Higit 500 residente sa halos 40 kabahayan ang apektado sa tuloy-tuloy na demolisyon sa Donald Compound o ang Meralco Town sa FB Harrison St., Pasay City noong Agosto 1.

Marahas ang isinagawang demolisyon sa pangunguna ng Pasay City demolition team kasama ang Pasay City Police at SWAT. Marami ang mga naka-full battle gear sa hanay ng kapulisan na naunang pumasok bago sundan ng demolition team at pwersahan ang ginawang paggiba.
May 3,100 square meters ang lawak ng Donald Compound. Ang itinuturong nangangamkam dito ay ang Megaland Prime Estate Corporation na nagpakilala na lamang sa mga residente noong 2021.
Halaw sa pangalan ng dating pagmamay-ari ang pangalan ng compound na si Donald Dee, presidente ng Employers Confederation of the Philippines, na siyang nagbenta ng lupa sa Megaland sa halagang $89 milyon.
Ngunit para sa mga residente, bago pa man dumating ang Megaland ay may apat na dekada nang naninirahan ang ilan sa mga residente sa Donald Compound. Anila, ang mga residente na ang nagdebelop at nagpaunlad sa tiwangwang na lupa bago pa man ito angkinin ng Megaland.
Sabwatan ng Megaland at Pasay LGU
“Nalaman ko nalang noong July 1 nang puntahan ko ang Court of Appeals. Nagmamakaawa na nga kami na solusyonan itong usapin namin sa lupa. Iyon pala meron na February 13 palang,” pagbabahagi ni Marichu Embay na dalawang dekada nang naninirahan sa Donald Compound.

Batay sa court order na ibinaba ng Pasay City Regional Trial Court Branch 118, hindi nito pinaboran ang Extremely Urgent Motion to Stop Sheriff from Demolishing our Shanties.
Mayroong 45 days validity ang bagong court order kung saan Agosto 31 ang nakatakdang deadline para rito. Ibig sabihin, may isang buwang palugid ang mga residente tulad ni Embay para maghanda.

“Kung nakuha dapat namin iyon, edi mabilis lang kaming makatutugon doon. Kaso inipit sa barangay. Kasi lahat naman ng sulat bumabagsak sa kanila,” dagdag ni Embay.
Ayon kay Embay, P50,000 ang inaalok ng Megaland sa mga residente para kusang mag-self demolish ngunit kalahati lamang nito o P25,000 ang ibinibigay sa mga residente na napilitan lamang bunsod ng patuloy na pananakot at panghaharass.
Dagdag ni Embay na maraming karatig-komunidad sa Pasay City ang kinakamkam ng Megaland. Isa rito ang isang komunidad sa Ignacio St. na nagkaroon na rin ng demolisyon noong Agosto 2019. Higit 200 pamilya ang naapektuhan ng nasabing demolisyon.
“Yung Ignacio, di ba ganoon din ang nangyari sa kanila. Ipinagmalaki rin ng Megaland iyan nung nag-usap kami. Ang nangyari roon, napabilis dahil PAO ang abogado nila, yung kapitan kasabwat. Ang pera hindi naman binigay sa mga tao. Ipinagmalaki sa amin ito ng Megaland kasi sinabi nila buti nga ‘yong Ignacio nademolish namin, hindi kami naglabas ng pera. Buti nga kayo in-offeran namin. Yun ang talagang sinabi sa amin,” pagbabahagi ni Embay.
DSWD, tinangkang kunin ang mga kabataan
Maraming kabataan na nasa edad walo hanggang 15 ang nawalan ng tirahan.
Ayon sa Kabataan Partylist National Capital Region, hindi makatao ang isinagawang demolisyon lalo pa at nagsisimula na ang klase sa mga paaralan.
Agosto 2 nang puntahan ng mga ahente ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Embay. Ayon sa DSWD, nais nilang kunin ang mga kabataan para umano protektahan sa panganib ng demolisyon.
“Pwede naman silang magpunta, pero wag kunin ang mga bata kasi pipilayin nila kami rito. Kapag nakuha nila ang mga bata, pwede na kaming maharass dito,” ani Embay.
“Taktika ngayon ng DSWD ang mga pangungumbinsi. Huli na nga silang magpunta para kumustahin ang kalagayan ng mga kabataan. Hindi solusyon ang pagkuha sa mga kabataan dahil ang kailangan nila ay disenteng matitirhan na tinanggal sa kanila ng Megaland,” pagbabahagi naman ni Kyle Lura, chairperson ng Kabataan Partylist NCR.
Tanim ebidensya
Marami sa mga residente ang nagtamo ng mga galos at sugat. May Isa ring isinugod sa ospital bunsod ng paghampas ng isa mula sa demolition team ng bloke ng bato sa kaniyang ulo. Mayroon ding mga pwersahang dinampot na ayon sa mga residente ay sadyang tinaniman ng mga ebidensyang ipinaparatang sa kanila. Isa rito si Jobert Legazpi, 19 anyos.
“Sobrang pisikal po kasi ng nangyari kanina, niyakap ko po siya dahil dinudumog na po siya ng demolition team. Niyakap ko po siya palabas, pagdating po namin sa gilid. Nagulat nalang po ako na may sumisigaw na may nakuha raw pong patalim sa likod. Kinaladkad po ako ng mga pulis,” ani Shane Castillo, asawa ni Jobert.
Buntis si Shane sa kanilang anak ni Jobert. Kasama rin siya sa mga nagtamo ng sugat sa nangyaring demolisyon.
Ayon sa kanya, biglaan na lamang pinosasan ang kanyang asawa at dinala sa presinto sa Block 1 Pasay City Police Station. Pinabulaanan naman niya ang paratang na may dalang patalim ang kanyang asawa.
“Kinaladkad po ako eh para lang makabitak. Nakatatlo na po akong balik sa presinto, hindi pa po nila masagot kung kailan mapapalabas,” mapanlumong pagbabahagi ni Shane.
Panawagan ng mga residente
“Habang walang relokasyon ay wag kaming i-demolish,” ani Embay.
May ilang residente ang nagkubol sa palibot ng Donald Compound para lamang igiit ang kanilang tindig sa kabila ng patuloy na panggigipit ng demolition team kaagapay ang mga kapulisan.
Sa usaping relokasyon, in-city relocation ang panawagan ng mga residente. Hindi rin nila nais tanggapin ang alok na P25,000 o kung ano pa mang danyos na ibinibigay ng Megaland kapalit ng kanilang dekada nang tinitirhang bahay.
Agosto 2 rin nang magsumite si Embay para makipagdayalogo kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano. Dito inilatag ni Embay ang panawagan para sa pansamantala at agarang panunuluyan naming mga biktima ng demolisyon sa Donald Compound at pagkakaroon ng maayos na in-city relocation para sa mga residente na nawalan ng kabahayan at kabuhayan.
“Matindi ang naging epekto ng demolisyong ito sa aming mga residente ng Donald Compound, Barangay 13 sa mga magulang, kabataan, bata, at iba pang mga nabiktima […] Nawa’y pagbigyan sana kami ng inyong opisina sa aming kahilingan,” ani Embay.