Isang taon na ang nakalipas mula nang inaresto si Banjo Cordero sa bisa ng isang arrest warrant sa kasong frustrated murder. Ni hindi niya alam na may kaso siya o kung sino ang nagkaso sa kanya.  Malaya siya ngayon sa bisa ng piyansa. Malaya, ngunit may pangamba 

Hatinggabi ng Oktubre 25 noong nakaraang taon, inaresto si Cordero, Tagapangulo ng Sandigan ng Manggagawa ng Quezon City (SMQC), sa kaniyang bahay sa Quezon City. 

Dalawang araw nakulong si Cordero bago palayain sa bisa ng piyansang nagkakahalagang P 72,000. Sa mga panahong nakulong siya, matumal ang paglabas ng detalye tungkol sa kasong isinampa sa kanya. Pero sa mga nabatid niya, ni hindi niya kilala ang nag-aakusa, ang sinabing biktima, at ni hindi pa niya napuntahan ang lugar ng pinagyarihan ng kaso. 

Maraming katulad na kaso ang kaso ni Cordero. Maraming nakakulong na bilanggong pulitikal ang may kaso sa Agusan Del Norte at kung saan-saang malalayong lugar na hindi pa nila napuntahan para sa mga karumal-dumal na krimen na karaniwang hindi pinapayagang magpiyansa. Marami sa mga kasong ito ay mula sa mga engkwentro ng military ng Pilipinas at sa New People’s Army – mga engkwentro sa digmaang sibil sa kanayunan – malayo sa sentro kung saan idinawit ang mga aktibistang kinasuhan. 

Hanggang sa kasalukuyan, gumugulong pa rin ang kaso ni Cordero sa kabila ng kawalan ng interes ng mga akusado sa pagdalo sa pagdinig. 

Organisador ng mga manggagawa 

Matagal nang kampanyador para sa Karapatan ng manggagawa, dagdag sahod, mahusay na kalagayan sa paggawa at kasiguraduhan ng trabaho ng mga manggagawa si Cordero. Kasalukuyan din siyang coordinator din ng Defend Jobs Philippines. 

Sa kaniyang Facebook post, nagpahayag ito na matapos ang isang taon nagpapatuloy ang kaniyang matinding takot, pangamba at trauma lalo tuwing sasapit ang gabi kung saan nagpapahinga na dapat siya at ang kaniyang pamilya. 

Ang karanasan niya at pangamba ay gaya din ng sa iba na nakaranas ng madaling-araw o disoras ng gabi na reyd o pag-aresto ng mga pulis sa kanilang tahanan gamit ang sorpresang warrant. Ni hindi binigyan si Cordero ng pagkakataon para makatugon sa pagkakaso sa kanya bago inilabas ang warrant. Kaya tingin ni Cordero na sinadyang gulatin siya, katulad ng ibang mga gawa-gawang kaso sa mga bilanggong pulitikal. 

Kaya sa pagtingin ni Cordero, nagpapatuloy ang pagtugis sa mga aktibista. Lagpas isang taon na mula ng pagkaupo ni Ferdinand Marcos Jr sa Malakanyang, nasa 49 na ang iligal na inaresto at dinetini ng kapulisan at military, ayon sa mga grupo sa karapatang pantao. 

Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal 

“Nananawagan ako na sana ay maibasura na at mapawalang bisa ang mga kasong isinampa hindi lang sa akin bagkus sa [lahat ng] mga kagaya kong patuloy na lumalaban para sa hustisya at malayang lipunan, at mapalaya na ang lahat ng bilanggong pulitikal,” ani Cordero sa kaniyang Facebook post.

Sa pinakahuling tala noong June 2023, merong 778 na kabuuang bilang ng mga bilanggong pulitikal.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here