CHED
Ang pagkaroon ng sariling wika at ang magamit ito sa anumang larangan ng buhay, iyan man ay sa pang araw-araw na pakikipagbuno natin o sa paglinang ng ating kaalaman sa loob ng paaralan ay mahalaga. Ito ay napakahalaga, na ang pag-alis nito sa atin o ang kahit anumang indikasyon na ito ay hindi nakakasapat bilang lingwistikong pangangailangan upang malinang ang ating pang-komunikasyong kakayahan, para sa akin, ay kahalintulad ng pag-alis ng isang esensyal na suporta sa buhay.

Kung melodramatiko man ang repleksyon ko ukol sa wika, iyan ay dahil ramdam ko ang kawalan ng napakahalang suporta para dito. Sa pakikipamuhay ko sa Japan ay naranasan ko kung paano ang maging literal na illiterate.

Dati ko ng alam na mahirap kung wala kang kakayahang intindihin ang mga sulat sa paligid mo. Hindi ka nakakabasa, nakakasulat at mas nagpapahirap sa akin ang kawalan ko ng kakayahang gumamit ng Nihongo. Ang sabi ko nga, para akong nasa Japan na wala. Hindi buo ang karanasan.

11132016_10204178081868670_1089931294_n
Ang may-akda sa Japan

Nitong huli na lang naman na nagka-interes ang Japan na seryosong pag-aralan at gamitin ang salitang Ingles, at dahil na rin sa nasa maliit na bayan ako ng Kawagoe (na puno ng kasaysayan) ay bihira ang mga nakakapagsalita at gumagamit sa naturingang lingua franca ng mundo sa kasalukuyan. Kahit bahagi ang lenggwaheng ito ng kanilang kurikulum mula junior high school, sa tingin ko ay mas teoretikal na bahagi nito ang pokus ng pag-aaral at hindi upang aktwal na gamitin ito. Dahil sa posisyon ng Ingles sa lipunang Hapon ay halos walang silbi ang tatas ko sa paggamit nito. Nakikita ko kung gaano ang pagpapahalaga ng mga Hapon sa kanilang wika, kung gaano nilang ipinagmamalaki ang kanilang sistema sa pagsulat kahit pa man hindi biro ang pahirap na dala ng Kanji, Katakana at Hiragana sa kanila bilang mga batang mag-aaral. Bahagi ito ng kanilang pagkatao.

 

Dahil sa karanasang ito at dahil na rin sa bahagi ng pag-aaral ko sa unibersidad ang disiplina ng linggwistiko, malapit na usapin sa akin ang wika. Bilang disiplina at sa usapin ng kultura, ang wika ay paksa ng maraming diskusyon at debate. At dala ng globalisasyon, mas tumitindi ang pagkukumpara ngayon sa kahalagahan ng mga lokal na wika sa Ingles bilang internasyunal na wika at samakatuwid ay may pinakamataas na halaga.

Sa ganitong usapin, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na pagpapahalaga sa Ingles sa mga non-native English speaking countries sa termino ng mga linggwistiko. Kaya hindi ako masyadong nabigla sa paglabas ng CHED Memorandum (CMO) No. 20, series of 2013 na nag-aalis ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. Dagdag pa nito ay ang paglalagay sa paggamit ng wika bilang moda ng instruksyon bilang diskreyon ng mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas. Para sa akin, para na ring sinabi ng Commission on Higher Education (CHED) na walang silbi ang patuloy na paggamit ng wikang Filipino, na ito ay hindi kailangan upang ihanda tayo bilang (murang) lakas paggawa sa loob at labas ng bansa. Global competitiveness daw ang dahilan kung bakit may ganitong pagbabago sa kurikulum. Problemado ang tunguhing ito sapagkat sinususugan lamang nito ang ilusyon na ang galing sa paggamit ng Ingles ay nangangahulugang magandang kinabukasan na para bang dito na nakasalalay ang ating kaligtasan bilang bansa.

