MAY BUTIL-BUTIL pa ng tubig-ulan nang alisin ko sa pagkakabalot ang plastik-labo ng aking cell phone. Iniabot ‘to sa ‘kin kanina ng isang manggagawang nakatalukbong lang ng bimpo sa ulo habang nakikisilong kami sa kanilang piket. Katatapos lang kasi no’ng bumuhos ang ulan na sinabayan pa ng malakas na ihip ng hangin. Nakatutuwang sa pang-anim na araw nilang pagwewelga ngayong May 23 sa labas ng Gate 2 ng Asia Brewery Compound (ABI), pagkagutom, walang-humpay na water cannon at pamamato sa kanila ng mga tauhan ni Lucio Tan, tila manhid na sila sa simpleng buhos ulan.

Inilagay ko sa basurahan ang plastik. Kasabay ng pagtila ng ulan ang pagpapaabot ng mensahe ng iba’t ibang organisasyon.Kabilang kaming nasa Alliance of Concerned Teachers (ACT) na bumiyahe pa-Sta. Rosa, Laguna, buhat pa sa Maynila, para suportahan ang panawagang pagpaparegular sa halos 400 manggagawang kontraktwal ng Tanduay Distillers Inc. Nakibitbit din kami ng kanilang mga plakard at nanghingi ng donasyon sa mga dumaraang sasakyan. Nakatutuwang karamihan sa mga nagbigay ng tulong ay mga manggagawa ring dypni drayber at mga nakamotorsiklo.  Napangiti rin ako sa isang drayber na nagde-deliver ng mga prutas. Iniabot niya sa mga kasama namin ang pakwan na may konting biyak sa gitna.

Ilang eksena mula sa welga:

litrato mula sa PAMANTIK KMU

Bago namin napuntahan ang ABI, nalaman kong hindi lang pala mga manggagawa ng Tanduay ang nagwewelga sa Laguna. Nahagip ko sa daan ang mga itim na telang nakasabit sa gate ng pagawaan ng Phil Steel Workers Union (PWU) tungkol sa nakabubuhay na paggawa at ganoon din sa Cabuyao ang NXP Semi Conductors. Napalingon din ako sa lawak ng pabrika ng Nestlé at naalala ang welga ng mga manggagawa roon noong 2004.

Sumakay ulit kami sa sticker van ng ACT. Napagplanuhan namang magsagawa rin ng welga sa Gate 3 naman ng ABI kasama ang iba’t ibang organisasyon at karamihan sa mga manggagawa ng Tanduay.  May mga naiwan din para magbantay sa piket.

Binagtas namin ang makitid na kalye papuntang Gate 3. Sakto lang ito sa dalawang sasakyan kaya may mga nakamotorsiklong napapatigil sa gilid para lang paraanin ang mga dumaraang sasakyan.

Mga barumbarong at mga matandang nagwawalis ang bumungad sa amin sa kanang bahagi ng kalye. Sa kabila, halos lagpas-taong bakod na may barikada ng alambre. Natanaw ko sa malayo ang magkakapatong na beer case na may iba’t ibang kulay at nakaparadang delivery truck at multicab ni Lucio Tan. Tanaw rin ang malaking warehouse ng Tanduay na nakatikom ang malaki nitong pinto.

Para lang may mapaglibangan, nagkwentuhan muna kami sa loob ng van. Hanggang ang kwentuhan ay maging tawanan at biruan. Kesyo baka kami naman daw ang bobombahin ng tubig. Wala tayong shield, hirit ng isa. Okey lang ‘yan, bira naman ng isa, may hindi pa naman naliligo, e, at mga kung ano-ano pang tawanan para lang may mapaglipasan ng oras at magpagpag ng pagod tulad ng sa mga kwentuhan ng mga nag-uumpugang bote. Natigil lang kami sa pagbabatuhan ng kantiyaw at biro nang tumili ang isa naming kasamang estudyante. Nabigla raw siya sa nakadungaw na ulo sa bakod ng pagawaan. Napalingon ako sa tiningnan niya. Kalbo na naka-long sleeve na white. Tiyak na sekyu ni Lucio Tan. Lalo kaming nagtawanan. ‘Kala namin kung ano na ang nakita niya. Maya-maya pa mapapansin namin ang paisa-isang nakamotorsiklo na mga naka-crew cut at nakatingin sa likod ng sasakyan namin (parang tumatagos sa salamin ang titig nila sa ‘min) habang pumipindot-pindot sa cell phone. Ini-report na kami, paniniguro namin lalo na’t tukoy ang dala naming sticker van.

