Madaling araw ng Agosto 14 nang pumasok sa email ko ang isang PDF attachment na mula sa Covid-19 testing laboratory. Medyo kampante pa ako dahil kamakailan ay nag-negative ang isang kasamahan sa tinutuluyan. Subalit laking gulat ko nang makita ang mga nakasulat sa pula: ”SARS – CoV-2 (causative agent of COVID-19) viral RNA detected.”

Nagpositibo ako. Sumunod nun ay may tumawag na mula sa Health Department ng lokal na pamahalaan. Tinatanong ang kalagayan ko. Tinanong kung bakunado ako. Kako ay bakunado na ako. Nakumpleto ang 2nd dose ng bakuna noong nakaraang buwan.

Makalipas ang dalawang araw ay muli na namang may tumawag. Umaga noon. Mga bandang alas-nwebe. Susunduin daw ako sa aking tinutuluyan at dadalhin ako sa Quarantine Facility. Sa isip-isip ko ay baka nga makatulong  upang maiwasan na makahawa ng iba, at para na din maranasan ang kalagayan sa loob ng facility. Mahigit-kumulang sampung araw daw ang itatagal ko sa pasilidad. Tinanong ko kung ano ang mga kailangan dalhin. Ang sabi ng babae sa telepono na magdala ako ng beddings, kumot, tabo at timba, damit na sapat pang sampung araw at toiletries. Tatawagan daw ako ng ambulansya kapag susunduin na.

Nagmadali akong mag-empake. Susunduin daw ako bandang matapos ang pananghalian.  Dumating ang ambulansya bandang ika-3 na ng hapon. Hindi na sumiksik sa eskinita ang ambulansya at inabangan na lang ako sa kanto. Mabuti na rin, para hindi mabulabog ang mga kapitbahay.

Pagbukas ng pinto ng ambulansya ay may lalaking nakaupo sa loob. Nakashort at medyo payat. Nakasuot ng face mask, hawak ang backpack na sa palagay ko ay may lamang mga damit. Mukhang dadalhin din sa quarantine facility. Humarurot ang ambulansya at binuksan ang maingay na wangwang na tila may agaw-buhay sa loob. Akala ko tuloy ay marami pang susunduin kaya nagmamadali. Nasa harap naman ang balot na balot sa PPE na health worker pati ang driver.

Nakakwentuhan ko ang lalaking kasabay sa ambulansya. Siya si Roel (hindi tunay na pangalan). Isang service crew sa isang sikat na banyagang burger chain sa bansa. Manganganak na ang kanyang nobya sa darating na Oktubre.

Ilang saglit na lang ay nasa quarantine facility na kami. Pinapasok sa disinfecting booth at pinaambunan ng disinfectant. May partition ng plastic celophane sa pagitan ng health worker at yung COVID-19 ward. Sinenyasan ako ng health worker na pumunta sa BED 10.

Pagdating sa Bed 10, napansin ko na tila may kakagaling lang doon. Tila hindi malinis ang unan at kutson. Tila isang maliit na kwarto ang bawat espasyo. May kurtinang puti na nagsisilbing entrance ng bawat cubicle.  Mayroon ding tig-isang electric fan, lamesa, ilaw at saksakan.

May nakapaskil din sa pader na tagubilin sa mga bagong dating. Nakasaad na walang tiyak na oras ang dating na pagkain. Nasa bandang dulo ako nakapwesto. Ang akala ko ay may mag-iikot para maghatid ng pagkain. ‘Yun pala ay pupunta sa bandang harapan para pumila para sa pagkain. Dahil may kalayuan, ‘di maririnig ang pag-anunsyo ng pagkain, mas pakiramdaman na lang.

Huli na ako nakakain sa unang gabi. Mga alas otso-medya na siguro yun. Buti na lamang ay nagtanong ako sa kapwa pasyente kung nakakain na siya. Pumunta lang daw ako sa harap at doon nakalagay ang pagkain. Nakabalot sa plastic ang kanin at ulam. Sa kasamaang palad ay naubusan ako ng tubig. Nagbibigay sila ng pagkain tatlong beses sa isang araw na may kasamang tubig na maliit. Hindi sapat ang tubig na maliit at kailangan talaga ng mas maraming tubig para mapawi ang uhaw sa maghapon. Kaya mapalad kung may pera ka dahil makakapag-order ka ng sarili mong pagkain at makakapagpabili sa courier services o kaya’y may maghahatid na pamilyang nagmamalasakit. Pero papaano ang maralitang walang pang-GrabFood o Foodpanda? O walang pamilyang nasa malapit o malalapitan para sa tulong?

Iba iba rin ang pagkain ang lutong pagkain sa quarantine facility. Madalas ay lutong manok. Minsan tinola, minsan ay adobo. Kung hindi manok, delatang tuna naman ang pinapakain sa amin sa hapunan. Mismong delata ang kasama sa loob ng styro ng nakabalot na kanin. Minsan naman ay corned beef ang ulam.

Dalawang beses kami kinukuhanan ng vital signs: blood pressure, oxygen level at temperature. Isang beses sa umaga tapos isang beses sa gabi.

May pumapasok na janitor sa quarantine facility upang hakutin ang basura at linisin ang banyo. Liban doon ay kami-kami lang ang naroroon. Ang ibang CR ay sira ang pinto. Kulang din sa timba kaya pala kami pinagdala.

