“Gutom ang inaabot ng mga estudyante dahil sa taas presyo ng mga bilihin,” pagbabahagi ni Lorena Marie Campos, organisador ng Gabriela Youth National Capital Region at kasalukuyang estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines.
Kasama si Campos sa iba’t ibang grupo ng mga kabataan at kababaihan na naglunsad ng iglap-protesta sa pangunguna ng Gabriela Youth noong ika-1 ng Marso sa Mendiola.
Bitbit ng mga grupo ang mariing pagtutol sa panukalang charter change sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Para kay Campos, apektado ang lahat ng sektor ng lipunan sa usapin ng charter change.
“Bilang kabataang estudyante, ang lala nitong epekto ng panukalang chacha kasi nariyan na ang sobrang taas ng bilihin, ng pamasahe, at pilit naming pinagkakasya yung baon namin na kukunin pa sa kakaunting sahod ng aming mga magulang,” dagdag ni Campos.
Naging mainit na usapin ang charter change o chacha dahil sa ipinapalaganap na petisyong “people’s initiative” sa iba’t ibang komunidad sa loob at labas ng National Capital Region. Ipinapakete ang petisyon bilang tulong pinansyal habang hinikayat ang mga residente na pumirma nang walang wastong orientasyon ukol sa nasabing petisyon.
Ayon sa Gabriela Youth, layunin ng panukalang chacha na buksan ang bansa sa 100% foreign ownership at pahabain ang termino ng kasalukuyang nakaupo sa gobyerno sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Nanguna si Senate President Juan Miguel Zubiri sa panukalang Resolution of Both Houses (RBH) 6 para isulong ang pag-amyenda sa ilang economic provisions sa konstitusyon, partikular sa mga Artikulo 12, 14, at 16 na may kaugnayan sa mga paghihigpit sa dayuhang pag-aari sa pampublikong pag-aari, institusyon ng edukasyon, at industriya ng advertising.
Sa bahagi ng Seksyon 11 sa Artikulo XII, nakasaad sa RBH No. 6 ang pagdadagdag ng “unless provided by law” dahilan upang palabnawin ang restriksyon hinggil sa pampublikong pag-aari.
Sinuportahan naman ito ni House Speaker Martin Romualdez na pangunahing naglunsad ng People’s Initiative campaign ayon sa Gabriela Youth.
Noong Pebrero 19, inihain ang RBH 7 sa House of Representatives. Halos katulad ito ng RBH 6 kung saan maaaring magpanukala ng mga pag-amyenda ang Kongreso “sa pamamagitan ng 3/4 na kabuoang boto mula sa kanyang mga miyembro.”
Mayroon lamang pagkakaiba sa RBH 7 at RBH 6 na panukala ng Senado na nagtatakda ng hiwalay na boto para sa bawat kapulungan upang isulong ang panukalang chacha. Ibig sabihin, hinihimok sa RBH 7 ang lahat ng miyembro ng Kongreso na magkakaroon ng pagkakataon na talakayin ang nilalaman ng RBH 7 sa halip na magsimula sa antas ng komite.
“Hindi nasosolusyonan ng chacha ang mga pangunahing pangangailangan at problema ng mga kabataang estudyante,” ani Campos. Daing ni Campos na sa pamamagitan ng chacha ay magpapatuloy ang kawalan ng aksesibleng edukasyon at represyon sa mga kabataang estudyante.
Ayon sa kanya, hinarap ng mga kabataan ang komersyalisasyon ng mga paaralan sa anyo ng pagtaas ng matrikula at budget cuts. Dagdag pa rito ang pagratsada ng Mandatory ROTC sa mga kolehiyo at unibersidad.
Inaalala rin ng mga kabataan ang isyu ng mga drayber at operator sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na naglalayong i-modernize ang mga tradisyunal na jeep sa pamamagitan ng pag-import ng air-conditioned e-jeepneys.
Ayon pa mga nagprotesta, madali na lamang para sa administrasyong Marcos Jr. kasama ang ilang kroni nito sa Kongreso para itulak ang mga panukalang batas na hindi magdudulot ng kaginhawaan sa alinmang sektor.