Babala: Sensitibong nilalaman

Pumanaw ang isang mag-aaral matapos tumalon mula sa ikaanim na palapag ng Senator Neptali A. Gonzales Academic Hall ng Rizal Technological University (RTU) nitong Miyerkules, Oktubre 19.  

Nasa ikapitong baitang ang mag-aaral at labindalawang taong gulang.  

Bagama’t hindi pa nagbibigay ng detalye ang paaralan sa nangyari, ipinahayag ni Kyle Lura, Tagapagsalita ng Kabataan Partylist – National Capital Region (KPL- NCR) na ang nabalitaang dahilan ay ang pagpataw sa nasawing mag-aaral ng suspensyon matapos mahuling nag-open notes sa kalagitnaan ng pagsusulit.  

Ayon sa kaniya, labag umano ito sa protocol ng RTU kung saan dapat tatawagan muna ang magulang at magpupulong kasama ng guro bago ang anumang pagpataw ng suspensyon, subalit natawagan na lamang ang magulang matapos madala na sa ospital ang mag-aaral. 

Ayon sa Facebook post ng Kabataan Partylist – RTU (KPL-RTU), kinakailangan na panagutin ang paaralan sa nangyaring trahedya at tigilan ang pagtatago sa katotohanan para mapanatiling malinis ang kanilang imahe. 

Nagkaisa ang KPL – RTU at KPL – NCR sa laban upang isiwalat ang katotohanan at mapanagot ang sinumang dapat sisihin sa insidente. 

Kabilang sa layunin ng pagbitaw ng kanilang panawagan ay dagdagan ang udyok sa paaralan na maglabas ng malinaw at detalyadong imbestigasyon sa nangyari. 

“Hangga’t ang ating edukasyon ay patuloy na kolonyalisado, komersyalisado, at represibo ay patuloy itong bibiktima ng mga kabataan. Dapat tayong magpatuloy sa pakikibaka. Lumaban tayo hanggang sa makapag-aral ang bawat kabataan at magkaroon ng magandang kinabukasan. Nagpapatuloy ang panawagan ng kabataan para sa pambansa, siyentipiko, at makamasang edukasyon,” dagdag pa ni Lura.  

Bukod dito, naglahad din ng pakikiisa ang tagapagsalita sa panawagan ng hustisya sa nasawing estudyante habang hinihimok ang paaralan na akuin ang mga pagkukulang nito at magsagawa ng mga karagdagang polisiya upang maiwasan ang mga ganitong klase insidente. 

“Nakakalungkot na isa na namang kabataan ang biktima ng isang mental health crisis at bulok na sistema ng edukasyon” pahayag si Angelica “G-Ann” Cayabyab, isang Psychology Student at Alliance Officer ng Kariton Maralita Network, isang alyansa na nagtatanggol sa karapatan ng komunidad, bilang pakikiisa sa panawagan para sa hustisya.

Naglabas ng pahayag ang RTU sa kanilang Facebook page at sinabing bukas sila sa pag-iimbestiga ng kaso upang mabigyan ng hustisya ang nasawi. Nagpadala rin ng pakikiramay ang institusyon.  

Kasabay ng Facebook post ay ang paglilimita ng paaralan sa kakayahan ng publikong magkomento rito. Ilang araw mula nito, nananatili pa rin ang restriksyon sa comment section ng lahat ng post ng official page ng RTU.  

“We are one in seeking justice and the truth as the investigation is still on-going. We will make sure that those who are deemed responsible for this incident shall be held accountable for their actions,” pahayag ng Supreme Student Council ng paaralan. 

Naihatid ang labi ng estudyante sa huli nitong hantungan noong Oktubre 21, araw kung kailan ipinagdiriwang din dapat niya ang kanyang ika-13 kaarawan. Hustisya ang panawagan ng pamilya at publiko. 

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Dexter Galban, mayroong humigit-kumulang 404 na mag-aaral na ang nasawi sa pagpapakamatay habang 2,147 naman ang naiulat na nagtangkang bawiin ang sariling buhay sa loob lamang ng academic year 2021-2022.

Hanggang ngayon ay sinusubukan pa ring hingan ng panayam ang paaralan ng RTU ukol sa mga pangyayari. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here