Taong 1978 pa nanirahan ang mga residente sa komunidad ng Manggahan Extension at Sapangbato, Brgy. Bagumbayan, District 3, Quezon City. Nagkakaisa ang mga residente sa pagtatanim ng gulay at prutas maging sa paglilinis ng mga bakanteng lote.

Noong nakaraang taon sa parehong buwan sa kasalukuyan nabuo ang Samahan ng Magkakapitbahay sa Sapangbato at Manggahan (SAMASAMA) laban sa nakaambang demolisyon partikular sa pinoproyektong Flood Control Structure ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Magpahanggang ngayon ay nagpapatuloy ang kalbaryo ng mga maralitang lungsod maging ang mga manggagawa, kababaihan, at kabataan na naninindigan sa karapatan sa paninirahan at kabuhayan.

Sa kanilang mahigpit na ugnayan, malaki ang pagpapahalaga ng mga residente sa puspusang pag-aaral sa mga kasalukuyang sitwasyong umiiral sa lipunan at epekto nito sa kanilang komunidad.

Noong ika-5 ng Pebrero, naglunsad ng talakayan ang Urban Poor Coordinating Council – National Capital Region (UPCC – NCR) sa pakikipagtulungan sa SAMASAMA hinggil sa karapatan sa paninirahan, housing budget, trabaho at edukasyon sa komunidad ng Manggahan Extension at Sapangbato St.

Sa diskusyon ipinalawig ang panukalang Onsight Development, People’s Plan Bill na nagtataguyod sa Karapatan ng lahat ng mahihirap para sa socialized at adequate housing.

“Ang People’s Plan ay isang site development plan na ginagawa sa pagtutulungan ng mga kasapi ng komunidad, local government unit, at iba pang ahensyang gubyerno o pribado. Kung hindi magiging aplikable ang onsite development o in-city resettlement, near city ang magiging pamamaraan ng paninirahan,” saad sa pahayag ng UPCC – NCR.

Tinitiyak ng alinmang kaparaanan ang pagkakaroon ng maayos na sistemang pagkalusugan, sanitasyon, security plan, self-help housing cooperative, livelihood, self-help development, capacity building at iba pang batayang karapatang tinatamasa ng structure owners, tenante, sharers, renters sa isang komunidad.

Ayon sa UPCC – NCR, higit 6.8 milyon na ang housing backlogs sa bansa. Pinangangambahang lolobo pa ito sa mga susunod na taon kung hindi kagyat na lalapatan ng angkop na solusyon.

Bukod sa komunidad ng Brgy. Bagumbayan, nagpapatuloy rin ang pangangamba sa demolisyon ng ilang maralitang komunidad sa NCR tulad ng sa Maysapang sa Taguig, Pook Arboretum sa Quezon City, at iba pa.

Sa mga inililikas buhat ng sapilitang pagdedemolis, karamihan sa mga pamilyang biktima ay napupunta sa malalayong lugar kung saan malayo rin sadya sa kanilang trabaho at kabuhayan. Umaaray rin sila sa monthly amortization dahil ang mga pabahay ay hindi naman kaloob ng gubyerno kundi ay patuloy nilang babayaran sa pamamaraang hindi rin namamantini ng pamilya.  Sa ganitong itsura, natutulak silang isanla o ibenta ang kanilang unit at napipilitan bumalik sa dating lugar.

“Hindi maaring mademolis ang isang komunidad nang walang sapat na konsultasyon at preparasyon para sa site development plan,” paglilinaw ng UPCC – NCR.

Nanawagan naman ang SAMASAMA at UPCC – NCR kina Mayor Joy Belmonte, Kapitan Alex Cruz, at Pangulong Bongbong Marcos Jr. na pakinggan sa aming boses ng mamamayan para isulong at isabatas ang Onsite Development, People’s Plan Bill na magtitiyak sa kanilang Karapatan sa paninirahan at kabuhayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here