Ang kakayahang gumamit ng mga Pilipino ng Ingles, baku-bako man o napakahusay, ay isa sa mga atraksyong inihahain ng gobyerno sa mga dayuhang amo sa paglalako nito sa ating bilang manggagawa

UnderGradStudents (1)

Pinatunayan lamang ng CHED na ang sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas ay naka-direkta sa pagtugon sa labor export policy  ng gobyerno. Ang kakayahang gumamit ng mga Pilipino ng Ingles, baku-bako man o napakahusay, ay isa sa mga atraksyong inihahain ng gobyerno sa mga dayuhang amo sa paglalako nito sa ating bilang manggagawa. Matagal na ang ganitong kalakaran at nakakatawang hindi pa nakuntento, ay sagad-sagaran pang nilapastangan ang ating wika upang pagsilbihan ang mga pang-dayuhang interes.

Hindi na ako nabigla sa kawalanghiyaan ng CHED at ng gobyerno. Hindi na baleng mas makaramadam tayo na mas mababang klase ang pagiging Pilipino, hindi na rin baleng mas umigting ang krisis sa pagkilala natin sa sarili gumaling lang tayo sa pag-iingles. Kinakailangan na rin ba nating aralin mag-tunog Amerikano katulad ng turo ng mga call centers sa mga empleyado nito?

Napapailing ako sa kawalan ng malasakit ng CHED sa kung ano ang dulot sa atin ng ganitong hakbangin. Sa panahong mas pinaiiral dapat ang diwa ng patriyotismo sa harapan ng pangkultura at lingwistikong imperyalismo na dala ng globalisasyon ay mas lalo pa tuloy nitong pinagsisikapan na mawalan ang wikang Filipino ng saysay sa intelektwal at iba pang larangan. Kagaya ng maraming problema sa bansa, ang usaping ito ukol sa wika ay istruktural, may malalim na pinag-uugatan. Ang kawalan ng respeto at pagpapahalaga ng CHED at ng gobyerno sa sarili nating wika ay nagpapakita lang ng kakulangan din ng mga patakarang makabayan sa edukasyon. Lagi nang sinasabi ng pambansang demokratikong kilusan na bulok ang sistema ng edukasyon ng bansa sapagkat ito ay mala-kolonyal, komersyalisado at hindi tumutugon sa pangangailan ng sambayanan.

Imbes na tumugon sa kritisismong ito at magsagawa ng mga karampatang reporma ay sampal sa mukha ang natanggap natin sa pamamagitan ng pagpapakita ng sagad-sagarang pagsamba sa wika ng imperyalistang US. Ano ang nais ng CHED?

Hindi mali ang magkaroon ng pangalawang lenggwahe at malaya naman tayong gawin ito pero ibang usapin ang may laya kang gawin ito at ginusto mong gawin kumpara sa dahilang ito ay institusyunal na mandato ng gobyerno. Ganyan ang naramdaman ko. Hindi ako binigyan ng pagkakataong magpasya para sa sarili kung gusto ko bang aralin at gamitin ang Ingles bilang lenggwahe sa pag-aaral at sa pang-araw araw na buhay. Itinatak sa akin ng paaralan at ng midya na Ingles ang wika ng mga edukado, ng mga magtatagumpay sa buhay.  Kaya, noong bata ako, sa tuwinang may pumupuna sa galing kong mag-ingles ay natutuwa ako, maliwanag ang bukas ‘ika nga.

Ang kawalan ng respeto at pagpapahalaga ng CHED at ng gobyerno sa sarili nating wika ay nagpapakita lang ng kakulangan din ng mga patakarang makabayan sa edukasyon

Maraming taon pa bago ko napag-alaman at naintindihan na ang paghihirang sa Ingles bilang aspirasyunal na wika ay kakabit ng kung paano tayo nilalako ng gobyerno sa ilalim ng mapanlinlang na panawagang global competitiveness. Hindi pagtanggal ng Filipino sa heneral na kurikulum, hindi ang paglimot sa sariling wika ang tamang pamamaraan upang makapagluwal ng mga indibidwal na may kakayahang makipagtagisan ng galing saan man sa mundo. Ang sagot ay nasa pagpapalakas ng mga batayang serbisyo: pondo sa edukasyon, paglikha ng pangkabuhayan sa lokal, serbisyong pangkalusugan at iba pa. Sa pamamagitan nito lamang  magkakaroon ng sapat na panahon at oprtunidad upang linangin natin ang ating mga kakayahan, kakayahang tutugon sa tunay na pangangailang ng bansa.

