Panawagan ng mga delivery riders ng mga ride-hailing platforms tulad ng Lalamove, Grab at iba pa ang pagkakaroon ng regulasyon pagdating sa commission rates ng mga Transport Network Companies (TNC) and Transport Network Vehicle Services (TNVS).

Kalbaryo bilang Lalamove rider

Agosto 2022 unang pumasok si Ardie Galapos sa Lalamove. Aniya, lisensya at sasakyan lamang ang rekisito at maari nang makapasok sa trabahong ito. Sa bahagi ni Ardie, motor lamang ang kanyang pinatatakbo na umaabot sa iba’t ibang dako ng siyudad at probinsya sa Luzon.

Mayroong tatlong pangunahing kalbaryo ang tulad niyang rider: ito ay ang 20% commission ng kanilang kumpanya, kawalan ng insurance dito, at ang pagtanggal ng base fare na P49 sa kanilang booking sa Metro Manila.

“Tinanggal na totally ni Lalamove ang base fare, magkakaroon lang iyan sa mangilan-ngilan. Halimbawa kung pupunta ka ng malayuan at kapag tumuntong ka ng probinsya, ang base fare nila ro’n ay iba rin ang rate tapos nawawala pa,” ani Ardie.

Bago pa lamang noon si Ardie sa pagiging rider nang mapansin niya ang biglaang pagtanggal ng base fare.

“Lugi kasi kapag tinanggal ito sa booking, ang makukuha nalang ay ang succeeding kilometers. Sa ngayon nga umiiral nalang na P3 per kilometer kami,” pagbabahagi pa ni Ardie.

Taong 2016 unang lumarga ang Lalamove kaalinsabay ng pagkakaroon ng base fare o minimum rate nitong P80, subalit bumaba ito ng P49 hanggang sa tuluyan nang nawawala ayon kay Ardie.

Ibinahagi rin ni Ardie ang kawalan ng maayos na kompensasyon sa usapin ng insurance ng mga riders sa ilalim ng Lalamove. Aniya, kapag nadigrasya ang rider nang walang booking ay hindi ito saklaw ng insurance. Pahirap din ang hinihinging pagpoproseso ng mga dokumento para makakuha nito.

“Kapag wala kang booking, wala kang insurance. Syempre ayaw mong madisgrasya. Pero nangyayari ito. Maswerte pa sa ibang platform,” ani Ardie.

May pagkakataon na ring naaksidente si Ardie kung saan siya ay nagtamo ng gasgas at sira sa motor. Wala siyang booking noong mga panahong ito kung kaya hindi siya nakatanggap ng kompensasyon sa kabila ng kanyang sinapit na kalagayan.

“Hindi ko na ipinagawa yong motor ko noon, sa akin slight lang ito. Pero may iba rin diyan na may matitinding aksidente. Katunayan, ikaw pa rin ang unang gagastos sa panahong maaksidente ka kasi kailangan dokumentado,” aniya.

Ayon pa kay Ardie, higit na ikinagagalit ng mga kapwa niya rider ang 20% commission rate na kinakaltas sa kanilang bawat booking. Ibig sabihin, kung may booking sa halagang P100, ang P20 rito ay mapupunta sa Lalamove.

“Ang layo ng tinatakbo namin ngayon bago ka kumita ng isandaan, hindi mo pa pala kita iyon. Sa isang araw, nakakaanim hanggang walong booking ako. Mag-uuwi na ako nito ng P1,000. Pigang piga na iyon. Kasama pa ro’n ang tip kahit dapat hiwalay ito,” pagbabahagi pa niya.

Nationwide booking strike

Maglulunsad ng nationwide booking strike ang mga rider ng iba’t ibang ride hailing platforms sa darating na Mayo 1 bilang pakikiisa sa paggunita ng Araw ng mga Manggagawa.

Ayon kay Mhon Pantoja, pangulo ng Lalamove Drivers Association at miyembro ng Coalition of Union Couriers and Shippers Services Inc. (CUCSSP), igiit nilang mga rider ang pagpapababa sa 10% hanggang 12% ang commission rate sa Lalamove.

Ayon sa Defend Jobs Philippines, mayroong tier system na ipinatutupad ang ride hailing platforms tulad ng Grab Philippines kung saan may kategorya ang tinatawag nitong mga “member” drivers.

Member: ₱0 per ride

Silver: ₱1 per ride

Gold: ₱3 per ride.

Platinum: ₱6 per ride

Ayon sa DJP, pahirap ang ganitong iskema para sa mga TNVS driver at operator dahil ang dagdag na mga rate ng komisyon ay mas mataas kaysa sa tinatawag na “rebates.”

“Naniniwala kami na ang anumang pagtaas sa komisyon at pagkaltas sa araw-araw na kita na pinapadala sa aming pamilya ay hindi makatarungan, hindi matanggap, at hindi makatao,” ayon sa inilatag na posisyon ng grupo.

Ibinahagi rin ng grupo kasama ang LABAN TNVS at CUCSSP sa inilatag na mga kagyat na panawagan:

  • Ibaba sa 10% ang komisyon sa lahat ng mga ride-hailing app, transport networks, at platform-based companies upang siguruhing pantay na kabayaran para sa mga TNVS riders, delivery riders, at mga siklista.
  • Imbestigahan at bigyang aksyon ang mga kaso ng iligal na suspensyon, pagbabawal, at deaktibasyon ng mga riders at drivers ng mga kumpanya ng transport network na nagpapakita lamang ng kanilang mga pangunahing karapatan upang iprotesta ang hindi makatarungang mga patakaran.
  • Isulong ang pagsasaayos ng fare matrix ng lahat ng mga kumpanya ng transport network.
  • Kilalanin ang batayang karapatan ng mga manggagawa sa online platform hinggil sa makatarungang sahod at marangal na kabuhayan, kasama ang angkop na mga benepisyo.
  • Magkaroon ng transparency sa paggamit ng mga algorithmic management system, o mga tuntunin at kondisyon, upang siguruhing ang integridad at kaligtasan ng mga manggagawang online platform.
  • Magkaroon ng programa hinggil sa social protection para sa lahat ng mga manggagawang online platform, partikular din sa manggagawang kababaihan laluna sa panahon ng pagbubuntis
  • Kilalanin ang karapatan ng mga manggagawa sa online platform sa pag-oorganisa, at pagtatatag ng mga asosasyon o union.
  • BIgyang prayoridad ang usaping kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa sa online platform
  • Iwaksi ang lahat ng anyo ng diskriminasyon at nananawagan para sa ganap na pagtanggap sa lahat ng mga manggagawang online platform.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here