Sa pag-upo sa pagkapangulo ni Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte bilang pangalawang pangulo, bagong mukha ng administrasyon ang nakatakdang mamahala sa bansa ng anim na taon. Ang ikinakabahala ng mamamayan ay kung mananatili pa rin ba ang mga pundamental na suliranin na kinaharap ng bansa. Kung plano nga bang baklasin ang imahe ng nagdaang administrasyon lalo’t higit sa kampanyang nito “giyera kontra droga”. 

“Unang hakbang sa pagpanumbalik sa karapatang pantao at hustisya ay hawakan natin ang mga tala ng bilang ng pagpaslang ng mga ito.”  ani ni Joel Ariate ng UP Third World Studies Center sa isang webinar na may paksang “The Current Human Rights Situation and Prospects Under The Marcos Jr. and Sara Duterte Administration”.

Layon ng nasabing webinar na mabiigyang-daan ang mga human rights defenders, mga miyembro ng akademya, mamamahayag at mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao na maipahayag ang kanilang saloobin at pagtingin sa tambalan at administrasyong Marcos-Duterte hinggil sa usaping karapang pantao.

Ibinahagi pa ni Ariate ang mga datos tungkol sa karahasan ng “war on drugs” at  extrajudicial killings.

Tumatayang umabot sa 30,000 (at patuloy na lumalago) ang nabiktima ng pagpaslang sa ilalim ng Duterte administration at 70% ng pagpaslang ay kagagawan mismo ng mga pulis. Samantalang higit 6,000 lang ang sinasabing datos mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Halos kalahati ng bilang ay kinikilalang mga pusher at isa sa sampu na ito ay sinasabing high profile.

Nakababahala na kahit sa huling termino ni Duterte ay hindi pa rin natatapos ang pagmomonopolyo sa datos ng gobyerno at nakaabang pa ang rin pagdanak ng dugo sa lansangan. May pananambang sa kung anong porma pa ng paninikil sa karapatan ang maaaring kaharapin. 

Sa bahagi naman ng paglala ng bilang mga political prisoners na umabot na sa 802, sinasabi na ito na ang pinakamataas na bilang sa loob ng 36 na taon matapos ang pagbagsak ng diktadurang Marcos noong Pebrero 1986. Kabilang sa mga nabiktima nito ay ang human rights defender na si Zara Alvarez at Randall Echanis na NDFP peace consultant. 

Ayon kay Fides Lim ng Kapatid, ang patuloy na pagpapahina sa judicial system at legal  processess ay sumasang-ayon sa pagtuligsa sa Bill of Rights, Article 3, Sec. 18, para 1: “No person shall be detained solely by reason of his political beliefs or aspirations.” 

Bagama’t malinaw na hayagang ipinagbabawal ang pulitikal na pagkakakulong, ang mga bilanggong pulitikal na ito ay nagsasabi ng senyales  o sitwasyon ng karapatang pantao ngayon.  

“Binibihisan ng legal na damit ang mga illegal at iregular na pagtanim ng ebidensya …” ani Atty. Edre Olalia ng National Union of People’s Lawyers patungkol sa sa pagsasa-armas ng batas at paglelegalisado ng panunupil sa estado. 

Hindi na bago ang red-tagging na umiilalaim lamang din sa paiba-ibang label, sa pagpapairal ng eupemismo o double-speak nagagawang balikarin ang katotohanan.  Katulad lamang kung paano panukalain ng gobyerno ang humigit kumulang na 800 political prisoners bilang mga common prisoners. 

Tila paglusot sa butas ng karayom ang makapagpahayag ng malaya sa bansang mapangbusal. Sa hanay ng mga mamamahayag, ang magsulat tungkol sa paglabag sa karapatang pantao ay maihahalintulad sa paghuhukay ng sariling libingan. Kung kaya’t ang ilang pribadong kumpanya ng media ay napipilitang ipagbawal ang paglalantad sa pasistang estado.

 “Isang paraan upang labanan iyon ay ang palakasin ang mga kuwento ng panunupil ng mga nakapagsusulat ng pahayag na maaaring hindi lumalabas sa ibang mga outlet.” tugon ni Jonathan De Santos  ng  National Union of Journalists in the Philippines. Ang atake sa media ay atake sa bayan. Kung may hakbang man papalapit sa upang maresolba ito, ito ay ang igiit at ipagtanggol ang kalayaan sa pamamahayag.

Sa iniwang bakas ng rehimeng Duterte, naging institusyonal ang paghahayag ng maling impormasyon na naglalayong iligaw ang katotohanan. Sa katunayan, kaliwa’t kanan ang naging atake ng kanyang administrasyon hinggil sa kalayaan sa pamamahayag, nariyan ang pagpapasara sa ABS-CBN, pagkansela ng prangkisa ng Rappler at patong-patong na kaso sa CEO nito na si Maria Ressa, maging ang mga cyber-attacks na nararanasan ng alternative media outfits tulad ng Bulatlat, Altermidya, Pinoy Weekly maging ang Manila Today.

Nitong Hulyo ay tinanggalan ng internet service provider ng National Telecommunications Commission dahilan para hindi ma-access ang website ng Bulatlat at Pinoy Weekly. Ito ay sa kautusan ng dating National Security Advisor at NSC Director Hermogenes C. Esperon, Jr. na malapit na kroni ni Duterte.

Sinakyan pa ng mga Marcos ang ekosistema ng disinformation at nagbuo ng network ng mga kasinungalingan kung saan nagbunga ng metanaratibo sa kung ano ba talaga at sino ang mga Marcos. 

“How do we arouse hope in the midst of possible despair?” saad ni Fr. Benjamin Alforque, isang Martial Law Survivor na tumitindig sa paniniwala na ang solusyon ay hindi ang karahasan kundi ang pag-ibig. Mabisang pag-ibig sa pulitika na sa pamamagitan ng panlipunang pagkakaibigan at panlipunang diyalogo maitatawid ang katarungan, kapayapaan, at pagsasama-sama ng paglikha.

Kinikilala ang pamalaan bilang kanilang malaking negosyo at hindi pakay na makapaghahatid ng serbisyo. Malinaw na tumakbo sila para sa kanilang sarili, pang-ekonomiyang interes, kapangyarihang pampulitika, at seguridad ng kanilang pamilya. Magpapatuloy sa pagiging malalaking selda ng mga bilanggo ang bansa.

Saan nga ba dadalhin ng sinasabing “unity” ang bansa kung ang salarin ng karahasan ang magmamaneho nito?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here