Naglunsad ng forum ang Defend Manila, isang alyansa ng mga indibidwal at organisasyong nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng bawat Manileño, noong Marso 3 sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Inc.

Bitbit ng pagtitipon ang temang, “Kabuhayan, Karapatan at Kasarinlan Hindi Cha-Cha!” kung saan nagbahagi ng karanasan at mensahe ng pagtutol ang mga kabataang estudyante, maralita, manggagawa, kababaihan, tsuper, at taong-simbahan laban sa mapanlinlang na People’s Initiative at nakaambang Charter Change (Cha-Cha) ng rehimeng Marcos Jr.

“Hindi naman ito ang sagot sa paghihirap ng taumbayan. Sinasabi nila na People’s Initiative ang nagtutulak ng Charter Change pero hindi naman talaga yung mga mamamayan ang nagtutulak nito. Makikita natin yung inconsistency at pagsisinungaling na nagaganap para [maitulak] yung tunay na agenda sa likod ng Charter Change,” ayon kay Sey Lucillo, convenor ng Defend Manila.

Itinatatag din ang Defend Manila upang isulong ang pangunahing kampanya nito na tugunan ang pakikibaka ng mga manggagawa at maralitang Manileño sa usapin ng mataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod, kontraktwalisasyon, at demolisyon.

“Sa ngayon, nagpapatuloy ang laban sa usapin ng mga natanggal sa mga manggagawa sa kanilang pagawaan,” saad ni Francisco Manaog, Pangulo ng Unyon ng Manggagawa sa Harbor Center at Manila Workers Unity.

Matatandaang iligal na tinanggal sa trabaho ang mahigit 378 manggagawa ng Harbour Centre Port Terminal Inc. noong taong 2020. Bagaman pinaboran ng Korte Suprema ang mga manggagawa laban sa HCPTI, hindi pa rin nila nakakamit hanggang ngayon ang separation pay, panunumbalik sa trabaho at regularisasyon sa kumpanya.

Gayundin, umaasa ang karamihan sa mga maralitang kababaihan sa iba’t ibang raket upang pantustos sa araw-araw.

“Talagang pawang kahirapan at krisis na po ang hinaharap. Pagdating po sa mga presyo ng bilihin, ano po ba ang kabuhayan ng Tondo? Kundi mga walang permanenteng trabaho, kundi nabubuhay lamang po sa pangangalakal, pagtitinda, paglalabada. At higit po sa kababaihan, pagbabalat po ng bawang. Isang sako, isang daan. Saan po aabot? ‘Yan pong krisis na ‘yan ay hanggang sa ngayon ay nandoon pa rin,” salaysay ni Nalinda Buenaventura ng Gabriela Tondo Chapter.

Bukod pa sa lumulobong bilang ng walang maayos na trabaho at humaharap sa krisis, lalong lumalala ang sitwasyon nila sa talamak na paglabag sa karapatang pantao at militarisasyon ng 11th at 12th Civil Military Operations (CMO) Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa iba’t ibang barangay ng Maynila.

“Isa sa mga primary objectives [ng Defend Manila] ay mapalayas ang 11th at 12th CMO Battalion dito sa Manila,” diin ni Lucillo.

Aniya, kaugnay ng mga laban ng masa para sa kabuhayan sa araw araw iyong laban din sa pagsikil sa kanilang karapatang mag-organisa, magprotesta, at magpahayag.

Sa pagtatapos ng forum, pinirmahan ng Convenors ng Defend Manila ang isang unity statement na nagsasaad kung bakit tutol sila sa pag-amendya sa Konstitusyon at magiging epekto nito sa mga Manileño.

“Lalong maghihirap yung taumbayan sa usapin ng sahod, trabaho, at mataas na presyo ng mga bilihin, pabahay, edukasyon at iba pa dahil mas lalong iigting yung neoliberal policies na isinusulong ng current administration,” dagdag ni Lucillo.

Giit ng grupo, dapat kagyat na tugunan ng administrasyong Marcos Jr ang pang-ekonomiyang pangangailangan ng mga mamamayan, itaguyod ang ating mga demokratikong karapatan at protektahan ang soberanya imbes isulong ang Cha-Cha.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here