video mula sa ST Exposure

Sa pagliko sa mahaba at makitid na kalsada, makikita kong pumarada sa may bandang talahiban paangat ng highway papuntang Gate 3 ang mga naunang naka-motor sa ‘ming may angkas na mangilan-ngilang manggagawa ng Tanduay. Sa isang iglap, makikita namin ang isang lalaking nakasando at may hawak na megaphone na sumisigaw nang “BABA! BABA!”

Mapapabalikwas kami sa pagkakaupo. Nagpalinga-linga sa paligid kung ano nang nangyayari. Nakaparada na sa tabi ‘yung mga kasabayan naming dyip kanina. Tanaw ko sa dulo na ilang metro na lang ang layo ng mga ito sa gate 3. Saka kami kinumpasang bumaba sa van.

Sa isang iglap lang din, nakita kong nagtatakbuhan na ang mga kaninang nakasakay lang sa dyip na kasama namin. May magkakagrupo. May paisa-isa at may padala-dalawa. Nanganak din ang kalsada ng magkakaibang pares ng tsinelas na iniluwal ng mga nagtatakbuhan. Muling umalingawngaw ang tinig ng naka-megaphone, ngunit sa mas malakas na tinig: “ATRAS! ATRAS!” Sa isang iglap, sa likod ng mga tumatakbong manggagawa at tagasuportang kaninang nakasakay sa dyip, tila daluyong ng mga naka-helmet na karamiha’y nakaitim ang mga humahabol sa kanila. Mga hired goons ni Lucio Tan. Bukod sa mga dalang yantok, tubo at dos por dos na kahoy, nagtatalsikan din sa kalsada ang mga iniitsa nilang tipak ng bato. Hinatak ng katabi ko ang lock ng pinto ng van para bumukas. Di kumagat. Hinatak niya ulit. Ayaw pa rin. Nakihila na rin ‘ko. Di talaga kumakagat sa pagkaka-lock. Napatigil lang kami sa paghatak nang mamataang ilang dipa na lang ang layo sa ‘min ng mga nagtatakbuhang tauhan ni Lucio Tan.

litrato mula sa PAMANTIK KMU

 

[quote_right]Kitang-kita ko kung paano nila butasin ang salamin ng pinto ng van. Hindi pahampas ang palo nila kundi patusok na parang sibat ang mga hawak-hawak.[/quote_right]Parang may lumulundag sa kisame ng van sa lakas ng hampas at kalampag ng mga iniitsang bato mula sa taas. Ikakabig na noon ng aming drayber ang van papalayo pero nahampas na ito ng isa sa mga goons na agad ikinabitak ng salamin sa pinto ng van. Napasigaw sa gulat ang isa naming kasamang teacher at estudyante. Mabilis kaming nagdapaan at nagtakip ng mukha. Pero bahagya rin akong umangat at lumuhod na pinoprotektahan pa rin ang mukha at mga mata. Naalala ko kasi bigla na baka bumukas naman ang pinto dahil sa pagpilit naming buksan kanina. Kitang-kita ko kung paano nila butasin ang salamin ng pinto ng van. Hindi pahampas ang palo nila kundi patusok na parang sibat ang mga hawak-hawak. Kalampag ulit sa tagiliran ng van. Dito na ‘ko tumiklop at muling dumapa. Hiyaw ulit. Isa pang hampas sa pinto na nag-iwan na ng siwang. Nabudburan ng bubog ng salamin ang mga suot namin. Ingay ng paggasgas ng gulong ng van sa kalsada. Hampas ulit sa bintana na lumikha naman ng tila isang solidong bilog na butas. Sa pagkaaligaga, tila mga daga kaming nagpupumilit makahanap ng lungga at matataguan.