Bawal gumala-gala sa quarantine facility at bawal din magkumpulan. Pangunahing kalaban sa quarantine facility ay ang inip. Kaya madalas maririnig sa maghapon ang mga tunog ng mga gadget. May maririnig kang nanonood ng video, o kaya’y ka-video call ang mga kamag-anak.

Dahil ang aming quarantine facility ay isang dating gymnasium, may mga bleachers sa gilid na maaaring upuan. Minsan ay may mga tumatambay sa labas ng kanilang cubicle at umuupo sa bangko. Dahil alam ang panganib ng COVID-19 ay nakaface mask at nakadistansya silang nagkwekwentuhan.

Di rin ako nakatiis at lumabas din upang makipagtalakayan. Doon ka napagtanto ang samu’t saring kwento ng mga taong may COVID-19. Halos lahat ng nakakwentuhan ko ay mga padre-de-pamilya. Iba-iba rin ang kabuhayan. Mayroong engineer, tricycle driver, seaman, IT professional at mayroon ding nawalan ng trabaho bunga ng pandemya. Hindi sila mga estadistika lamang kundi mga buhay na taong may mga hangarin. Sila marahil iyong mga lumalabas pa rin sa araw-araw para maghanapbuhay sa gitna ng paiba-ibang kautusang lockdown ng gobyerno.

Nasaksihan ko din sa quarantine facility ang pagtutulungan. Kapag halimbawa naubusan ng tubig ang isa, sumasaklolo ang iba. Kapag may umuuwi, ipinapamahagi nila ang pagkaing hindi pa nagagalaw. May isang pagkakataon na may nanlibre ng fried chicken ang isang kapwa pasyente. Minsan may dumating na maraming bagahe, kapwa pasyente ang tumulong magbuhat nito. Dahil sira ang electric fan sa kanyang silid, hinatiran ng maayos na electric fan ng kapwa pasyente. Ang naging biro nga doon ay tila tayo-tayo din lang din ang magtutulungan. Totoo ito sa panahon ng sakuna at ng pandemya, at totoo rin ito maging sa loob ng quarantine facility.

May mga malulungkot ding kwento. Ang isang nakilala ko ay si Joey, isang padre-de pamilya na nasa 30s. Parehas sila ng nanay niyang nagpositibo sa COVID-19. Kakamatay din lamang ng kanyang ama, wala pang isang linggo ang nakalipas. Ang saklap pa nito ay kumpleto na ang bakuna ng ama nang tinamaan ng COVID-19. Naging mabilis ang pangyayari, hindi na nakapagluksa ang pamilya at agad na-cremate ang mga labi.

Karamihan din ng nakakwentuhan ko sa quarantine facility ay bakunado na. Mabuti na rin na bakunado na rin ako dahil baka sa ospital ang bagsak ko kung naging malala ang sintomas. Kalakhan sa dinadala sa quarantine facility ay mga mild o asymptomatic cases lamang. 

Sa ika-sampung araw ng pag-quarantine, pinayagan na akong lumabas. Nag-empake na ako at nagpaalam sa mga naging kaibigan sa pasilidad.

Bago ako pinalabas ay pinangaralan muna ako ng staff. Ang sabi sa akin ay dapat hindi ko itinatago ang aking sintomas kung meron man, dahil kung may sintomas pa ako ay tatagal pa ang aking pananatili sa quarantine facility. Sang-ayon naman ako dito dahil ang magiging kawawa ang mga nasa kapaligiran kung sakali man nagsinungaling ako.

Sa kabuuan, masasabing mas maraming positibo kaysa negatibo sa aking naranasan. Sinikap naman ng lokal na pamahalaan na mabigay ang nararapat sa kanyang mga residente. Nabakunahan ako sa siyudad na ito, at nakapagpa-swab test din ng libre. Ginigipit ito ng administrasyong Duterte kamakailan. Kung mayroon man tayong dapat singilin, ito ay ang mga nagpabaya sa pambansang pamahalaan.

Nasa balita na patuloy na tumataas ang bilang ng may COVID-19 sa buong bansa. Makailang-ulit nang nalampasan ang mga rurok na inabot noong nakaraang taon. Nagsulputan ang iba’t ibang variant. Sa kabila nito ay may bahagyang pagluwag sa lockdown, mula sa ECQ ay naging MECQ na. Mula sa kailangang magbigay ng ayuda ang gobyerno sa ECQ ay sa MECQ ay wala na. Kaliwa’t kanan ang anomalyang isiniwalat ng Commission on Audit sa paggastos sa pondo sa pagtugon sa pandemya. Hindi pa rin nababayaran ang mga manggagawang pangkalusugan ng kanilang mga benepisyo, nagbabadya ang mass resignation, at sa panukalang badyet ng Kagawaran ng Kalusugan ay wala na ang mga benepisyo para sa mga health workers. Sinabi rin ng kalihim nito na sa kanilang tantya, at sa tantya ng mga eksperto at institusyon sa labas ng bansa, aabot pa ng isa o dalawang taon ang pandemya. Ano na ang mangyayari sa mga susunod na buwan o taon?

May matinding sakit ang ating lipunan. Hindi ito malulutas sa pamamagitan ng lamang ng pagkanya-kanyang pagkulong sa mga dekwadradong silid. Tayo’y gagaling lamang kung tayo’y magtutulungan i-isolate ang beerus na nasa kapangyarihan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here