Dalawang taong probationary period, mas masahol pa sa kontraktwalisasyon

Tila mas lalala pa ang kalagayan ng mga manggagawa ngayong plano pang habaan ang panahon nila bilang kontraktwal bago maging regular sa kumpanya, ayon sa ilang grupo ng manggagawa.

Sa House Bill 4802 na inihain ni Probinsyano Ako Partylist Representative Jose “Bonito” Singson Jr., sinabi niyang hindi sapat ang anim na buwang “probationary period” upang matukoy na ang isang manggagawa ay kuwalipikadong maging regular na empleyado lalo na sa mga posisyong nangangailangan ng hustong kasanayan at kakayahan upang gawing regular sa isang kompanya.

Dagdag pa niya, ito ang dahilan kung bakit napipilitan umano ang mga employer na i-terminate ang mga kontrata ng manggagawa bago pa man sumapit ang ika-anim na buwan upang maiwasan na gawing regular ang mga “substandard” na empleyado.

Mariin namang kinondena ng Sandigang Manggagawa ng Quezon City at ng Alliance of Call Center Workers-Manila ang panukalang batas na amyendahan ang Labor Code at gawing dalawang taon ang “probationary employment” ng isang manggagawa bago gawing regular na empleyado.

Ayon kay Tracy Ann Dumalo ng Alliance of Call Center Workers (ACW) Manila, pagpabor na naman sa mga kapitalista ang naturang panukala lalo na sa hanay ng BPO. Aniya, wala itong pinagkaiba sa endo (end of contract) o kilala rin ng mga manggagawa sa tawag  na 5-5-5.

“Whether 2 years probationary or endo employee, workers are endlessly hired and fired every five months or every two years to prevent them from becoming permanent or regular employees, availing of mandatory bonuses and other benefits. The only difference is, it become worse,” ani Dumalo.

[Mapa-two years na probationary period o endo employee, walang katapusang pagtanggap at pagtanggal sa trabaho sa mga manggagawa kada limang buwan o dalawang taon para pigilang maging permanente o regular na empleyado sila, makakuha ng mga iniuutos na mga bonus at iba pang mga benepisyo. Ang pinagkaiba lang ay lumala pa.]

Sinabi naman ni Jose “Boying” Samonte, tagapagsalita ng Sandigang Manggagawa ng Quezon City o SMQC, pagpapasahol ito ng kasalukuyang kalagayan ng mga kontraktwal na manggagawa.

“Hirap na nga ang mga Pilipino na makakuha ng trabaho, gagawin pa ng gobyerno na gawing dalawang taon ang probationary period. Niregularisa nila ang kontraktwalisasyon, hindi ang manggagawa,” ani Samonte.

Dagdag pa niya, kung maipapasa ang batas, dalawang taong ligtas ang mga kapitalista na ibigay ang nakatakdang sahod, bonus at benepisyo na nararapat sa isang regular na manggagawa, kasama na ang paglahok sa unyon at maaaring iba pang benepisyong makukuha sa collective bargaining agreement ng unyon ng mga manggagawa sa management at kapitalista.

Nilinaw din ni Samonte na sa halip na mga panukalang pumapabor sa mga mayayamang negosyante at kapitalista, dapat ay paghahain ng batas na kapaki-pakinabang sa mga manggagawa at mahihirap na sektor ang ginagawa ng mga mambabatas, laluna ang mga kinatawan ng partylist kagaya ni Singson ng Probinsyano Ako.

Sa pagaaral ng SMQC, simula nang maaprubahan ang Herrera Law noong 1989, lumaki ang bilang ng mga manggagawang kontraktwal sa Pilipinas partikular sa Quezon City na may 700,000 work force sa sektor ng service at manufacturing.

Ayon sa grupo, bumaba rin ang halaga ng sahod mula nang nawala ang national minimum wage at kada rehiyon itinatakda ang halaga ng arawang sahod ng regular na manggagawa. Malaking bilang rin ng mga kumpanya sa Metro Manila ang nagpapasahod ng mas mababa pa sa umiiral na minimum wage.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here