Nakaalis din kami sa pagkaripas ng takbo ng van pababa ng highway.

Pumarada kami saglit malayo sa gate 3 at sa mga pasistang goons ni Lucio Tan. Marahang pinagpag ang nagtalsikang bubog sa damit, pantalon, ulo, braso at iba pang bahagi ng katawan. May ilang dumugo ang palad at braso sa pag-alis ng bubog. Maya-maya lang may dalawang YS (Youth Sector) na habol-hiningang nakisakay sa aming van. Mga taga-Maynila rin. Kasama raw sila sa dyip na pinagbabato ng goons. Buti’t may dumaang L300 na tumulong sa kanilang makalayo do’n sa lugar na pinangyarihan. Umalis din sila sa aming sasakyan matapos mahismahasan at sinabing kailangang balikan ang kanilang mga kasama.

Bumaba ako sa sasakyan para ipagpag ang mangilan-ngilang bubog sa katawan. Kitang-kita ko ang iniwang butas ng mga tauhan ni Lucio Tan sa salamin ng pinto. Itinulay ko ang mga daliri sa basag nang salamin upang alamin ang lakas ng hampas sa kabila nang baka ikasugat ito ng aking mga daliri. Sa isip-isip ko, alang-alang sa labis-labis na tubo ni Tan, kung tao lang itong makapananaghoy sa inindang hataw at hampas, tiyak alumpihit ito sa kalsada’t sumusuka ng dugo.

[masterslider id=”23″]

litrato mula sa PAMANTIK KMU

 

Kinontak namin ang ibang kasama tungkol sa nangyari. Ibinalitang wala namang nasaktan maliban sa mga natamong maliliit na sugat. Napag-usapan naming dumiretso na pauwi upang ibalita sa iba ang nangyari at kung ano kaso ang maaaring isampa kay Lucio Tan at sa mga tauhan niya.

Nagpaalam na kami sa iba pang nadaanang kasama’t mas mariing tapik sa balikat ang ibinalik sa kanilang pasasalamat sa pagsuporta sa kanilang laban sa paggawa.

Matapos magpalitan ng kanya-kanyang karanasan sa nangyari, tahimik kaming lahat habang bumibiyahe. Tiyak kong sa loob-loob din nila tulad ko, may nagniningas na apoy na di maaampat sa pagsiklab. Sa paminsan-minsang paghinto at pagtigil ng sasakyan, paminsan-minsan ko ring nahuhuli ang mga kasamang napapausal at humuhuni ng mga pamilyar na awit.

Malalaman namin sa pag-uwi na ang mga kasama at manggagawang bumalik muli sa piketlayn sa gate 2 ng ABI ay muling binomba ng tubig at pinagbabato. Mababalitaan din naming aabot sa tatlumpu ang may latay ang mga binti’t paa at may benda ang mga palad sa pananakit ng mga tauhan ni Lucio Tan.

Sa kahabaan ng daan, pilit mang nalilibang sa mga natatanaw, di ko pa rin maiwasang lumingon sa likod ng sasakyan. Sa butás na salamin, tumatagos ang nagtatayugang gusali’t condominium sa kahabaan ng Muntinlupa. Ipinapaalala sa ‘kin ang mga manggagawang nasa piketlayn at may benda ang mga palad.

Sapat na ito upang muling bumalik sa kanila’t suportahan ang panawagan ng mga manggagawa sa buong bansa.

 

10931088_653952584735505_4737653423542043180_n
mula sa PAMANTIK KMU

(Batang-Cubao, nagtapos ng BSE Filipino sa PNU Manila si Kevin Armingol bilang Literary Editor ng The Torch Publications. Nagwagi ng mga gantimpalang Gawad Eman Lacaba ng CEGP, Gawad Jose Villa Panganiban ng UST at naging fellow ng Palihang Rogelio Sicat 6. Aktibong kasapi ng ACT-Philippines at Kataga.)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here