“Ang presidenteng kumilala at nangakong itutuwid ang inhustisyang nararanasan ng pambansang minorya sa loob ng daan-daang taon ay siya ngayong nagpapatuloy at kumakatawan ng pambansang pang-aaping nararanasan ng mga pambansang minorya,” binasa ng mga pambansang minorya ang pagsasakdal sa administrasyon ni Rodrigo Duterte sa pagtatapos ng pangalawang asembliya ng Sandugo noong Setyembre 5.

Dinaluhan ang asembliya ng Sandugo ng nasa 2,500 na katutubo mula sa iba’t ibang tribo sa buong bansa na lumahok sa “Pambansang Lakbayan ng mga Pambansang Minorya para sa Sariling Pagpapasya at Makatarungang Kapayapaan.” Ang Sandugo ay alyansa ng Moro at katutubo sa buong bansa.

Kinilala ng mga pambansang minorya na maysala si Duterte sa “paglalapastangan sa karapatan ng pambansang minorya sa lupang ninuno at teritoryo, pandaramong sa likas-yaman sa loob ng lupang ninuno, huwad na representasyong pampulitika sa gobyerno, pagkakait at kapabayaan ng gobyerno sa pagbibigay ng serbisyong panlipunan, etnosidyo at pag-aalipusta sa kultural na kakilanlan, at institusyunal na diskriminasyon, pagmamaliit, tsobinismo at Islamophobia.”

Sa huling araw ng asembliya, inulat ng mga kinatawan ng mga grupo ng katutubo ang kalagayan ng katutubong mamamayan sa kanilang rehiyon.

Daga, biag, kinabaknang, salakniban (Lupa, buhay, likas-yaman, depensahan)

“Kasabay ng mining at geothermal projects sa mga probinsya ng Kordilyera ay militarisasyon, paglabag sa karapatang pantao. Sa kasalukuyan, may 9 political prisoners sa rehiyon ng Kordilyera,” paglalahad ni Jill ng Kordilyera.

Sinabi rin ni Jill na hindi nirerespeto ang “free, prior and informed consent” kapag pumapasok ang mga mapanirang proyekto ng pagmimina at enerhiya sa Kordilyera.

Halos 50 taon nang nakikibaka ang mamamayan ng Kordilyera para sa sariling pagpapasya at laban sa mapanirang mga proyekto sa rehiyon. Ang Cordillera People’s Alliance ang pinakamalawak na pederasyon ng mamamayang Cordillera na binubuo ng halos 300 organisasyon.

Bukod a pangedeng, itanduod gun-oden (Sariling pagpapasya, itaguyod)

“Sa malakihang pagmimina, mayroong 23 exploration permit application at anim na aplikasyon ng Mineral Production Sharing Agreement,” ulat n Mafel ng Cagayan Valley.

Ang isa sa pinakatampok na mining company ay ang Oceana Gold sa Didipio, Nueva Vizcaya. Umabot na sa 12,864 hektaryang lupa ang minimina ng Oceana Gold.

Dagdag pa nila, para makapasok sa mga lupang ninuo, ilang lider lang ang kinausap at hindi isinama ang mga lider na tutol sa mapanirang mina. Dagdag niya, para naman hindi makatutol ang mga katutubo, paparami ang deployment at operasyon ng militar sa mga lugar na may interes ang mga malalaking kumpanya. sandugo-14-cv

“Matindi ang militarisasyon ng 17th IBPA at 5th ID sa Cagayan Valley. Bunga nito ang pananakot, harassment, at pagpapalayas ng mga tao,” dagdag ni Mafel.

Sa kabila ng mga ito, patuloy na lumalaban ang mamamayan ng Cagayan Valley, tulad ng pagpipiket, pagpetisyon at paglahok sa Lakbayan ngayong taon.

Bukod sa mining, mayroong National Greening Program (NGP) kung saan 1.3 milyong hektarya na ang nakuhang lupa. Maraming napalayas na mga katutubo sa komunidad.

Panawagan ng mga katutubo sa Cagayan Valley ang pagpapahinto ng pagmimina ng Oceana Gold at pagrespeto ng lupa, karapatang pantao, at kalikasan.

Atay Kalabay! Makuway Luta!

Tinututulan ng mga katutubo ang pagtatayo ng Balud Balud Dam at Clark Green City sa Pampanga. Ang proyektong Clark Green City ay sasaklaw sa 9,450 hektarya ng datng base militar sa Pampanga. Nakapaloob ito sa isang Special Economic Zone, kung kaya’t inaasahan ng Bases Conversion Development Authority at ng pambansang pamahalaan na makakaakit ito ng maraming mamumuhunan. Nagsimula ang pagbubuo ng masterplan ng proyekto sa pagkapangulo ni Benigno Aquino III at ipinagpapatuloy ng kasalukuyang administrasyon. sandugo-13-cl

“Gagamitin ang tubig mula sa Balud Balud Dam para sa itatayong Clark Green City, pabor sa negosyante at ‘di sa katutubo,” pagbabahgi ni Sonny mula sa Central Luzon.

Sa Zambales, may pagmimina ng ginto, nickel, black sand ang Benguet Corp. Nickel Mines, at iba pang malaking dayuhang kumpanyang mina na nakasisira sa kalikasan.

‘Yung ibang bansa ang nakikinabang ng likas na yaman ng ating bayan, hindi tayong mga Pilipino,” sabi ni Sonny.

