Edukasyon ang nagiging tiket ng halos lahat upang makaahon daw sa hirap ng buhay. Edukasyon ang nagiging behikulo upang matuklas ang mga bagay lampas sa kinamulatang kapaligiran.  Edukasyon din ang nagsisilbing intrumento upang mapalaya ang isip.

Isa si Cyrille Ontod sa mga kabataang Lumad na sumama sa Kamaynilaan upang iparating ang kanilang mga hinaing sa pinakamataaas na pinuno ng ating bayan.

Bilang bahagi ng pambansang minorya ng mga katutubong Lumad sa Mindanao mulat na ang mura niyang kaisipan sa kahalagan ng edukasyon upang maprotektahan ang kanilang lupang ninuno, kultura, at paniniwala sa gitna ng nakikitang pang-aagaw sa kanilang lupang ninuno at pagkawasak ng kanilang lupa sa mga mapanirang mina at masasaklaw na plantasyon.

Noong Hulyo pa lamang ay tumungo na ang mga kabataang Lumad sa Kamaynilaan dulot ng pambobomba at militarisasyon sa kanilang mga komunidad. Aniya, nagsimula ang pambobomba noon pang nakaraang administrasyon ni Noynoy Aquino at ito ay nagpatuloy sa bagong rehimen. Lumala ito noong Pebrero sa pagdedeklara ng “all-out war” sa New People’s Army, na sa katunayan ay mga sibilyang komunidad ang binibiktima sa pagdadahilang “supporter” daw ang mga ito. Lumala pa ang militarisasyon nang ideklara ang Batas Militar sa buong Mindanao noong patapos ang Mayo.

Batid ni Cyrille na hindi kaiba ang sitwasyon nila bilang bata sa mga magsasakang nagdurusa sa militarisasyon.

Nanawagan na ang mga kabataang Lumad upang wakasan na ang militarisasyon, Martial Law, at pagkakampo ng mga militar sa kanilang mga paaralan at komunidad. Nakiisa rin sila sa pakikibaka ng pambansang minorya noong Setyembre at sa mga magsasaka noong Oktubre. Malay na sa kaisipan ni Cyrille na hindi hiwalay ang kanilang laban sa iba pang mga pakikibaka ng iba pang mga sektor sa lipunan.

“Sumasama po kami sa mga rally kasi pare-parehas lang naman po kaming naaapi. Wala naman pong masama sa ginagawa namin. Gusto lang po namin na ibigay nila ang aming karapatan,” daing ni Cyrille.

Naranasan na rin ni Cyrille ang karahasan sa kanilang paaralan.

“Nun po may klase kami tapos po pumasok ang mga militar. Sabi po ng mga military, kami raw po ay mga anak ng NPA at yung aming teacher si teacher Miguel sinabihan po nila na nagtuturo po gumamit ng baril,” kwento ni Cyrille.

“Pero po hindi totoo yun. Isa po akong Lumad na nag-aaral para po sa aming komunidad. Si teacher Miguel po tinuturuan niya kami na mahalin ang aming komunidad at tinuturuan niya kaming magtanim para po sa aming pamumuhay,” dagdag ni Cyrille.

“Tapos po binaril po nila si teacher Miguel sa loob ng aming klasrum nagtago po kami sa ilalim ng mga mesa. Yung isa ko pong kaklase ay sinira yung bintana namin para po makatalon siya. Para po hindi siya matamaan ng bala,” pag-alala ni Cyrille.

Imbis na masasayang mga paksa ang ikwento sa akin ni Cyrille ay mas pinili niyang ikwento ang karahasan na nararanasan nila sa kanilang pamayanan sa Mindanao.

Sa kasalukuyan, nagkakampuhan sina Cyrille sa Department of Education (DepEd) sa Pasig upang ipanawagan ang kanilang kahilingan na bigyan na sila ng permit ang kanilang mga alternatibong paaralan ng mga Lumad.

Naniniwala si Cyrille na maganda ang kanilang paaralan sapagkat ito ay itinayo ng kanilang komunidad upang protektahan ang kanilang lupang ninuno at pagyamanin ang kanilang paraan ng pamumuhay.

“Hindi naman po mali na mag-aral ng karapatan at kung paano ang magtanim. Kaya sana po magbigyan po nila kami ng permit,” sabi ni Cyrille.

“Ang pangarap ko lang po ay makatapos sa agriculture. Kasi iyon po ang aming pamumuhay sa aming komunidad. Kaya gusto ko pong pagyamanin ang pagtatanim sa amin para rin po makapag-bigay ako ng pagkain sa aming komunidad katulad po libreng gulay na makakain namin,” kwento ni Cyrille.

Ilang buwan na ang mga batang Lumad sa Kamaynilaan. Matagal na nilang gustong umuwi, at kung sila lang ang magsasabi, malinaw sa kanilang mata ang katiyakang hindi pa sila makauwi dahil sa mga nangyayari sa kanilang komunidad.

“Saka isa pa po may wish din po ako ngayong Pasko… Sana po makabalik na kami sa aming komunidad na hindi na kami natatakot na baka po mabaril po kami. Saka po ‘wag na pong kampuhan ang aming paaralan pati na po ang aming komunidad para po makapag-aral po kami ng maayos. Yun lang po,” kwento ni Cyrille.

Si Cyrille ang isang patunay na may pag-asa ang ating bayan kung bibigyan lamang natin ng pagkakataon ang lahat ng kabataan na makapag-aral nang walang pangamba. Pangamba sa kanilang kaligtasan. Pangamba para sa kanilang paaralan, na sila na nga ang nagtaguyod dahil hindi sila nabigyan ng gobyerno ng mga batayang serbisyong panlipunan.

Kung sa lipunang ito, edukasyon nga ang itinuturing nating tiket para magtagumpay sa buhay, suportahan natin ang mga kabataang Lumad na nangangarap ng isang maalwan na pamumuhay at kinabukasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here