Tintatayang 3,000 kawani ng Senado ang makatatanggap ng one-time inflation allowance na nagkakahalagang P50,000 mula sa dating P12,200 ayon sa proklamasyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Ayon kay Zubiri, ibibigay ang nasabing alawans sa darating na Agosto.

Ikinagalak ito ng unyong Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO) at sinabing ang tagumpay na ito ay bunga ng matagal na nilang paggiit at pakikipaglaban.

Anila, nakikiisa sila sa panawagan ng mga manggagawa, iba pang kawani sa pamahalaan hinggil sa pagtataas ng sahod, dagdag na benepisyo at ayuda sa kabila ng sosyo-ekonomikong krisis tulad ng mga pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Makatwiran at makatarungan ang pagbibigay ng dagdag na benepisyo upang makaagapay sa napag-iiwanang sweldo… Ang nakabubuhay na sweldo at proteksyon sa paggawa ay tungkulin ng estado sa kanyang mamamayan,” dagdag ng SENADO sa kanilang pahayag.

Sinuportahan din ng grupong Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang nasabing panukala.

“Sinusuportahan natin ang sinabi ni Senador Juan Miguel Zubiri na dapat ganito ang “template” ng lahat ng ahensya ng pamahalaan bilang ayuda at insentibo sa mga kawani sa harap ng nagtataas na presyo ng mga bilihin,” ani Santiago Dasmariñas, tagapangulo ng COURAGE.

Mismong si Zubiri ang nagsabing hindi “living wage” ang sweldo ng karamihan ng mga kawani, dahilan upang puspusan ang panawagan ng iba’t ibang grupo, unyon, at organisasyon para sa nakabubuhay at pambansang minimum na sahod ng mga kawani at manggagawa.

Iginigiit ngayon ng mga kawani ng gubyero na gawing ₱33,000 kada buwan ang minimum na sahod ng mga kawani sa buong bansa.

Sa kasalukuyan, nakasalang na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill 6560 na layong gawing P33,000 kada buwan ang minimum na sahod ng mga kawani sa buong bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here