Umaabot na sa 13,000 o isang libo kada buwan ang napapatay sa gera kontra droga ng gobyerno mula nang maupo sa pagkapangulo si Rodrigo Duterte. Samantala, higit lang sa 3,000 na napatay ang itinatala at iniuulat ng Philippine National Police (PNP) na bilang ng mga napatay sa drug war. Ang mas malaking bilang ay kinukulumpon sa tinatawag na DUI o death under investigation—patay na, pero hindi pa binibilang sa patay dahil iniimbestigahan pa kung sa droga o gera kontra droga ba talaga ang ikinamatay.

Matapos mapahinto dahil sa mga anomalya at paggamit ng pulis ng drug war para sa mga iligal na aktibidad—kidnapping, pangingikil, pagpatay, gaya sa Koreanong negosyanteg si Jeck Ick Joo—saglit lang nahinto at mas pinaigting ang mga operasyon ng pulisya sa iba’t ibang bahagi ng bansang Pilipinas bilang bahagi ng drug war. Sa balita naman ng midya, tuloy-tuloy ang mga pagpatay kahit na saglit na sinuspinde ang Oplan Tokhang o Double Barrel.

Muling nalagay sa spotlight ang usapin ng drug war matapos 60 ang napatay sa iba’t ibang lugar sa loob lamang ng tatlong gabi. Pinuri pa ni Duterte ang mga madugong operasyong ito bilang pagsulong ng gera kontra droga. Sa kahuli-hulihan ng mga balita, lumabas ang CCTV footage at mga pahayag ng mga testigo sa paghuli at pagpatay sa isang menor de edad, nagmumungkahi taliwas sa opisyal na pahayag ng mga pulis na ‘nanlaban’ na naman ang biktima.

Si Kian Lloyd Delos Santos, 17 taong gulang at isang mag-aaral sa Grade 11, biktima sa ‘Oplan Galugad’ ng pulisya sa Lungsod ng Kalookan noong Agosto 16, 2017. Isa lamang sa mga menor de edad na napatay sa gera kontra droga.

Dahil sa pangyayaring ito, umaalingawngaw ang mga pagkondena sa kasalukuyang serye ng mga patayan sa ngalan ng drug war at ang nakadudurog-pusong mga kuwento ng mga kapamilya, kamag-anak, at kaibigan ng mga nasawi. Lumalabas din sa mga oras na ito ang mga pagsususri na dapat nang baguhin ni Presidente Duterte ang kanyang paraan ng paglutas sa malalang problema ng Pilipinas sa droga kung ayaw niyang mapaaga ang pagkasira ng kanyang political capital at ang kanyang pagbagsak.

mula kay Kathy Yamzon
mula kay Kathy Yamzon

“Hindi lang gadaan-daan ang pinapaslang ng mga pulis sa war on drugs ni Duterte. Galibo-libo. Umaabot na sa 13,000,” ayon sa CPP founding chairman at NDFP chief political consultant na si Prof. Jose Maria Sison.

“Garapal na inuudyukan ni Duterte ang mga pulis na pumatay sa mga mahirap na drug addict at pusher. May premyo sa pulis na P50,000 sa bawat ulo ng minarder at may garantiya si Duterte na kung may ma-convict sa extrajudicial killing ay bibigyan niya ng pardon at promotion,” dagdag niya.

Maraming inosente umano ang pinapaslang, suspect pa lamang dahil sa sumbong ng personal na kalaban ay pinapaslang na.

Iginiit ni Prof. Sison na hindi umano malulutas ang problema sa droga dahil hindi tinatarget ang nasa top-level na drug lords at mga protector nilang mga gobernador, heneral at mga kamag-anak at kabig ni Duterte.

Lumilitaw pa nga umano na mismong anak ni Duterte na si Paolo, kasalukuyang bise-alkalde ng Davao City, ay bayaran at kasabwat ng mga drug smugglers.

Nais umanong ipatanggap ni Duterte sa masang Pilipino na gawang mabuti o matino ang mass murder ng mga pobreng drug addict at pusher dahil balak niyang gamitin ang Tokhang method of mass murder laban sa mga suspected communist at New People’s Army (NPA), ani Prof. Sison.

“Nagpahayag na si General Año ng ganitong balak at ang pinataas na premyong P100,000 bawat ulo ng suspect na pinaslang. Minamabuti ang murder para ang biktima ay hindi na makapagreklamo sa maling paratang at premyo,” wika niya hinggil sa pagbibigay ng mataas na pabuya para sa sinumang makapapatay ng makikitang ‘komunista.’

