noong Nobyembre tungong 3.9% noong nakaraang Disyembre 2023, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), sumirit naman ang implasyon ng bigas na umabot sa 19.6%, pinakamataas mula Marso 2009. Dahilan ito kung bakit umaabot ng P52 hanggang P60 ang presyo ng bigas.

Maging ang mga tinaguriang “partner-riders” ng ride-hailing apps ay umaaray na sa commission rates ng apps. Ang mga jeepney drivers naman ay bantang mawalan ng hanapbuhay dulot ng PTMP.

Dagdag sahod, occupational health and safety, ipinanawagan

“Patuloy ang panawagan na dapat itaas ang sahod, hindi na lang sa antas ng regional wage board o pagpapatupad ng mas mataas na minimum wage, kung hindi nakakabuhay na sahod,” ani Cordero. 

Ayon sa Wage Increase Now (WIN)-NCR, kinakailangan ng P200 across-the-board na dagdag-sahod upang tumaas ang sahod at pumuntay sa dating panawagang P750 national minimum wage. 

Binigyang-diin din ni Cordero ang pagdagdag ng proteksyon sa mga manggagawa, lalo ngayong panahon ng El Niño kung saan marami sa mga manggagawa ang naaaksidente o nagkakasakit dulot ng matinding init. 

Sa inilabas na Labor Advisory No. 8 noong 2023 ng Department of Labor and Employment (DOLE), pinanawagan nito sa mga employers ang implementasyon ng pleksibleng pagtatrabaho gaya ng work-from-home setups. 

Subalit, nananatili naman ang panukalang “no work, no pay” sa mga lumiliban sa pagtatrabaho dulot ng matinding init, at maaari lamang magbago sa pamamagitan ng Collective Bargaining Agreement sa pagitan ng manggagawa at kumpanya.

Gayundin ay may iba’t ibang uri ng trabaho na hindi naisasagawa sa mga work-from-home setups. 

“Bagamat ngayon ipinagdiriwang ang araw ng paggawa, hindi lang dito matatapos ang panawagan ng mga manggagawa. Patuloy ang panawagan na itaas ang sahod, gayundin ang umiiral na batas hinggil sa occupational health and safety,” ani Cordero.

Mayo Uno 6

“Tayo ay hinaharass ng mga kapulisan, pinipigilang magsagawa ng malayang pagkilos. Hindi ito nangyari lang dito sa embahada, actually, doon pa lang sa Morayta, habang hinahanda natin ‘yung ating pagtitipon para gawin yung programa sa Malacanang, hinarang na ang mga kasama natin mula sa Manibela, ganon din ‘yung tipo ng multi-sectoral sa Morayta.” ani Cordero.

Marahas na pinagtutulak ng PNP at tangkang pagwatak-watakin ang hanay ng mga nagpoprotesta gamit ang water cannon ng trak ng bumbero. Maraming nagpoprotesta ang nagtamo ng mga sugat at galos.

“Pero nakita natin kanina, na kung paano binobomba ng sundalong intsik ang mga Pilipino sa West Philippine Sea, ganun din yung ginawa nila kanina sa mga kapwa nating Pilipino na binomba ng tubig ng mga bombero kanina para lang magprotesta dito sa harap ng US Embassy,” ani Cordero. 

Anim na aktibista ang inaresto ng kapulisan at dinala sa Manila Police District sa parehong araw ng pagkilos. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here