Militar sa kaumahan, palayason (Militar sa kanayunan, palayasin)

Inulat naman ng mga katutubong Tumandok mula sa Iloilo na inaaagaw ang mga lupa ng mga katutubo dahil sa NGP at pagtatayo ng mga dambuhalang dam gaya ang Jalaur Dam at Panay Dam. Meron nang 12,000 ektaryang tinamnan para sa NGP na sumaklaw sa lupang ninuno ng mga Tumandok. Meron pang nakaplanong saklawin na 11,000 ektarya.sandugo-12-panay

Matindi rin umano ang nararanasang militarisasyon ng mga Tumandok. Pananakot, sapilitang pagpapaamin na sumusuporta sa New People’s Army (NPA) at pagbabawal sa pagsama sa mga rally, sapilitang pagpapasapi sa Citizen Armed Forces Guerilla Unit (CAFGU), sexual harassment at sapilitang pag-aasawa ng mga babae sa mga sundalong may asawa na ang ilan sa mga karanasang inilihad nila.

May mga banta ng pagsaklaw sa komunidad ng mga katutubong Negros ang mga kumpanyang DOLE Philippines, Rain Trust Corp. na gumagawa ng palm oil at ang Ilog-Hilabangan River Basin

Mahigpit namang tinutulan ng mga katutubong Negros ang NGP, kaya hindi natuloy ang pagtatanim ng mga punong pang-eksport sa kanilang lugar.

Katutubo sa Palawan, lumalaban!

Sampu ang hinuling katutubo mula Palawan na kinasuhan ng mga gawa-gawang kaso. Patuloy ang pagrerekrut ng mga CAFGU para sa paniniktik.

“Kahit ilang rehimen pa ang magdaan, patuloy kami sa pakikibaka para sa sariling pagpapasya at makatarungang kapayapaan,” anang lider ng katutubong Palawan.

Martial Law sa Mindanao, tutulan, labanan

“Duterte noong 2016: may simpatiya sa karapatan ng Moro sa sariling pagpapasya, tutol sa Islamic extremism, tutol sa panghihimasok ng militar ng US,” pagbabalik-tanaw ni Amirah Lidasan sa kanyang pagbabahagi ng kalagayan ng Moro sa Mindanao at iba pang lugar sa bansa. sandugo-12

“Duterte ngayong 2017: nagdeklara ng Martial Law sa Mindanao, sinuspinde sa writ of habeas corpus, at paglabag sa karapatang pantao,” pagkukumpara ni Lidasan.

Aniya, malakas ang presensya ng mga sundalong Amerikano sa Mindanao. Noong 2014, 6,000 ang tropang Amerikano sa Mindanao kumpara sa 3,000 sa Iraq.

“Ginamit ang paghuli kay Hapilon at pinalaki ang rido ng mga pamilya upang makapasok ang mga tropang Amerikano sa Marawi, mawasak ang Marawi,” saad ni Lidasan.

Pagbabahagi rin ni Lidasan, magkakaroon ng rehabilitasyon sa Marawi, ngunit balak itong gawing malaking military base. Balak rin ng gobyerno na gawing tourist spot ang Marawi sa pangunguna ng USAID, JICA, at mga lokal na negosyante.

Sinabi rin ni Lidasan na binigyang-lisensya ng Investment Defense Force ang militar at mga paramilitar upang pumatay ng mga lumalaban sa mga mapanirang proyekto.

Isa namang bakwit mula sa Marawi ang nagsabing gusto na nilang makabalik sa Marawi dahil ang daming nahihirapang mga tao sa mga evacuation center.

Lumadnong paaralan, wag kampuhan (Paaralang Lumad, huwag gawing kampo

Iniulat ng mga katutubong Lumad na umabot na sa 89 paaralan, 2,625 mag-aaral, 33 sapilitang isinaradong paaralan at pitong pinatay kaugnay ng paaralan ang apektado sa mga pag-atake sa paaralang Lumad.

Pananaw ng mga Lumad, ginamit ng Martial Law para gawing ligal ang mga pang-aabuso ng militar.

Ginamit din umano ang Marasandugo-11wi Crisis ng Estados Unidos upang mas makapangamkam ng likas na yaman ng Mindanao.

Aabot sa 500,000 ektarya ang inilaan ng gobyerno para sa pagmimina sa Mindanao.

Sa West Mindanao, samantala, isinasailalim ang 300 ektarya sa bawat barangay sa NGP, na naging sanhi ng pagpapalayas ng mga katutubo.

Lumalahok ang maraming mamamayang Lumad sa pakikibaka laban sa militarisasyon at abuso ng gobyerno. Panawagan ng mga Lumad ang kagyat na pagbawi sa deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.

Pagkilos hanggang sa anibersaryo ng Martial Law

Ayon din sa binasang sakdal, ang pinakamatingkad na larawan ng pambansang pang-aapi sa kasalukuyan ang kalagayan ng mga Moro. Sa anibersaryo ng Martial Law, Setyembre 21, maglulunsad ng malaking pagkilos ang mga katutubo kasama ang progresibong grupo para ipanawagan ang pagbawi sa Martial Law sa Mindanao at tigilan ang anumang banta ng pagsasailalim ng buong bansa sa Martial Law.

Araw-araw na tutungo ang mga katutubo sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang ipaalam ang kanilang mga kahingian.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here