Ipinaliwanag ni Sison na ang drug war at ang all-out-war laban sa NPA ay “parang sa Plan Colombia, kunwari anti-drugs ang pagbubuo ng paramilitary units at pagpatay sa mga may kinalaman sa drugs at isinunod na target ay ang FARC, ELN at iba pang mga rebolusyonaryo.”

“Alam ni Duterte na wala siyang solusyon sa tumitinding krisis panlipunan at pang-ekonomya. Kung kaya, idadaan niya sa anti-communist massacres ang pagtakip sa krisis,” sabi ni Prof. Sison.

Itinuring niya ang mass support o popular rating ni Duterte bilang ‘artipisyal at contrived.’

Gawa pa umano ng mga DDS troll sa social media, ilang peryodista, brodkaster at bayarang poll survey firms ang panalo niya sa eleksyon at pagkabilib nang isang taon ng minorya na naghalal sa kanya (16 million o mga 40 per cent).

“Pabagsak na ang rating niya habang nalalatantad na bahagi ng drug problem ang mga Duterte (ama at anak) at palalala ang corruption at criminality ng mismong nasa kapangyarihan,” ayon sa CPP founding chairman hinggil sa mga lumalabas na rebelasyon hinggil sa pagkakasangkot umano ng pamilyang Duterte sa drug smuggling.

“Hinaharap na siya ng 60 per cent ng masa at dinagdagan na ito ng mga dismayado kay Duterte mula sa dati niyang 40 per cent.”

Mula’t sapul, aniya, ab initio, palpak agad ang drug war ni Duterte.

Paolo Duterte | litrato mula sa Presidential Communications Operations Office
Paolo Duterte | litrato mula sa Presidential Communications Operations Office

Kung anak umano mismo ni Duterte ay kasabwat ng mga drug smuggler sa Davao, Manila at iba pang pwerto, paano malulutas ang drug problem? Pinapaslang ang pobreng mga adik at pusher, pero ligtas ang mga pinakamalaking drug lord at protector basta’t sila ay well-connected sa “overlords of drug lords” (Duterte father and son).

“Ginagawang kriminal ang mga pulis at binibigyan ng premyo (pera, promotion at pardonkung kailangan pa) para maging criminal syndicate ni Duterte ang mga pulis,” pahayag ni Sison hinggil sa tunay na layunin ng pagbibigay-kapangyarihan sa pulisya para pamunuan ang drug war ni Presidente Duterte.

Ipinaliwanag naman ni Sison na ang bawat pagsalag sa mga tumutuligsa sa drug war ay pawang mga “panlilinlang sa masa para suportahan o hayaan nila si Duterte na gumawa ng mass murder.”

Nangyayari umano ang lynch mob ng mga DDS at mga pasista habang wala pa o mahina pa ang paglaban sa hanay ng masa.

Hinggil sa posibilidad na buhaying-muli ang drug war sa US, ipinahayag niya na inspirasyon nga ni Duterte si Presidente Donald Trump.

“Posible ring gamitin ni Trump ang drug scare pero magagamit siyang paraan para mamaypay ng pasismo sa US at sa daigdig.”

Ang paghingi ng lubos na suporta mula sa mga lokal na pulitiko ay palatandaan na “tiyak na naghahanda siya para sa susunod na eleksyon.”

“Ang garapal na pag-murder ng tatlong mayor ay warning sa ibang mayor na hindi sila puwedeng lumaban kay Duterte at magkaroon ng teritoryo sa drug trade.”

Bulgar na minura umano niya ang mga kalaban sa pulitika, ang Simbahang Katoliko, ang nakaraang gobyernong Obama ng US, ang European Union at ang mga human rights groups dahil galit siyang pinakikialamanan ang human rights violations at ginawa pa niyang pagpapakabayani ang mga ito.

Malugod na tinanggap ni Duterte sa Malacanang si Admiral Harry Harris, Jr., pinuno ng United States Pacific Command | Presidential Communications Operations Office
Malugod na tinanggap ni Duterte sa Malacanang si Admiral Harry Harris, Jr., pinuno ng United States Pacific Command | Presidential Communications Operations Office

“Wala siyang depensa sa kanyang kapalpakan at sa katotohanan na kaugnay pala ang mismong anak niya sa mga drug lords at smugglers,” wika ni Prof. Sison hinggil sa nakabibinging pananahimik ng presidente sa pagkakasangkot umano ng kanyang panganay na lalake sa drug smuggling.

“Inaksehera lamang ni Duterte ang bilang ng drug addicts mula 1.8 hanggang 4.8 million para tawaging narco-state ang Pilpinas.  Bumabalandra ang propaganda niya, bumilis ang pagdami ng mga drug adik dahil sa kanya.”