Ang pag-unlad ay hindi nakasalalay sa paglikha ng mga English speakers na animo’y may schizophrenia  sa lenggwahe na katulad ko.

Habang sinusulat ko ang artikulong ito, ay nakabukas din sa computer ang Google translate. May mga iilang salita at ekspresyon ang hindi ko mahagilap at kinakailangan ko ng tulong. Nakakabahalang mas kumportable akong magsulat sa Ingles at habang binubuo ko ang mga ideya at argumento ay pisikal na nararamdamang mas mabilis ang andar ng utak kapagka ang pangalawang lenggwahe ang ginamit.

 

chedbldg

 

Nakakabahala dahil ibig sabihin ay may kakulangan sa paglinang ng aking mga linggwistikong kakayahan kahit pa mula elementarya hanggang kolehiyo sa Pilipinas ay bahagi na ng aking mga aralin ang asignaturang Filipino. Ibig sabihin, kung hindi ako nag-iisa, ay may dapat tingnan sa kung paano mas maging epektibo at mas mapayaman pa ang pagtuturo sa wikang Filipino sa mga paaralan.

Ngunit tila wala ng panahon para d’yan. Tatanggalin na nga ng CHED.

Ano ang ibig sabihin ng CHED? Hindi nakakasapat ang ating wika sa pang intelektwal na gamit? Na mas mababang klase ito sa pang-daigdigang arena?

Nakakalungkot, nakakangalit ang ganitong kaisipan. Mauubos ang ating mga boses sa pakikipag-argumento sa nais na magising ang mga may pasimuno ng CHED Memo 20 na magising sa kawalang ng lohika ng hakbang na ito ngunit alam nating hindi tayo pakikinggan. Ganyan din naman ang trato at postura nila sa mga protesta natin laban sa walang patid na pagtaas ng bayarin sa matrikula at iba pang bayarin sa mga paaralan ngunit lumalaban tayo at dinadala natin ang laban sa lansangan.

Gayundin sa labang ito. Ipagtanggol ang wika at huwag hayaang mawala ito. Malaking bahagi ito ng ating kultura, ng ating identidad.

Huwag itong isuko sa mga pangdayuhang interes.

Biguin ang CHED at ang gobyernong ito sa paglapastangan ng ating wika!

[icon_counter icon_type=”custom” icon_img=”5021″ img_width=”48″ icon_size=”32″ icon_color=”#333333″ icon_style=”none” icon_color_bg=”#ffffff” icon_color_border=”#333333″ icon_border_size=”1″ icon_border_radius=”500″ icon_border_spacing=”50″ flip_box_style=”simple” border_size=”1″ border_color=”#a4a4a4″ box_border_style=”dotted” box_border_size=”2″ box_border_color=”#a4a4a4″ box_border_color_back=”#a4a4a4″ block_title_front=”Hinggil sa may-akda” text_color=”#ffffff” bg_color=”#8224e3″ block_text_color=”#333333″ block_front_color=”#8224e3″ block_back_text_color=”#333333″ block_back_color=”#efefef” button_bg=”#333333″ button_txt=”#ffffff” flip_type=”horizontal_flip_left” height_type=”ifb-jq-height” box_height=”300″ block_title_back=”Jennifer Estellore” block_desc_back=”Si Jennifer Estellore ay kasalukuyang guro ng wikang Ingles sa Japan. Siya ay nakapagtapos ng International Studies sa University of Canberra sa Australia.

Dati siyang organisador ng kabataan sa University of Mindanao, at dating manunulat para sa GABRIELA, isang progresibong organisasyon ng kababaihan. “]

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here