“Sira-ulo siya sa pagbabantang papatayin niya ang mga human rights advocates.  Pero consistent siya sa kasiraan ng ulo. Human rights violations ang extrajudicial killings ng mga human rights advocates at activists. Pati mga suspected communists at NPA,” pahayag ni Sison hinggil sa paulit-ulit na banta ng presidente na ipapatay niya ang mga aktibista dahil sa kanilang paninindigan laban sa nagpapatuloy na patayan sa gitna ng kanyang drug war.

Hindi na natuto sa kasaysayan, suri ni Prof. Sison.

“Ulol si Duterte sa pagpapalagay na malulutas ang drug problem sa mass murder ng mga poor drug users at hindi ang pag-aresto sa drug lords, drug manufacturer at drug smuggler at kumpiskahin at sirain ang mga kagamitan at supply nila. Hindi marunong matuto sa masasamang halimbawa ng mass murder sa Mexico, Colombia at Thailand at mabuting pagtrato sa mga drug user bilang mga maysakit at i-rehab tulad sa European countries,” wika niya hinggil sa pagmamatigas ng presidente na ituloy ang drug war.

“Nanalo ‘yan sa eleksyon sa pagkukunwaring ayaw niyang tumakbo primero at ayaw manalo kahit na tumakbo na siya. Ayon pala may sabwatan na siya sa mga Marcos, Arroyo at Estrada para idagdag sa solid regional vote niya,” wika ni Prof. Sison hinggil sa makinaryang pulitikal na nag-ambag sa pag-upo ni Duterte sa estado poder.

Dagdag pa, “false modesty to deceive the masses and impress the people that only the other candidates were greedy and interested in the presidency. Now, he is trying to make people believe that he is not interested in staying in power but he is actually viciously threatening those who criticize and oppose him with martial law and all his powers (Huwad na kahinhinan para linlangin ang masa at ipangalandakan sa mga tao na ang mga ibang kandidato ay sakim at hinahangad ang pagiging presidente. Sinusubukan niya ngayon na paniwalain ang mga tao na wala siyang hangad na manatili sa estado poder pero tinatakot naman niya talaga ang mga pumupuna at tumutuligsa sa kanya sa pamamagitan ng batas-militar at ng kanyang mga kapangyarihan).”

mula sa Presidential Communications Operations Office
mula sa Presidential Communications Operations Office

“Ipokrito at hayop na matakaw sa dugo pa rin.”

Ayon sa kanya, kailangan ang broad united front na kabilang ang patriotic and progressive mass movement, opposition parties, mga simbahan, mga matitinong nasa gobyerno at mga militar at pulis na tutol sa mga kriminal na patakaran at kilos ni Duterte at mga die-hards niya.

“Walang kwenta ang magreklamo lamang; magreklamo at ibagsak ang US-Duterte regime,” punto ni Prof. Sison hinggil sa posibleng pagbubuo ng nagkakaisang prenteng anti-pasista.

Sa pagpapabagsak nito, pagbibigay-diin niya, may pagkakataong magpalakas ang pwersang rebolusyonaryo o sumulong hanggang tagumpay na katulad ng pagbagsak ng mga rehimen nina Batista ng Cuba, Somoza ng Nicaragua, Chun Doo-Hwan ng Timog Korea, Idi Amin ng Uganda, Suharto ng Indonesia, at nina Ferdinand Marcos at Joseph Estrada rito sa ating bansa.

Guninita ng masang Pilipino ang ika-24 anibersaryo ng kamatayan ni dating Senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. noong nakaraang Lunes, Agosto 21. Kahit siya ay isang ‘radical rich guy’, nanindigan siya na ang pagsandig sa panunupil at pasismo ay maling solusyon sa malalawak na problema ng bansang Pilipino. Ang pagpatay sa kanya noong 1983 ay gumising sa kamalayan ng masa hinggil sa pagkakaisa at paglaban sa isang rehimen na hindi na nga nakikinig, bagkus ay gumagamit pa ng karahasan at panunupil laban sa taumbayan.

“Makabayan at progresibo ang paglaban ni Ninoy Aquino sa pasistang rehimen ni Marcos. Naging martir siya. Makabuluhan ito at ang kanyang sakripisyo ay naging mahalagang sanhi ng pagbagsak ni Marcos,” sabi niya.

Dapat umanong parangalan at gunitain ang ala-ala at pamana ni Ninoy, laluna’t may presidente na muling nais maging pasistang diktator at idolo pa man niya ay si Marcos.

Ibang usapin naman umano ang record ng asawa ng dating senador at naging presidente na si Cory at ng kanilang kaisa-isang anak na lalaking si dating Presidente Noynoy.

Mahalagang layunin naman umano ng malawak na nagkakaisang hanay ang paghiwalay at pagpapabagsak sa kasalukuyang pinakareaksyunaryong rehimen ni Duterte.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here